Martes, Disyembre 6, 2011

ANAK NG PAGSUNOD AT ANAK NG PAGSUWAY


Narito, at sa natatanging kapanahunan nitong si Jesus ay mariing isinatinig ng sarili niyang bibig, na ikaw, ako, at tayong lahat na mga tao mula sa apat (4) na direksiyon ng daigdig ay pawang mga anak ng Dios (Juan 20:17). Ito’y isang katotohanan na nararapat panghawakan ng lahat, palibhasa’y katuwiran na sinalita nitong Espiritu ng Dios na sa panahong yao’y masiglang namamahay at naghahari sa kaniyang kalooban. Gayon ma’y higit na marami ang sumasalungat sa bagay na ito, dahil iisa lamang ang kinikilala nilang anak ng Dios at siya’y walang iba kundi si Jesucristo. Ito'y nang ipikit nila ang kanilang mga mata sa mga katiwatiwalang katunayang biblikal na naghahayag ng tunay na kaugnayan ng mga tao sa Dios.

Sa balumbon ng mga kasulatan na isinatitik ng mga totoong banal ay may sinalita hinggil sa Espiritu ng Dios na umano’y gumagawa ng kaniyang mga gawa, gamit ang katawang pisikal nitong si Jesus, at tungkol dito ay masiglang winika ang mga sumusunod na katuwiran.

JUAN 8 :
28  Sinabi nga ni Jesus, Kung maitaas na ninyo ang ANAK NG TAO, saka ninyo makikilala na ako ang Cristo, at WALA AKONG GINAGAWA SA AKING SARILI; KUNDI SINASALITA KO ANG MGA BAGAY NA ITO, AYON SA ITINURO SA AKIN NG AMA.

JUAN 14 :
10  Hindi ka baga nananampalataya na ako’y nasa Ama, at ang Ama ay nasa akin? Ang mga salitang aking sinasabi sa inyo’y hindi ko sinasalita sa aking sarili: kundi ang AMA NA TUMATAHAN SA AKIN AY GUMAGAWA NG KANIYANG MGA GAWA. (Juan 10:30).

Alinsunod sa katiwatiwalang katunayang biblikal na nalalahad sa itaas ay napakaliwanag ngang si Jesus ay walang ginawa, ni sinalita mang naaayon sa sarili niyang pagmamatuwid. Kundi ang lahat ng kaniyang ginawa at sinalita ay ayon lamang sa itinuro sa kaniya ng Espiritu ng Dios, na sa panahong yao’y siyang nasusunod ang bawa’t ibiging kaganapan.

Ano pa’t sa turo ng nabanggit na Espiritu ay may diin din namang sinalita ng kaniyang bibig ang tungkol sa tuwirang ugnayan ng tao sa Dios, na ang wika ay gaya ng nasusulat,

JUAN 8 :
40  Datapuwa’t ngayo’y pinagsisikapan ninyo akong patayin, na TAONG sa inyo’y nagsasaysay ng KATOTOHANAN, na AKING NARINIG SA DIOS: ito’y hindi ginawa ni Abraham.

JUAN 20 :
17  Sinabi sa kaniya ni Jesus, Huwag mo akong hipuin; sapagka’t HINDI PA AKO NAKAKA AKYAT SA AMA, nguni’t pumaroon ka sa aking mga KAPATID, at sabihin mo sa kanila, Aakyat ako sa AKING AMA, at INYONG AMA, at AKING DIOS at INYONG DIOS.

Gayon ngang mula sa turo nitong nabanggit na Espiritu ay mariing isinatinig ng sariling bibig ni Jesus, na siya ay isang tao na totoo, at kailan ma’y hindi niya sinalitang siya ay isang Dios din naman na totoo. Ang kaniyang Dios aniya’y Dios din natin, at ang kaniyang Ama ay maliwanag niyang ipinakilalang Ama din naman ng lahat ng mga tao sa sanglibutan.

Matibay ngang panghawakan ng lahat ang katotohanang iniluwal ng sariling bibig ni Jesus, sapagka’t tinig na mismo niya ang nagpatotoo tungkol sa tunay niyang likas na kalagayan. Tao ngang maituturing, datapuwa’t siya at tayong lahat ay napakaliwanag na mga anak ng Dios. Siya palibhasa’y itinuring na alipin ng Dios ang kaniyang sarili ay dumadako sa hindi kakaunting mga ANAK NG PAGSUNOD. Sapagka’t may galak sa puso niyang winika,

JUAN 5 :
30  HINDI AKO MAKAGAGAWA NG ANOMAN SA AKING SARILI: humahatol ako ayon sa aking narinig: at ang paghatol ko’y matuwid; sapagka’t HINDI KO PINAGHAHANAP ANG AKING SARILING KALOOBAN, KUNDI ANG KALOOBAN NIYAONG NAGSUGO SA AKIN.

Sa katangiang nabanggit napapagkilala ang mga anak ng pagsunod, at laban sa gayong kabanal na gawain ay nalalantad sa liwanag ang mga pusakal na anak ng pagsuway. Kahi man mga salita ng katotohanan na iniluwal ng sariling bibig ni Jesus ay hindi nila binibigyang halaga, at doo’y kinakikitaan sila ng kasuklamsuklam na paghihimagsik. Sapagka’t kung ano ang katuwiran na sinalita ni Jesus at ng mga sinaunang propeta ay nagdudumali nilang pilipitin. Ang itinuturing nilang matuwid ay yaong mga karumaldumal na katuruan ng mga paganong Romano, na kailan ma’y hindi sinang-ayunan ng katotohanan na nilalaman nitong mga balumbon ng banal na kasulatan.

Kaugnay nito ay paano nga ba makikilala ang mga anak ng pagsunod at papaano matutukoy ng tuwiran, kung sino ang mga anak ng pagsuway na nangaglipana sa ating kapanahunan. Kung gayo’y hindi na nga tayo lalayo pa ng dako at kayong mambabasa na lamang ang mismo ay magbigay sulit sa inyong mga sarili.

Mula sa mga salita ng Dios na isinatinig ng bibig ni Jesus at ng mga sinaunang propeta ng Israel ay nalalahad sa liwanag ang katotohanan na nararapat tindigang matibay ng lahat. Ano pa’t kapag ang mga ito ay hindi nakayanan ng inyong kaisipan at puso na tanggapin bilang katotohanan ay dumadako nga kayo sa lubhang malaking kalipunan ng mga karumaldumal at kasuklamsuklam na mga anak ng pagsuway. Datapuwa’t kung ang babanggitin sa ibaba na mga katuwiran ng Dios ay malugod sa puso ninyong matatanggap at maluwalhating isasabuhay ay tunay nga kayong kabilang sa bayan ng Dios, na kung saa’y tinatahanan ng mga kalugodlugod na anak ng pagsunod.

Katotohanang katotohanan, na ang lahat ay mga anak ng Dios, dangan nga lamang ay may nagsisipagtipon na mga anak ng pagsunod at mayroong nagsisigala na mga anak ng pagsuway. Kaya naman simulan na nating bigyang pagsusulit ang ating mga sarili, nang sa gayo’y maging maliwanag kung saang dako baga natitindig ang bawa’t isa sa atin.

  • Ang KAISAHAN NG DIOS ay matibay na sinasang-ayunan nitong mga balumbon ng mga banal na kasulatan, at tungkol dito ay katotohanan na nararapat isabuhay ng lahat ang gaya ng nasusulat, na ang wika ay ganito,

 ISA 45 :
21 .... WALANG DIOS LIBAN SA AKIN, isang GANAP NA DIOS at TAGAPAGLIGTAS; WALANG IBA LIBAN SA AKIN.

22  Kayo’y magsitingin sa akin at kayo’y mangaligtas, lahat na taga wakas ng lupa: sapagka’t AKO’Y DIOS, at WALANG IBA LIBAN SA AKIN.


  • Ang kaisaisang TAGAPAGLIGTAS NG KALULUWA, at MANUNUBOS NG SALA, at ang BATO ay walang iba kundi ang kaisaisang Dios na nasa langit, na sa madiing wika ay Kaniyang inihayag.
ISA 43 :
11  Ako, sa makatuwid baga’y ako, ang Panginoon; at LIBAN SA AKIN AY WALANG TAGAPAGLIGTAS.

ISA 60 :
16  Ikaw naman ay iinom ng gatas ng mga bansa, at sususo sa mga suso ng mga hari; at iyong malalaman na akong Panginoon ay TAGAPAGLIGTAS sa iyo, at MANUNUBOS sa iyo, Makapangyarihan ng Jacob.

Kaya siya nga rin ang bato na sinasabi,

DEUT 32 :
3 Sapagka’t aking ihahayag ang pangalan ng Panginoon: Dakilain ninyo ang ating Dios

4 Siya ang BATO, ang kaniyang gawa ay sakdal; Sapagka’t lahat niyang daan ay kahatulan: Isang DIOS na tapat at walang kasamaan, Matuwid at banal siya. (Awit 18:31-32)

  • Ang kaisaisang Dios ay hindi kailan man magtatalusira sa kaniyang mga binitiwang salita, at tungkol dito ay mariin niyang winika mula sa sariling bibig ng mga propeta ang mga sumusunod na katuwiran.

ISA 40 :
Ang damo ay natutuyo, ang bulaklak ay nalalanta: nguni’t ANG SALITA NG ATING DIOS AY MAMAMALAGI MAGPAKAILAN MAN. (Bilang 23:19, Mal 3:6, Awit 105:7-8)

  • Itong si Jesus ay tao na totoo at kailan ma’y hindi naging Dios sa kalagayan. Kaya naman ang doktrinang trinidad ng mga paganong Romano (Gentil) ay hindi naging bahagi ng katotohanan saan man at kailan man. Sa pagbibigay diin sa pagiging totoo ng bagay na ito ay masiglang winika ng bibig ng taong si Jesus ang sumusunod na katuwiran ng Dios.

JUAN 8 :
40  Datapuwa’t ngayo’y pinagsisikapan ninyo akong patayin, na TAONG sa inyo’y nagsasaysay ng KATOTOHANAN, na AKING NARINIG SA DIOS: ito’y hindi ginawa ni Abraham.

JUAN 20 :
17  Sinabi sa kaniya ni Jesus, Huwag mo akong hipuin; sapagka’t HINDI PA AKO NAKAKA AKYAT SA AMA, nguni’t pumaroon ka sa aking mga KAPATID, at sabihin mo sa kanila, Aakyat ako sa AKING AMA, at INYONG AMA, at AKING DIOS at INYONG DIOS.

  • Tungkol sa pananampalataya ay matibay ang paninindigan na isinatinig ni Jesus, na ito’y hindi kailan man nahiwalay sa kautusan, palibhasa’y isa sa mahahalagang bagay nito. Kaya ang sinasang-ayunang lubos ng katotohanan ay ang “PANANAMPALATAYA NA KALAKIP ANG MGA GAWA NG KAUTUSAN.” Ano pa’t hinggil dito ay maliwanag na winika ng kaniyang bibig ang katuwiran ng Dios na may ganap na kaugnayan dito.


MATEO 23 :
23  At inyong pinababayaang di ginagawa ang LALONG MAHAHALAGANG BAGAY NG KAUTUSAN, Na dili iba’t  ang Katarungan, at ang Pagkahabag, at ang PANANAMPALATAYA: datapuwa’t dapat sana ninyong gawin ang mga ito, at huwag pinababayaang di ginagawa yaong iba.

MATEO 5 :
17  Huwag ninyong isiping ako’y naparito upang sirain ang kautusan o ang mga propeta: ako’y naparito hindi upang sirain, kundi upang GANAPIN.

18  Sapagka’t katotohanang sinasabi ko sa inyo, Hanggang sa mangawala ang langit at ang lupa, ang isang TULDOK o isang KUDLIT, sa anomang paraan ay HINDI MAWAWALA SA KAUTUSAN, hanggang sa maganap ang lahat ng mga bagay.

JUAN 12 :
50  At nalalaman ko na ANG KANIYANG UTOS AY BUHAY NA WALANG HANGGAN; ang mga bagay nga na sinasalita ko, ay ayon sa sinabi sa akin ng AMA, GAYON KO SINASALITA.


  • Ang sampung (10) utos ng Dios ay hindi iniutos ng kaisaisang Dios sa iisang tao lamang upang ganapin, kundi ito'y kautusang nauukol sa lahat ng taong nabubuhay sa kalupaan. Pangkalahatang utos ang nararapat at matuwid na isabuhay ng lahat, at hindi ang utos sa isang tao lamang upang kaniyang sundin at isagawa.


DEUT 5 :
7  Huwag kang magkakaroon ng ibang mga Dios sa harap ko.


HUWAG KANG GAGAWA PARA SA IYO NG LARAWANG INANYUAN O NG KAWANGIS MAN NG ANOMANG ANYONG NASA ITAAS NG LANGIT, O NG NASA IBABA NG LUPA, O NG NASA TUBIG SA ILALIM NG LUPA. 

9 Huwag mong yuyukuran sila, o paglingkuran sila, sapagka’t akong Panginoon mong Dios, ay mapanibughuing Dios, na aking dinadalaw ang kasamaan ng mga magulang sa mga anak, sa ikatlo at ikaapat na salin ng lahi ng mga nangapopoot sa akin.  

10 At pinagpapakitaan ko ng kaawaan ang libolibong umiibig sa akin at tumutupad ng aking mga utos.

DEUT 4:
16  Baka kayo'y mangagpakasama at kayo'y gumawa sa inyo ng isang larawang inanyuan na kawangis ng alin mang larawan, na kahawig ng LALAKE at BABAE.


Gayon ngang napakaliwanag na ang paggawa at pagsamba sa mga larawan ng babae at lalake ay mahigpit na ibinabawal ng Ama nating nasa langit. Siya na hindi sasang-ayon sa mga salita ng Dios na aming inilahad sa inyo hinggil sa usaping ito ay tunay ngang nabibilang sa malaking kalipunan ng mga anak ng pagsuway.

Ang sinoman sa makatuwid na tatanggap ng may galak sa puso at isasabuhay ang ilang salita ng Dios na isinatinig ng mga totoong banal sa itaas (bulleted list) ay katotohanang dumadako sa kalipunan ng mga anak ng pagsunod.

Datapuwa’t sa kabila ng katotohanang nabanggit ay igigiit pa rin ng mga anak ng pagsuway ang mga sumusunod nilang pilipit na pangangatuwiran,

  1.      Paniniwala sa doktrinang trinidad, na ang Ama,  Anak, at Espiritu Santo ay mga Dios na magkakaiba ng persona.
  2.      Paniniwala na si Jesucristo ang tagapagligtas ng kaluluwa, manunubos ng sala, at bato nitong sanglibutan.
3.      Paniniwala na binago na ng Dios ang lumang tipan at ito’y hinalinhan ng bagong tipan.
4.      Paniniwala na si Jesus ay kapantay ng Dios sa kalagayan at isa ring Dios na totoo.
5.      Paniniwala sa pananampalataya na hiwalay sa mga gawa ng kautusan.
6. Paniniwala at pagsamba sa larawan ng babae at lalake bilang mga Dios at santo. 

Ang anim (6) na pagmamatuwid ng mga Romanong pagano (Gentil) na mababasa sa itaas ay napatunayang kailan ma’y hindi sinang-ayunan ng mga salita ng Dios na nangagsilabas mula sa bibig ng mga lehitimong banal (propeta ng Dios). Sa gayo’y maipasisiya natin na ang mga yao’y mga aral na pinanghahawakan ng mga anak ng pagsuway. Palibhasa’y laban, o kabaligtaran sa katuwiran na sinalita ng Dios sa pamamagitan ng bibig ng Kaniyang mga banal. 

Sa mahikling pagsusulit na ito ay maliwanag nating makikita, kung sa dako baga ng mga anak ng pagsunod, o sa dako ng mga anak ng pagsuway nabibilang ang ating mga sarili. Hindi mahirap mapag-unawa ang katuwiran na inilalahad ng gayong uri ng payak na pagsusulit, sapagka't ito'y puspos ng mga salita ng Dios na isinatinig nilang mga totoong banal (propeta).

Sa pagtatapos ng talakaying ito ay huwag naman sana kayong magagalit sa amin, sapagka’t inilahad lamang namin sa maliwanag ang mga katuwiran ng Dios na masusumpungan sa ilang katiwatiwalang katunayang biblikal. Magalit nga ang lahat sa amin, kung kami’y naglubidlubid lamang ng mga kasinungalingan at nagpapahayag ng mga aral na mariing tinututulan ng katotohanang masusumpungan sa banal na kasulatan.

Saul of Tarsus aka Paul
Ang mga anak ng pagsuway ay hindi kailan man binigyang halaga ang katuwiran, ni ang salita (evangelio ng kaharian) man ng Dios na isinatinig ng mga totoong banal ng kasulatan. Kaya ang sulat na ito ay pinaniniwalaan naming ipagsasawalang bahala din naman nila. Datapuwa’t pagkabasa ng mga anak ng pagsunod sa lathalaing ito ay sukat, upang iwasto ang kanilang kamalian kung mayroon man. Sa madaling salita ay hindi nagdadalawang isip ang sinoman sa mga anak ng pagsunod na lumakad ng naaayon sa katuwiran ng Ama nating nasa langit.

Ano pa’t kapag ikinagalit ninoman ang paglalahad naming ito ng katotohanan ay hindi na nga katakataka pang tawagin siyang anak ng pagsuway. Anti-Cristo din naman na totoo sa kalagayan ang mga tao, na bukod sa hindi tumatanggap ay pinipilipit pa ang mga salita ng Dios (evangelio ng kaharian,) na mismo ay nangagsilabas mula sa sariling bibig ni Jesus. 

Anti-cristo na totoo sa makatuwid ang sinomang hindi aariing katotohanan at paghihimagsikan ang mga katunayang biblikal na inilahad namin sa artikulong ito.

Hanggang sa muli, paalam.


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento