Lunes, Enero 2, 2012

HINDI KO KAYO NAKIKILALA


Sa natatanging kapanahunan ni Jesus bilang isang saro ng kabanalan (sisidlang hirang ng Espiritu ng Dios) ay isinatinig niya ang salita nitong Espiritu ng Dios na namamahay at naghahari sa kaniyang kabuoan. 

Na sinabi,

Mateo 24 :
5  Sapagka’t marami ang magsisiparito sa aking pangalan, na mangagsasabi, ako ang Cristo; at ililigaw ang marami.

Mateo 7 :
21  Hindi ang bawa’t nagsasabi sa akin. Panginoon, Panginoon, ay papasok sa kaharian ng langit: kundi ang gumaganap ng kalooban (kautusan) ng aking Ama na nasa langit.

22  Marami ang mangagsasabi sa akin sa araw na yaon, Panginoon, Panginoon, hindi baga nagsipanghula kami sa iyong pangalan, at sa pangalan mo’y nangagpalayas kami ng mga demonio, at sa pangalan mo’y nagsigawa kami ng maraming gawang makapangyarihan?

23  At kung magkagayo’y ipahahayag ko sa kanila, Kailan ma’y hindi ko kayo nakikilala: magsilayo kayo sa akin, kayong manggagawa ng katampalasanan.

Napakaliwanag na ang Espiritu ng Dios na nasa kalooban ni Jesus ay binigyang diin na tanging mga tao lamang na gumagawa ng kalooban (kautusan) ng Ama ang siya lamang papasok sa kaharian ng langit (Mat 23:23). 

Ito’y isang napakatibay na katunayan, na nagsasabing ang pagtalima lamang sa mga mayor at minor na kautusan ang tanging makapagliligtas ng kaluluwa, at makapagbibigay ng karapatan sa sinoman na makapasok sa kaharian ng langit (Juan 12:50)

Ang marami nga’y itong si Jesus ang kinilala imbis na ang Espiritu ng Dios, na sa kapanahunang yao’y ganap na namamahay at makapangyarihang naghahari sa kabuoan niya (Jesus)

Dahil dito ay inilahad ng nabanggit na Espiritu, na silang nagsipanghula, nagpalayas ng mga demonio, at nangagsigawa ng mga makapangyarihang mga gawa sa pangalan ni Jesus, ay hindi niya kailan man pagtutuunan ng kaukulang pagkilala. Sapagka’t itinuturing ng Dios na ang gayong uri  ng mga gawa ay pawang lalang lamang ng masama.

Sa ikalilinaw ng usaping ito’y siyasatin nga muna natin ang likas na kalagayan nitong si Jesus bilang isang tunay na lingkod ng Dios sa layunin ng isang saro ng kabanalan.

Sapagka’t kaniyang sinabi,

JUAN 5 :
30  HINDI AKO MAKAGAGAWA NG ANOMAN SA AKING SARILI: humahatol ako ayon sa aking narinig: at ang paghatol ko’y matuwid; sapagka’t hindi ko pinaghahanap ang aking sariling kalooban, kundi ang kalooban niyaong nagsugo sa akin. 

31 Kung ako’y nagpapatotoo sa aking sarili. ANG PATOTOO KO AY HINDI KATOTOHANAN.

JUAN 8 :
28  Sinabi nga ni Jesus, Kung maitaas na ninyo ang Anak ng tao, saka ninyo makikilala  na ako  ang Cristo, at WALA AKONG GINAGAWA SA AKING SARILI; KUNDI SINASALITA KO ANG MGA BAGAY NA ITO, AYON SA ITINURO SA AKIN NG AMA.

JUAN 14 :
10  Hindi ka baga nananampalataya na ako’y nasa Ama, at ang Ama ay nasa akin? ANG MGA SALITANG AKING SINASABI SA INYO’Y HINDI KO SINASALITA SA AKING SARILI: kundi ang AMA na tumatahan sa akin ay gumagawa ng kaniyang mga gawa. (Juan 10:30).

JUAN 8 :
26  Mayroon akong maraming bagay na sasalitain at hahatulan tungkol sa inyo: gayon pa man ang nagsugo sa akin ay totoo; at ang mga bagay na sa kaniya’y aking narinig, ang mga ito ang sinasalita ko sa sanglubutan.

JUAN 12 :
49  Sapagka’t AKO’Y HINDI NAGSASALITA NA MULA SA AKING SARILI; Kundi ang AMA na sa akin ay nagsugo, ay siyang nagbigay sa akin ng UTOS, kung ANO ANG DAPAT KONG SABIHIN, at kung ANO ANG DAPAT KONG SALITAIN.

JUAN 7 :
16  Sinagot nga sila ni Jesus, at sinabi, Ang turo ko ay hindi akin, kundi doon sa nagsugo sa akin.

Kaugnay nito'y napakaliwanag na isang malaking pagkakamali, na sabihing saro (kopa) ang nakapapatid sa uhaw ng sinoman, imbis na ang tubig na nilalaman nito. Si Jesus sa makatuwid ay isa lamang sa hindi kakaunting naging saro ng kabanalan (holy grail).

Ano pa’t bilang isang sisidlan, kung ito’y walang lamang tubig ay paano nga mapapatid ang uhaw ng sinoman. Kaya’t maliban na ang saro (kopa) ay lamnan ng tubig at inumin ay hindi nga makapapatid ng uhaw ninoman, kahi man ito’y yari pa sa lantay na ginto.

Sa ngalan nga ng aktuwal na tubig na nalalagay sa saro ay napatid ang uhaw na nararamdaman ng lalamunan. Datapuwa’t sa ngalan ng aktuwal na saro, kung walang laman na inumin ay walang anomang kabuluhan sa layunin ng pagpatid sa uhaw ng sinoman.

Kaya’t katuwirang lubos na sinasang-ayunan ng katotohanan, na sa pangalan nitong Espiritu ng Dios na namahay at naghari sa kalooban ng taong si Jesus ay manghula, magpalayas ng mga demonio, at gumawa ng hindi kakaunting makapangyarihang mga gawa.

Ito ang kaisaisang tanda, na ang gumagawa ng gayo’y ayon sa katuwiran at kalooban ng Ama. Siya’y isang taong taglay ang sapat na talino, upang masiglang isabuhay ang mga salita (evangelio ng kaharian) na nangagsilabas mula sa bibig ni Jesus, at ng iba pang banal na umani ng lubos na pagkilala ng kaisaisang Dios na nasa langit.

Sa pagpapatuloy ay sabihin nyo nga sa amin, kung ang mga Budista, Hindu, Judio, Muslim  at iba pang sekta ng relihiyon sa buong mundo ay nagsipanghula, nagpalayas ng mga demonio, at nagsigawa ng hindi kakaunting makapangyarihang mga gawa sa pangalan ni Jesus
O, hindi baga tanging mga Cristiano ni Pablo lamang ang nagsisigawa ng mga gayong gawain? 

Sa makatuwid ay katotohanan na dito ay walang pagsalang masusumpungan ang maraming bilang ng mga huwad na mangangaral, na siyang masiglang kumakatawan sa karumaldumal na kalagayan ng mga Anti-Cristo

Ano pa’t ang tunay na lingkod ng Dios ay gumagawa ng panghuhula at gumagawa ng makapangyarihang mga gawa, sa pangalan ng Espiritu ng Dios na namamahay at naghahari sa kalooban niya. Gaya ni Jesus na ginawa ang gayong mga bagay sa pangalan din nitong Espiritu ng Dios, na sa panahong yao’y ganap na namamahay at naghahari sa kaniyang kalooban at kabuoan.

Ang kailangan sa makatuwid ng mga tao ay malaman ang pangalan nitong Espiritu ng Dios na taglay sa kabuoan ng mga banal, at dahil doo’y walang pangangailangan ang mga tao sa anomang uri ng rituwal pangkabanalan o orasyon man. 

Dahil sa ang nabanggit na Espiritu ng Dios ang gumagawa ng kaniyang mga gawa, at nagsasalita ng kaniyang mga salita sa pamamagitan lamang ng katawang lupa na lubos Niyang pinamamahayan at makapangyarihang pinaghaharian. Na sinasabi,

DEUT 18 :
18  Aking palilitawin sa kanila ang isang PROPETA sa gitna ng kanilang mga kapatid, na gaya mo; at AKING ILALAGAY ANG AKING MGA SALITA SA BIBIG NIYA, at KANIYANG SASALITAIN SA KANILA ANG LAHAT NG AKING IUUTOS SA KANIYA. (Amos 3:7)

EXO 4 :
12  Ngayon nga’y yumaon ka, at AKO’Y SASAIYONG BIBIG, AT ITUTURO KO SA IYO KUNG ANO ANG IYONG SASALITAIN.

JER 1 :
Nang magkagayo’y iniunat ng Panginoon ang kaniyang kamay, at hinipo ang aking bibig; at sinabi sa akin ng Panginoon, Narito, INILALAGAY KO ANG AKING MGA SALITA SA IYONG BIBIG.

Eze 2 :
At sinabi niya sa akin, Anak ng tao, tumayo ka ng iyong mga paa, at ako’y makikipagsalitaan sa iyo.

2 At ang Espiritu ay sumaakin nang siya’y magsalita sa akin, at itinayo ako sa aking mga paa; at aking narinig siya na nagsasalita sa akin.

Napakaliwanag na walang anomang pangangailangan ang mga tao sa pagsasa-ulo at pag-usal ng iba’tibang banyaga, o lokal mang orasyon (dasal), palibhasa’y Espiritu ng Dios ang siyang gumagawa ng mga kahangahanga, at makapangyarihang mga gawa, at nagsasalita ng mga karunungang aral ng kabanalan. 

Tayo ay tunay na sisidalan lamang ng kabanalan, na kung liliwanagin ay buhay na templo nitong Espiritu ng Dios. Gayon man, sa katampalasanan ng isang tao'y nabibighani ang diyablo na ang katawan niya'y pamahayan at pagharian ng karumaldumal niyang espiritu. 

Buhay na templo ng kasamaan (sisidlang hirang ng diyablo, saro ng katampalasanan) ang tawag sa kanila, gaya ng ilang pangahas na naglihis at pumilipit sa katotohanang masusumpungan sa balumbon ng mga banal na kasulatan (Biblia).

Kaya tungkol sa bagay na ito ay mariing ipinagbawal ng Dios ang mga sumusunod,

DEUT 18 :
10 "There shall not be found among you [anyone] who MAKES HIS SON OR HIS DAUGHTER PASS THROUGH THE FIRE, [or one] who practices WITCHCRAFT, [or] a SOOTHSAYER, or one who interprets OMENS, or a SORCERER,

11 "or one who CONJURES SPELLS, or a MEDIUM, or a SPIRITIST, or one who CALLS UP THE DEAD.

12 "For all who do these things [are] an ABOMINATION to the LORD, and because of these abominations the LORD your God drives them out from before you.

Tunay na kasuklamsuklam sa paningin ng ating Ama ang mga karumaldumal na mga gawang mababasa sa ilang talata sa itaas. Palibhasa’y siya sa kaniyang sarili ang nagsasabi kung ano ang nararapat gawin at salitain ng sinomang pinamamahayan at pinaghaharian ng kaniyang Espiritu ( Juan 8:28), Juan 12:49), Juan 14:10).

Gayon nga rin sa pangalan ng nabanggit na Espiritu ay gagawa ng mga gawa ang mga tao, alinsunod sa katuwirang itinadhana ng mga kautusan, palatuntunan, at kahatulan ng Ama nating nasa langit. Sukat upang kilalanin Niya ng lubos sa larangan ng tunay na kabanalan at pamahayan ng kaniyang Espiritu ang katawan ninoman.  

Sa makatuwid nga’y kahangalan at kahibangan, na gawin ang gayong mga bagay sa pangalan ni Jesus, at yao’y kaisaisang tanda, na ang mga gumagawa ng gayong karumaldumal ay tunay na mga kalaban ng katuwiran ng Dios na nangagsilabas mula sa bibig ni Jesus.

(Kalaban ng Cristo - na ang ibig sabihin ay sila na bukod sa hindi nangakaka-unawa ay nagsipaghimagsik sa mga salita (evangelio ng kaharian) ng Dios na iniluwal mismo ng sariling bibig ni Jesus (Masyak).)

Sa pagtatapos ng artikulong ito'y katotohanan na matuwid panghawakan ng lahat, na mga Cristiano ni Pablo lamang ang gumagamit ng pangalan ni Jesus sa hindi kakaunti nilang rituwal pangrelihiyon. Sapat upang mapag-unawa na isa man sa kanila ay hindi kinikilala ng Ama nating nasa langit bilang anak ng pagsunod. 

Gayon din, sa kalipunang nabanggit masusumpungan ang mga tunay na kalaban ng Cristo, palibhasa'y hayagan nilang pinawawalang kabuluhan at pinaghihimagsikan ang mga salita ng Dios (evangelio ng kaharian) na mismo ay nangagsilabas mula sa bibig ng mga totoong banal na kinabibilangan ni Jesus. 

Sila rin naman na nangagsisigamit ng iba't ibang orasyones, anting-anting, at katulad ng mga yaon ay hindi nakikilala ng Dios. Kahi man sila'y nagsipagpalayas ng mga demonio, ni nagsigawa man ng mga himala. Sapagka't sila'y lumikha ng sarili nilang mga daan, at niwalang kabuluhan ang mga kautusan ng Dios (Duet 18:10-12).

Sila ay katotohanan na nabibilang sa lubhang malaking kalipunan ng mga kalaban ng Dios, sapagka't sinoman na lumalapat sa gayong kasuklamsuklam na kalagayan ay totoo namang nahuhumaling sa gawaing nagpapahayag ng malabis na kapalaluan at palagiang paglabag sa natatanging kalooban (kautusan) ng Ama nating nasa langit.

Samantala ay makikilala ang tunay na lingkod ng Dios sa pamamagitan ng maliksi at maalab niyang pagtalima sa mga Katuruang Cristo at mga Kautusang Cristo. Sumasa kaniya kung gayon ang bukas palad na pagkilala ng Dios.

Kung ang sinoman nga'y nasa gayong kabanal na kalagayan ay hindi lalabas na isang masakit na kurot sa kaniyang puso at damdamin ang mga bagay sa artikulong ito na tinanglawan namin ng kaukulang liwanag. 

Bagkus, imbis na kami ay labis na kapuotan - siya nawa'y maging kaagapay namin sa paglalahad ng mga katuwiran ng Dios, na sinadyang ikubli ng mga tampalasan sa kalawakan ng kadiliman.

Patuloy nawa nating kamtin ang mayabong na sibul ng mga biyaya na tumutukoy sa katotohanan, ilaw, pag-ibig, lakas, paggawa, karunungang may unawa, at sagad na buhay sa kalupaan tungo sa buhay na walang hanggan. Amin.

Hanggang sa muli, paalam. 




1 komento: