Miyerkules, Hunyo 6, 2012

KAUTUSAN NG IKAPU


A widow giving tithe
MAL 3 :
NANANAKAWAN BAGA NG TAO ANG DIOS? Gayon ma’y ninanakawan ninyo ako. Nguni’t inyong sinasabi, Sa ano ka namin ninakawan? Sa mga IKASAMPUNG BAHAGI at sa mga handog.

Kayo’y nangagsumpa ng sumpa sapagka’t inyo akong ninakawan, sa makatuwid baga’y nitong boong bansa.

10  Dalhin ninyo ang boong IKASAMPUNG BAHAGI sa kamalig, upang magkaroon ng pagkain sa aking bahay, at subukin ninyo ako ngayon sa bagay na ito, sabi ng Panginoon ng mga hukbo, kung hindi ko bubuksan sa inyo ang mga dungawan sa langit, at ihuhulog ko sa inyo ang ISANG PAGPAPALA, na walang sapat na silid na kalalagyan.

Datapuwa’t ang pinairal na paraan nitong mga Pauliniano ay taliwas sa itinadhana ng Dios sa kaniyang mga anak sa kalupaan. Ang ikapu ay nagtatalaga ng ikasampung bahagi (10 %) sa anomang tinatangkilik ng sinoman na ipagkaloob sa mga hinirang niyang manggagawa. Mula sa katuwiran ng Dios ay nalalaman niyang may kasapatan ito upang tugunan ang lahat ng maaaring maging pangangailangan nila na mga lingkod niya.
Ano pa’t ang siyamnapung bahagi (90 %) ay maluwag namang matutugunan ang maraming pangangailangan ng sinoman sa kalupaan. Na kung uunawaing mabuti ang usaping ito’y napakaliwanag na paraang ibinigay ng Dios sa mga tao sa ikagaganap ng walang patid na kasagaaan ng buhay dito sa kalupaan, gaya nga ng nasusulat sa mga talatang nasa itaas.

Ano nga ang inyong sasabihin sa mga tao na ang ginawa ay ang hidwang paraan sa partikular na kautusang ito na tumutukoy sa uri ng pamumuhay na umaayon sa kalooban ng Dios? Hindi baga maituturing na sila’y mga pusakal na tulisan, na palagiang ninanakawan ng mga bagay ang kanilang Ama?

Ang paraan nga nila sa karumaldumal na gawaing ito’y malumanay dahil mula sa puso na tila baga may hatid na kabanalan. Datapuwa’t ang pagnanakaw, sa malumanay man o maging sa marahas na paraan ay magkatulad na katampalasanan sa Dios.

Offering from the heart
1 COR 16 :
1  Ngayon, tungkol sa AMBAGAN SA MGA BANAL, ay gawin din naman ninyong gaya ng iniutos ko sa mga iglesia ng Galacia.
2 Tuwing unang araw ng sanglinggo ang bawa’t isa sa inyo ay magbukod na magsimpan, ayon sa kaniyang iginiginhawa, upang huwag nang gumawa ng mga ambagan sa pagpariyan ko.

2 COR 9 :
MAGBIGAY ANG BAWA’T ISA AYON SA IPINASIYA NG KANIYANG PUSO: huwag mabigat sa loob, o dahil sa kailangan: sapagka’t iniibig ng Dios ang nagbibigay na masaya. (JER 17:9-10).

JER 17 :
Ang puso ay MAGDARAYA NG HIGIT KAY SA LAHAT NA BAGAY, at TOTOONG MASAMA: sinong makaaalam?

Tungkol sa usaping ito’y hindi maikakaila ng lahat na ang kaisipan ay ginawa ng Dios na lalong mataas kay sa puso ng sinoman. Ano pa’t ang katuwiran ng Dios ay namamalagi sa kaisipan, na idinidikta nito sa lahat ng mga bahagi na nakakababa sa kaniya. Palibhasa’y siya ang panginoon sa kabuoan ng katawan na nagsasabi ng matuwid at makabubuti ng kaniyang sarili.

Sa gayo’y walang taglay na sariling kaisipan ang puso, upang masabi niyang mabuti o masama ang mga nadarama niya sa kaniyang sarili. Kaya’t sa kawalang katuwiran ng kaisipan ay nagiging masama at totoong naging magdaraya ang puso ng sinoman.

Dahil dito ay kahangalan at kahibangang maituturing, kung ang pagpapasiya sa mga bagay ay isasalalay sa nadarama ng masamang puso. Sa gayo’y matatalastas na taglay ng sinoman ang kamangmangan ng kaisipan, kung sa kaniyang kabuoan ay may pangyayari ang mga bagay na dumaan sa pagpapasiya ng damdamin.

Kaya nga isa kang taong matalino sa paningin ng iyong Ama na nasa langit, kung sa kabuoan mo’y umiiral ang kaniyang katuwiran, at hindi ang nadarama ng iyong puso. Datapuwa’t mangmang ka at hangal sa kaniyang paningin, kung pinipilipit ng iyong damdamin ang katuwiran ng kaisaisang Dios na iyong Ama.

Gaya ng pagpapairal ng ikapu na katuwiran ng Ama at kautusan(Torah) na nararapat isabuhay ng lahat niyang mga anak sa kalupaan. Na pinilipit nitong ambagan ng mga hangal, na ang pamantayan sa pagbibigay ng abuloy ay alinsunod sa ipinasiya ng masama at magdarayang puso.

Sa gayo’y pinalabas ng mga hangal na naghihikahos sa lahat ng mga bagay ang mga manggagawa ng Dios, kaya’t nangangailangan sila ng abuloy na mula sa ipinasiya ng magdarayang puso ng mga tao.

Datapuwa’t sa paraan ng ikapu ay hindi kailangang humingi ng ambag sa sinoman ang mangagawa ng Dios, sapagka’t sa paraang yaon ay nalalaman ng ating Ama na yao’y sasapat sa lahat nilang pangangailangan.

Ano pa’t ang kaukulang abuloy sa mga dukha at sa mga balo ay nagmumula sa kanila, at hindi sa lukbutan ng mga tao. Sa gayo’y hindi pulubi ang mga mangagawa ng Dios upang magsihingi ng abuloy, at lalo ng sila’y hindi patay gutom upang ang kaunting halaga na hawak ng mga dukha ay agawin pa nila sa kanilang mga palad.

Sa gayo’y hindi nga kailan man naging ambagan ng mga banal ang katuruang isinulong ni Pablo sa mga Gentil, kundi ambagan ng mga hangal. Sapagka’t ang pamantayan sa gawaing yaon ay alinsunod sa masama at magdarayang puso, na dinaig ang kaisipang ayaw tumanggap sa katuwiran ng Ama niyang nasa langit. 

Kaugnay nito, sa kabanata 8 ng pangalawang (2) sulat ni Pablo sa mga taga Corinto ay tampok ang usaping may ganap na kinalaman sa tinatawag niyang ambagan ng mga banal. Bagay na kailan ma’y hindi sinangayunan nitong katuwiran ng ating Ama na nasa langit.

Sa ibang dako, ang kabanatang ito’y labis na kinagigiliwang basahin ng mga mangangaral na nabibilang sa iba’t ibang denominasyon ng Cristianismo ni Pablo. Nasasaad dito ang pagpapakababang loob at paggamit ng mga salita ng Dios, upang ang lahat ay mahikayat na mag-abuloy para sa ikalalawak at ikasasagana ng iglesia ni Pablo.

Literal nilang tiningnan ang kahulugan ng salitang dukha at mapagkailangan. Kaya’t sa pagpapasiya ng puso ay kinakailangan silang tulungan sa ikatatawid gutom ng kanilang katawan, sa pamamagitan ng abuloy na mula sa pagpapasiya ng puso.

Nang isugo nitong Espiritu ng Dios na nasa kalooban ni Jesus ang labingdalawa (12) apostol ay hindi kailan man iniutos sa kanila na magdala ng ginto at pilak sa kani-kanilang mga supot, ni hindi sila sinabihang ipahiwatig kanino man ang mga bagay na tumutukoy sa abuluyan.

Sapagka’t ito’y labag sa layunin ng pagkasugo sa kanila, at kung kaya sila’y isinugo ay may malawakang nagaganap na pagkagutom sa mga kaluluwa ng sangbahayan ni Israel. At ng dahil sa taglay na ng mga tunay na apostol ang makakain at ikabubuhay ng kaluluwa, ay inutusan silang pakainin ang mga tupang nangaliligaw sa mga lugaring pinaparoonan sa kanila nitong Espiritu ng Dios na namamahay sa kalooban ni Jesus.

Nalalaman ng mga tunay na apostol ang kanilang layunin, kung kaya sila’y nangagsisunod sa utos na walang labis at walang kulang at walang pag-aalinlangan. Kaya’t ayon sa salita’y pinakain nila ang mga kaluluwang nangangailangan ng ikabubuhay sa pamamagitan ng mga salita ng Dios (evangelio ng kaharian), o ang tinatawag na Katuruang Cristo

Ang tulong pinansiyal sa mga dukha ayon sa matuwid ng tao ay kailangang-kailangan, subali’t sa matuwid ng Dios ay hindi, kung sila naman ay hindi nagsisihingi ng tulong. Kung kaya nga sinabi na ang tumutuktok ay pinagbubuksan at ang humihingi ay binibigyan.

Dukha man kung hindi hihingi ng tulong sa Dios ay hindi kailan man tutulungan ng Dios. Gayon pa man, kung ang isang dukha ay sa larawang inanyuan ng mga kamay humihingi ay hindi rin kakamtin ang tulong, sapagka’t ang dinadalanginan nila ay hindi tunay na Dios, kundi larawan lamang  na may anyo nitong kahangalan at kahibangan ng mga mangmang.

Silang mga lingkod ng Dios ayon sa kasulatan ng mga banal ay nagpapakain ng mga nangagugutom na kaluluwa na siyang kaaliwan sa kanila. Sapagka’t sa mga nangagugutom na kaluluwa’y sumasa kanilang buhay ang pighati at hapis.

Ano pa’t sa pagdating ng mga isinugo ng Dios ay pinapahiran ang luha sa kanilang mga mata, at sila’y inaaliw sa pamamagitan ng mga dalisay at sakdal na mga salita ng Dios na nagsisilabas sa kanikanilang bibig.

Ito nga ay isang padron o tularan na mapapagkilanlan sa isang tunay na lingkod o mangangaral ng Dios. Ang daladala niya ay pawang mga salita ng Dios at siya’y hindi nanghihingi ng anoman sa mga nagsisikain ng kaniyang salita, sapagka’t ang isang manggagawa ng Dios ay karapatdapat sa kaniyang makakain sa pamamagitan ng Dios, at hindi sa pamamagitan ng abuluyan sa mga hangal.

Ang layunin ng isang sugo ng Dios at ang buod nito’y hindi nauunawaan ng mga bulaang mangangaral. Bagkus ay ayon lamang sa sarili nilang nadarama ang sinusunod ng kanikanilang isipan. Tulad ito ni Pablo na nabubuhay at nagpapasasa sa pinagpawisan ng iba, na bunga ng pagsasangkalan o paggamit sa mga salita ng Dios na nangagsilabas mula sa bibig ng mga tunay na banal.

Ang evangelio ng kaharian ay mga aral ng kabanalan na nangagsilabas mula sa bibig  ni Jesus, at ang kautusan (Torah) ng ating Ama tungkol sa ikapu ay masiglang sinasang-ayunan nito. Na sinasabi,

MATEO 19 :
17  At sinabi niya sa kaniya, Bakit mo itinatanong sa akin ang tungkol sa mabuti? May isa, na siyang mabuti: datapuwa’t kung ibig mong pumasok sa buhay, INGATAN MO ANG MGA UTOS.

Gayon na lamang ang pagtatanggol ni Jesus sa hindi kakaunting kautusan ng kaisaisang Dios, at ito ay nararapat na isa-isip at tandaan ng lahat. Ang ikapu sa makatuwid ay isa lamang sa mga menor na kautusan ng Torah, at kahi man ito’y hindi nabibilang sa mayor (10 utos) na mga kautusan ng Torah ay tungkulin pa rin na ito ay tupdin at isabuhay ng lahat. Datapuwa't kung ang sinoma’y katotohanang umiibig at may taglay na takot sa Dios ay walang alinlangan at masigla niyang gaganapin ang bagay na ito.

Palibhasa nga’y inihahain nitong evangelio ng di pagtutuli ang maluwang na daan ay napakaluwag ngang pagbigyan ang abuluyan na ayon sa ipinasiya ng masama at magdarayang puso. Datapuwa’t palibhasa’y makipot na landas at pintuan ang iniuutos ng Dios na daanan ng lahat ay masikip din naman sa kalooban ng marami na isabuhay ang kautusan ng ikapu.  Ano pa’t ang kautusan(Torah) ay kautusan(Torah) at hindi tinatanggap ng Ama nating nasa langit ang anomang kadahilanan ng mga tao upang ito’y hindi sundin. Kaya katotohanan na nararapat tindigan ng lahat, na ang hindi nagsasabuhay ng kautusan(Torah) ng ikapu ay hayagang sumasalungat at naghihimagsik sa kalooban ng kaisaisang Dios na siyang nagbaba sa kalupaan ng nabanggit na utos (Torah).

Gayon ngang ang ambagan ng mga banal ay katuruan na masusumpungan sa evangelio ng di pagtutuli, samantalang ang kautusan ng ikapu ay banal na katuruang binibigyang diin nitong mga salita (evangelio ng kaharian) na mismo ay nangagsilabas mula sa bibig ni Jesucristo. Isa nga lamang ang usapin na may kinalaman sa kautusan ng ikapu sa mga banal na katuruan na pinaghihimagsikan at pinipilipit ng mga salita na isinatitik ng sariling kamay nitong si Pablo.

Pangangatuwiran ng mga hangal sa dilang hangal ay sa mga Israelita lamang daw iniutos ng Dios ang kautusan ng ikapu. Kaya sinomang hindi nabibilang sa lahi ni Israel ay hindi kailan man anila sinakop ng nabanggit na kautusan (Torah).

Tungkol sa usaping ito'y binigyang diin ng mga salita ng Dios na nangagsilabas mula sa bibig ni Jesus, na sinasabi,

JUAN 20 :
17  Sinabi sa kaniya ni Jesus, Huwag mo akong hipuin; sapagka’t HINDI PA AKO NAKAKA AKYAT SA AMA, nguni’t pumaroon ka sa aking mga KAPATID, at sabihin mo sa kanila, Aakyat ako sa AKING AMA, at INYONG AMA, at AKING DIOS at INYONG DIOS.


Sukat upang mapag-unawa natin na tayong lahat na mga tao sa ibabaw ng lupa ay pawang mga anak ng Dios. Kaya maliwanag na ang kautusan (sampung utos ng Torah), palatuntunan ng Torah, at kahatulan ng Dios sa Torah ay ukol sa lahat ng tao sa kalupaan, na pawang mga anak ng Dios. Hangal nga lamang at hibang sa kaniyang sarili ang sinomang maninindigan na ang kautusan ng ikapu ay ukol lamang sa mga Israelita. Lalo na nga rin siya na nagtuturo nitong abuluyan na mula sa ipinasiya ng masamang puso.

Sadyang ang mga mangmang at tamad na manggagawa ay pinipilipit ang kautusan ng kaniyang panginoon, at namimili ng mga bagay na kaniyang gagawin sa maghapon. Samantalang ang matalino at masipag na mangagawa ay masiglang tinatalima ng may galak sa kaniyang puso ang lahat ng kautusan ng kaniyang panginoon sa buong maghapon.

Gayon nga rin silang mga anak ng pagsuway (Gentil) na pinipilipit ang mga kautusan (Torah) ng Dios at ibinabasura ang mga kautusan ng Torah na ayaw nilang sundin. Datapuwa't ang mga anak ng pagsunod (Israelita) ay masigla at may galak sa kanilang pusong sinusunod na lahat ang utos ng Dios. Ang salitang Israelita sa makatuwid ay sumisimbulo sa isang taong masiglang tumatalima sa kautusan (Torah) ng Ama niyang nasa langit. Kaya sinomang nasa landas ng maluwalhating pagtalima sa mga kautusan (Torah) ay isang Israelita na totoo. Katotohanan nga na ang kautusan ay iniutos lamang ng Dios sa mga taong nahahandang tumalima sa Kaniya bilang kaisaisang Dios ng langit.

Kamtin nawa ng lahat ang masaganang daloy ng biyaya na mula sa kaluwalhatian ng langit.

Hanggang sa muli, paalam.



4 (na) komento:

  1. Padron ng katotohanan ang pag sisiwalat ng artikulo ng kautusan ng ikapu Sa aking pagkauna sa katatapos ko lang mabasa ay may 2 klase ng ikapu ito ay sampung porsiento ng kita sa kabuoan ng sahod at sampung porsiento ng panahon o oras sa bawat isang araw (24hrs).Ng isugo ng espirito ng diyos nasa kaloobon nitong si Jesus.ang 12apostol ay pinagbilinan na huwag magdala ng alin mang supot o ipahiwatig na abuluyan.marahil ang mga tupang ligaw mga anak ng pagsunod ang nagpatuloy sa kanila ng mga ilang araw sa paglapat ng likod sa gabi ng pamamahinga at pagkain ng pisikal upang sa kinaumagahan muli na namang maglalakbay sapagkat marami ang aanihin ngunit kulang ang mang aani .ang layunin nitong mga mang lalakbay ay mapakain ng ebanghelio uhaw at gutom ang kaluluwa nitong nagkalat na ligaw na tupa upang maibalik sa kawan ng Dios.ilan kaya ngayon ang tunay na mga mangangaral paki chek mo nga katid baka isa ka sa nga tupang matagal ng hinahanap ng kaisa isa nating dakilang AMA ng may ari ng buhay.

    TumugonBurahin
  2. Salamat kapatid na Ric.T sa hustong unawa mo sa artikulo ng "IKAPU." Bihira sa panahon nating ito ang may ganyang kalawak na pagkaunawa, sapagka't ang halos lahat sa ating kapuluan ay binulag at biningi ng mga likhang taong doktrinang pangrelihiyon, na kailan ma'y hindi sinang-ayunan ng mga salita ng Dios na nilalaman ng mga banal na kasulatan (Bibliya). Mapalad ang mga taong nagpapahalaga at nagsasabuhay ng mga natatanging kalooban ng Dios. Kapayapaan ay suma iyo kapatid.

    TumugonBurahin
  3. Sa iyo na nagpapanggap na Ricardo Joson Morales. Bakit hindi mo ilantad ang iyong sarili at ilahad ang stand mo tungkol sa topic ng "IKAPU." Paano namin masasagot ang comment mo kung gumagamit ka ng ibang pangalan? Kung talagang sumasa Dios ka ay hindi mo gagawin ang bagay na iyan. Kung hacker ka ay igalang mo naman ang mga katunayang biblikal na tinitindigan namin sa mga inilalathala naming artikulo. Sa usapin ng IKAPU ay hindi kailan man mabubura ng pagsarili mong opinyon ang mga katotohanan na nasusulat sa banal na kasulatan. Kaya ang maipapayo namin sa iyo ay tigilan mo na ang ganyang mga gawa, bagkus ay sundin mo na lang ang mabuti na ipinagagawa sa iyo ng Dios. Maging tagapagtagtaguyod ka na lamang ng mga salita ng Dios, at tigilan mo ang paniniwala sa salita ng mga tao na lumalason sa iyong isipan. Nalalaman mo na kasalanan sa Dios ang pagpapanggap at paggamit sa pangalan ng may pangalan, kaya sana ay mahimasmasan ka sa hayagang kasalanan na iyong ginagawa. Gayon ma'y hinihiling pa rin namin sa Ama nating nasa langit na padalhan ka ng mga Espiritu na gigising at gagabay sa iyo sa matuwid na landas ng buhay sa kalupaan. Paalam.

    TumugonBurahin
  4. Sa lahat ng mga nagpadala ng anonymous comment. Ang ipina-publish lamang po namin sa ngayon ay yung naglalahad ng kanilang NAME/URL, gayon ma'y pinadadaan pa rin po namin ang lahat ng comment sa moderation process. Paumanhin po.

    Yohvshva bar Yusuf
    Patnugot
    Rayos ng Liwanag

    TumugonBurahin