Martes, Mayo 22, 2012

ANG LUMA AT BAGONG TIPAN


Jer 31:
31  Narito, ang mga araw ay dumarating, sabi ng Panginoon, na ako’y makikipagtipan ng panibago sa sangbahayan ni Israel, at sa sangbahayan ni Juda.

32  Hindi ayon sa tipan na ipinakipagtipan ko sa kanilang mga magulang sa araw na aking kinuha sila sa pamamagitan ng kamay upang ilabas sila sa lupain ng Egipto; na ang aking tipan ay kanilang sinira, bagaman ako’y asawa nila, sabi ng Panginoon.

33  Kundi ito ang tipan na aking ipakikipagtipan sa sangbahayan ni Israel pagkatapos ng mga araw na yaon, sabi ng Panginoon, Aking itatala ang aking kautusan sa kanilang kalooban, at aking isusulat sa kanilang puso; at ako’y magiging kanilang Dios, at sila’y magiging aking bayan;

34  At hindi na magtuturo bawa’t isa sa kanila sa kaniyang kapuwa, at bawa’t tao sa kaniyang kapatid, na magasasabi, Iyong kilalanin ang Panginoon; sapagka’t makikilala nilang lahat ako, mula sa kaliitliitan sa kanila hanggang sa kadakidakilaan sa kanila, sabi ng Panginoon: sapagka’t aking ipatatawad ang kanilang kasamaan, at ang kanilang kasalanan ay hindi ko na aalalahanin. (Eze 18:21-22)

AWIT 89:
34  Ang tipan ko’y hindi ko sisirain. Ni akin mang babaguhin ang bagay na lumabas sa aking mga labi.

Ayon sa ating teksto ay maliwanag na sinabing makikipagtipan ang Dios ng panibago sa sangbahayan ni Israel at ni Juda. Na kung uunawaing mabuti ay hindi upang sirain at pawalan ng kabuluhan yaong tipan na ipinakipagtipan niya kay Moises. Kundi ang ibig niyang sabihin ay gayong nananatili sa pag-iral ang tipan kay Moises sa lahat ng panahon, sapagka’t hindi kailan man ipinahayag na kapag nakipagtipan siya ng panibago sa dalawang (2) sangbahayan ay mga bagong kautusan ang ilalagay niya sa kanilang pagiisip at mga puso.

Na sinabi,  Aking itatala ang aking kautusan sa kanilang kalooban, at AKING ISUSULAT SA KANILANG PUSO at ako’y magiging kanilang Dios, at sila’y magiging aking bayan;

Sapagka’t yaong tipan kay Moises ay pagkakaloob ng mga kautusan na itinala at isinulat lamang ng Dios sa  tapyas ng mga bato. Nguni’t sa panibagong pakikipagtipan niya sa dalawang (2) sangbahayan ay hindi na nga sa gayong paraan, kundi ang kaniyang mga kautusan ay sa mga kaisipan at mga puso na nila itatala at isusulat ng Dios.

Kaya nga sinabi niyang ito’y hindi ayon sa tipang kaniyang ipinakipagtipan sa kanilang mga magulang. Sapagka’t yaong kay Moises ay nasusulat sa bato, samantalang ang sa mga anak ay katulad na kautusang nasusulat sa kaisipan at puso.

Sa pagpapatuloy ay sinabi, At hindi na magtuturo bawa’t isa sa kanila sa kaniyang kapuwa, at bawa’t tao sa kaniyang kapatid, na magsasabi, Iyong kilalanin ang Panginoon; sapagka’t makikilala nilang lahat ako, mula sa kaliitliitan sa kanila hanggang sa kadakidakilaan sa kanila, sabi ng Panginoon:

Kapag naganap na nga ang sinasabing panibagong pakikipatipan ay maliwanag pa sa sikat ng araw na wala ng magiging pangangailangan pa sa mga dakilang saserdote,  pari, ministro, obispo, at mga mangangaral na lumalayong ipakilala ang Dios at ang kaniyang katuwiran sa sanglibutan. Nguni’t sa kasalukuyang kalakaran sa mundo ay hindi maikakala ang presensiya ng hindi kakaunting relihiyon sa kalupaan at halos hindi mabilang na mangangaral.

Hinggil dito, ang katotohanan na nararapat tanggapin ng lahat ay ito. Ang sinasabi ng Dios na gagawin niyang panibagong pakikipagtipan sa nabanggit na dalawang (2) sangbahayan ay hindi pa nagaganap. Kaya’t samantalang ito’y hindi pa dumarating ay wala tayong magagawa, kundi tumalima sa mga kautusan na nasusulat sa  tapyas ng mga bato.

Muli, mula sa mahigpit na pangangailangan ng pagpapatibay ay nararapat tanggapin ng lahat, na ang Bagong Tipan ng Dios ay hindi pa nagaganap. Ang Bagong Tipan sa Biblia na inilalapat ng Simbahang Katoliko (Roman Catholic) kay Jesus, sa makatuwid ay hindi kailan man sinasang-ayunana ng Dios. Sapagka’t ang katotohanan ay hindi pa ito naganap, saan man at kailan man. Katotohanan din, na hindi si Jesus ang matuwid na kaganapan ng Bagong Tipan, kundi ang mga payak lamang na salitang nilalaman ng JEREMIAS 31:31-34. 

Ano pa’t dumating man ito’y gaya rin naman ng mga kautusan na nasusulat sa bato ang itatala at isusulat ng Dios sa kanilang mga kaisipan at mga puso. Kaya nga, bakit pa ba natin pagmamatigasin ang ating mga puso sa mga kautusan ng ating Ama na nasa langit? Kung sa pamamagitan ng pagtalima sa mga ito’y makakamit naman pala ang buhay na walang hanggan.

Sa katunayan nga’y pinatotohanan at pinagtibay ni Jesus sa kaniyang kapanahunan ang tungkol sa usapin ng kaligtasan, at hinggil dito ay mariin niyang sinabi,

MATEO 19 :
17  At sinabi niya sa kaniya, Bakit mo itinatanong sa akin ang tungkol sa mabuti? May isa, na siyang mabuti: datapuwa’t kung ibig mong pumasok sa buhay, INGATAN MO ANG MGA UTOS.

JUAN 12 :
50  At nalalaman ko na ANG KANIYANG UTOS AY BUHAY NA WALANG HANGGAN; ang mga bagay nga na sinasabi ko, ay ayon sa sinabi sa akin ng AMA, GAYON KO SINASALITA.


Kung katotohanan na ang bagong tipan ay naganap na sa pamamagitan ni Jesucristo ay bakit nga sa natatangi niyang kapanahunan ay ang kautusan pa rin ng Ama na nasa langit ang itinuturo niyang sunding ng mga tao. Ang kautusan pa rin ang napakaliwanag na tanging daan sa kaligtasan ng kaluluwa sa kalupaan. Ito pa rin ang kaisaisang paraan upang kamtin ng sinoman sa kaluwalhatian ng langit ang buhay na walang hanggan.

Mabuti nga na ang sinoma'y masiglang sumunod sa kautusan, sapagka't sa gayong gawa ay makatitiyak siyang siya'y matatag na natitindig sa katotohanan ng Ama nating nasa langit. 

Sa tanggapin nyo man o hindi, ang katuwirang ito ay nagtutumibay, palibhasa’y lumabas mismo sa bibig ng kaisaisang Dios. Ito nga’y binigyan niya ng kaukulang diin, upang matibay na tindigan ng kaniyang mga anak sa kalupaan. Sa gayo’y maipasisiya na ang katuwirang inihayag ng usaping ito ay isa lamang sa mga nagtutumibay na *padron ng katotohanan.

* Padron ng katotohanan, na ang kahulugan ay balumbon ng mga salita ng Dios na kumakatawan sa saligan ng katotohanan. Sinomang magsabuhay nito'y nakatitiyak na siya'y sumasa Dios at ang Dios ay sumasa kaniya.)

Hanggang sa muli, paalam

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento