Miyerkules, Nobyembre 9, 2011

SINO ANG TUNAY NA CRISTIANO


Sa larangan ng pagrerelihiyon sa iba’t ibang dako ng mundo ay may lubhang malaking bilang ng mga tao, na naglagak ng buo nilang tiwala at lubos na pananampalataya sa pinaiiral na doktrinang pangrelihiyon ng simbahan. Yaon umano’y naghahayag ng mga lehitimong katuruang Cristiano. Gayon ma’y hindi tumanggap ang marami ng totoong aral na masusumpungan sa nabanggit na uri ng pamumuhay. Palibhasa’y ginamit lamang ng ilan ang salita (Cristianismo) na pang-akit at ang itinurong mga aral nitong kaparian ng simbahan ay ang iba’t ibang likhang doktrinang pangrelihiyon ng mga tao.

Kaugnay nito, para naman kami’y hindi maturingan na tila naglulubidlubid lamang ng mga kasinungalingan ay ihahayag namin sa maliwanag ang ilang usaping pangkabanalan sa banayad na saliw ng mga katiwatiwalang katunayang biblikal.

Sinoman nga na nabibilang sa umano’y relihiyon na naglalahad ng mga katuruang Cristiano ay matibay na tinitindigan ang kalagayang niyang yaon. Sapagka’t gaya ng tradisyon, sa mura pa lamang na kaisipan, ang nabanggit na doktrinang pangrelihiyon ay nauna ng naisilid sa kamalayan. Sa madaling salita ay mga katuruan na kinamulatan, o kinagisnan, at dahil doo’y inakalang ang mga yao’y matibay na sandigan ng katotohanan. Kaya naman, marami sa kanila ay tila may lubos na katiyakan sa katotohanan, kapag tungkol sa mga aral pangkabanalan ang pinag-usapan. Pakitaan mo man ng mga katiwatiwalang katunayang biblikal na nagbibigay diin sa katotohanan ay hindi pakikinggan, at sa halip ay higit na mamagalingin ang pilipit na katuruang kinagisnan.

Maliwanag ang titulong Cristo, na siyang pinag-ugatan ng kalagayang Cristiano. Ang ibig sabihin ay isang uri ng masiglang pamumuhay na may matibay na paninindigan at pagtalima sa mga salita (evangelio ng kaharian) na nangagsilabas mula sa bibig ni Jesus, na siyang may tangan ng titulong nabanggit. Kabaligtaran nito ay contra-cristo na matatawag ang sinomang nagpapahayag at gumagawa ng paghihimagsik sa nabanggit na mga salita (evangelio ng kaharian).

Ang kalagayang Cristiano sa totoo, bago pa itanyag ni Pablo ay malaon ng umiiral sa mga nagsasabuhay nitong evangelio ng kaharian. Na yao’y ipinangaral sa sanglibutan ng labingdalawang (12) alagad (apostol) nitong Espiritu ng Dios na namahay at naghari sa kabuoan ni Jesus. Hindi pa nga niya nililisan ang sanglibutan ay marami ng matatawag na Cristiano, palibhasa’y nagsipaniwala at nagsabuhay nitong evangelio ng kaharian, na siyang mga salita na ipinangaral ng sariling bibig ni Jesus. Na sinasabi,

Mateo 4 :
23  At nilibot ni Jesus ang boong GALILEA, na nagtuturo sa mga sinagoga (Juan 18:20) nila, at ipinangangaral ang evangelio ng kaharian, at nagpapagaling ng lahat ng sarisaring sakit at ng lahat ng karamdaman na nasa mga tao.

Mateo 9 :
35  At nilibot ni Jesus ang lahat ng mga BAYAN at NAYON, na nagtuturo sa mga sinagoga (Juan 18:20) nila, at ipinangangaral ang evangelio ng kaharian, at pinagagaling ang sarisaring sakit at ang sarisaring karamdaman.

Mateo 24 :
14  At ipangangaral ang evangeliong ito ng kaharian sa boong sanglibutan sa pagpapatotoo sa lahat ng mga bansa; at kung magkagayo’y darating ang wakas.

2 JUAN 1 :
ANG SINOMANG NAGPAPATULOY AT HINDI NANANAHAN SA ARAL NI CRISTO, AY HINDI KINAROROONAN NG DIOS: ang nananahan sa aral, ay kinaroroonan ng Ama at gayon din ng Anak.

Maliwanag ngang isang Cristiano na totoo ang sinoman, kung ang isinasabuhay na aral pangkabanalan ay yaong mga katuruang nilalaman nitong Evangelio ng kaharian. Sapagka’t ito ang kaisaisang evangelio (mabuting balita) na maluwalhating iniluwal ng bibig ni Jesucristo. Dahil dito ay katotohanan at matuwid na tindigan ng matibay at isabuhay ang katuruang ito, na siyang natatanging pag-asa ng lahat sa kaligtasan ng kaluluwa at kapatawaran ng mga kasalanan.

Una (1), sa evangelio ng kaharian ay binibigyang diin ang pagtalima sa mga kautusan ng Ama nating nasa langit, na ang wika ay ganito,

MATEO 5 :
17  Huwag ninyong isiping ako’y naparito upang sirain ang kautusan o ang mga propeta: ako’y naparito hindi upang sirain, kundi upang GANAPIN.

18  Sapagka’t katotohanang sinasabi ko sa inyo, Hanggang sa mangawala ang langit at ang lupa, ang isang TULDOK o isang KUDLIT, sa anomang paraan ay HINDI MAWAWALA SA KAUTUSAN, hanggang sa maganap ang lahat ng mga bagay.

MATEO 19 :
17  At sinabi niya sa kaniya, Bakit mo itinatanong sa akin ang tungkol sa mabuti? May isa, na siyang mabuti: datapuwa’t kung ibig mong pumasok sa buhay, INGATAN MO ANG MGA UTOS.

MATEO 22 :
36  Guro, alin baga ang DAKILANG UTOS sa KAUTUSAN?
37  At sinabi sa kaniya, IIBIGIN MO ANG PANGINOON MONG DIOS NG BOONG PUSO MO, AT NG BOONG KALULUWA MO, AT NG BOONG PAGIISIP MO. (Deut 6:5)
38  Ito ang DAKILA AT PANGUNANG UTOS.

39  At ang PANGALAWANG KATULAD ay ito, IIBIGIN MO ANG IYONG KAPUWA NA GAYA NG IYONG SARILI. (Lev 19:18, Mat19:19)
40  SA DALAWANG UTOS NA ITO’Y NAUUWI ANG BOONG KAUTUSAN, AT ANG MGA PROPETA.

JUAN 12 :
50  At nalalaman ko na ANG KANIYANG UTOS AY BUHAY NA WALANG HANGGAN; ang mga bagay nga na sinasalita ko, ay ayon sa sinabi sa akin ng AMA, GAYON KO SINASALITA.

2 JUAN
4 Ako’y lubhang nagagalak na aking nasumpungan ang ilan sa iyong mga anak na NAGSISILAKAD SA KATOTOHANAN, ayon sa ating tinanggap na UTOS sa AMA.

Mula sa mga katiwatiwalang katunayang biblikal na aming inilahad ay binigyang diin ng mga salita (evangelio ng kaharian) na nangagsilabas mula sa bibig ni Jesus ang totoong layunin ng kautusan sa lahat. Na ito’y mabuti at may kakayahan na maghatid ng sinomang kaluluwa sa buhay na walang hanggan. Sa madaling salita’y kaisaisang susi, o siyang mitsa sa kapatawaran ng kasalanan, at kaligtasan ng kaluluwa. Ang isang napakaliwanag na nararapat tandaan ng sinoma’y nang masiglang ipahayag ng kasulatan (2 Juan 4), na ang kautusan ay ang katotohanan.


Ang pangalawa (2) ay sa uri ng pananampalataya na nararapat ituon kay Jesus at sa Ama nating nasa langit, at ang pangatlo (3) ay ang likas niyang kalagayan.

ISA 43 :
11  Ako, sa makatuwid baga’y ako, ang Panginoon; at LIBAN SA AKIN AY WALANG TAGAPAGLIGTAS.

ISA 44 :
Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Hari ng Israel, at ng kaniyang MANUNUBOS, na Panginoon ng mga Hukbo, AKO ANG UNA, AT AKO ANG HULI; at LIBAN SA AKIN AY WALANG DIOS.

JUAN 14 :
10  HINDI KA BAGA NANANAMPALATAYA NA AKO’Y NASA AMA, AT ANG AMA AY NASA AKIN? Ang mga salitang aking sinasabi sa inyo’y hindi ko sinasalita sa aking sarili: kundi ang Ama na tumatahan sa akin ay gumagawa ng kaniyang mga gawa.

11  MAGSISAMPALATAYA KAYO SA AKIN NA AKO’Y NASA AMA, AT ANG AMA AY NASA AKIN: o kundi kaya’y MAGSISAMPALATAYA KAYO SA AKIN DAHIL SA MGA GAWA RIN.

12  Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, ANG SA AKIN AY SUMAMPALATAYAAY GAGAWIN DIN NAMAN NIYA ANG MGA GAWANG AKING GINAGAWA; at LALONG DAKILANG MGA GAWA KAY SA RITO ANG GAGAWIN NIYA, sapagka’t ako’y paroroon sa Ama.

JUAN 8 :
40  Datapuwa’t ngayo’y pinagsisikapan ninyo akong patayin, na TAONG sa inyo’y nagsasaysay ng KATOTOHANAN, na AKING NARINIG SA DIOS: ito’y hindi ginawa ni Abraham.

Maliwanag na binibigyang diin ng kasulatan, na ang kaisaisang Dios ang siyang kaisaisa manunubos ng sala, at kaisaisa ring tagapagligtas ng kaluluwa. Kaya matuwid sa lahat na kilalanin ang Dios sa gayong natatanging kalagayan, at tindigan na bukod sa kaniya ay wala ng iba pang maaaring gumagawa ng gayon. 


Sa pagpapatuloy ay hindi nga ba tayo nananampalataya na itong si Jesus ay nasa Ama at ang Ama ay nasa Kaniya? Utos Niya’y sampalatayanan Siya sa kalagayang sumasa Kaniya ang Ama at Siya ay sumasa Ama. Magsipaniwala din Aniya tayong lahat sa Kaniya bilang kasangkapan ng Dios sa mga dakila Niyang mga gawa. Matuwid niya’y hindi siya Dios, bagkus ay TAO siya na nagsasaysay ng katotohanan na kaniyang narinig sa Dios. Kaya ang sinomang sumasampalataya kay Jesus ay gagawin din naman niya ang Kaniyang ginawa, at lalong dakilang mga gawa kay sa rito ang gagawin ng taong yaon.

Sa gayo’y ano ba ang ginawa ni Jesus, na nararapat din namang gawin ng sinomang nananampalataya sa kaniya? Hinggil dito ay sinabi,

MATEO 5 :
17  Huwag ninyong isiping ako’y naparito upang sirain ang kautusan o ang mga propeta: ako’y naparito hindi upang sirain, kundi upang GANAPIN.

JUAN 14 :
31  Datapuwa’t upang maalaman ng sanglibutan na ako’y umiibig sa Ama, at ayon sa KAUTUSANG IBINIGAY SA AKIN NG AMA, AY GAYON DIN ANG AKING GINAGAWA. Magsitindig kayo, magsialis tayo rito.

Napakaliwanag na ang sinomang sumasampalataya kay Jesus ay tatalima din naman ang taong iyon sa kautusan (10 utos) ng Ama nating nasa langit. Sapagka’t ang katuwirang ito ang siyang ginawa at isinabuhay ni Jesus sa kasagsagan ng natatangi niyang kapanahunan.

Alinsunod sa mga katiwatiwalang katunayang biblikal na aming nilihad ay napakaliwanag na itong si Jesus ay sasampalatayanan hindi sa kalagayang Dios, kundi sa kalagayan lamang ng isang sisidlang hirang ng Dios, o yaong buhay na templo ng Dios. Na kung lilinawin ay gaya ng katotohanang  nasusulat,

JUAN 20 :
17  Sinabi sa kaniya ni Jesus, Huwag mo akong hipuin; sapagka’t HINDI PA AKO NAKAKA AKYAT SA AMA, nguni’t pumaroon ka sa aking mga KAPATID, at sabihin mo sa kanila, Aakyat ako sa AKING AMA, at INYONG AMA, at AKING DIOS at INYONG DIOS.

Malinaw nga na sa kalagayan ng isang tao na totoo karapatdapat na kilalanin itong si Jesus, at hindi bilang Dios. Ito’y sa pagpapatibay ng mga salita na mismo ay nangagsilabas mula sa sarili niyang bibig. Ang may sariling katawan na nga ang nagbigay diin sa likas niyang kalagayan na siya ay tao na totoo at kailan ma’y hindi naging Dios. Kaya wala ng anomang maaaring idahilan pa, upang siya ay hindi kilalanin sa gayong kalagayan. 

Ang uri ng pananampalataya na nararapat ituon sa kaniya ay sa katayuan lamang ng isang sisidlang hirang ng Dios, o yaong tao na sa natatangi niyang kapanahuann ay pinamahayan at pinagharian nitong Espiritu ng Dios ang kaniyang kalooban. Ang pananampalataya sa makatuwid na ukol sa Dios ay sa kaisaisang Dios lamang matuwid na ituon ng lahat at hindi sa kanino pa man.

MATEO 23 :
23  At inyong pinababayaang di ginagawa ang LALONG MAHAHALAGANG BAGAY NG KAUTUSAN, Na dili iba’t  ang Katarungan, at ang Pagkahabag, at ang PANANAMPALATAYA: datapuwa’t dapat sana ninyong gawin ang mga ito, at huwag pinababayaang di ginagawa yaong iba.

Gayon nga rin, na katotohanang nararapat tandaan ng lahat, na ang pananampalataya ay napakaliwanag na isa lamang sa tatlong (3) bagay o bahagi ng kautusan, at kailan ma’y hindi naging hiwalay sa kabuoan nitong kinabibilangan. Dahil sa katuwirang ito ay isang malaking pagkakamali na sabihing, “hinalinhan na ng pananamapalataya ang kautusan.” Gaya ng pilipit na katuruang iginigiit nitong si Pablo na mababasa sa ibaba.

GAL 3 :
11  Maliwanag nga na sinoman ay hindi inaaring-ganap sa KAUTUSAN sa harapan ng Dios; sapagka’t ang GANAP AY MABUBUHAY SA PANANAMPALATAYA. (Juan 12:50)

ROMA 3 :
28  Kaya nga MAIPASISIYA NATIN na ang tao ay inaaring-ganap sa PANANAMPALATAYA na HIWALAY SA MGA GAWA NG KAUTUSAN.

Maliwanag na ang minatuwid nitong si Pablo sa Gal 3:11, at Roma 3:28 ay laban sa katuwiran nitong Mateo 23:23, na siya namang mga salita na nangagsilabas mula sa bibig ni Jesus. Ano pa’t kung ang sinoma’y paiiralin ang katarungan sa kaniyang sarili ay hindi siya magdadalawang isip na ikiling ang kaniyang paniniwala sa sinalita (evangelio ng kaharian) ng bibig ni Jesus (Mateo 23:23).

Ilan nga lamang sa hindi kakaunting aral na masusumpungan sa evangelio ng kaharian ang inilahad namin, at maliwanag na ang mga yao’y masiglang tinatalima at isinasabuhay ng mga Cristiano ng Dios.

Ano pa’t kung ang mga sumusunod na aral pangkabanalan ay hindi sinusunod ng sinomang nagpapakilalang isang Cristiano ay maliwanag ngang huwad ang kaniyang pagiging Cristiano. Sa madaling salita ay isa siyang bulaan na nagsasabi lamang na siya’y gayon.


Samantala, ang isang tunay na Cristiano ay may galak sa puso na ginaganap ang mga sumusunod na aral, at ang mga yao’y ilan nga lamang sa hindi kakaunting katuruan na nilalaman nitong evangelio ng kaharian.

  1. Siyang nananampalataya na kaisaisa lamang ang Dios na siyang Ama ng lahat ng kaluluwa.
  2. Siyang kumikilala at tumatalima sa mga kautusan (10 utos).
  3. Siyang naninindigan na ang kaisaisang Dios lamang ang nagliligtas ng kaluluwa at nagpapatawad ng kasalanan.
  4. Siyang naninindigan na ang lahat ay aariing ganap ng Dios alinsunod sa mga gawa ng kautusan.
  5. Siyang nananampalataya na si Jesus ay sisidlang hirang ng Dios (saro ng kabanalan),
  6. Siyang  nananampalataya na si Jesus ay isang tao na totoo sa likas niyang kalagayan.
  7. Siyang naninindigan na ang pananampalataya ay isa lamang sa mahahalagang bagay, o bahagi ng kautusan.
  8. Siyang  hindi sumasamba at hindi naglilikod sa larawan o rebulto ng lalake (Jesus) at ng babae (Maria).
  9. Higit sa lahat, ay siya na hindi tumitiwala sa mga nilalamang katuruan nitong evangelio ng di pagtutuli. Sapagka’t evangelio ng kaharian lamang ang kaisaisang katuruang pangkabanalan na inaari at sinasang-ayunang lubos ng katotohanan.

Ang evangelio ng kaharian sa makatuwid ay ang mga katuruan, o aral na binibigyang diin sa aklat na evangelio ni Mateo at Juan. Samantalang ang evangelio ng di pagtutuli ay ang mga nilalaman ng labing apat (14) sulat ni Pablo, kasama na dito ang sulat sa, “Sa mga Hebreo.”  Sapagka’t mula sa masusi at maingat na paghahambing ng dalawang nabanggit na evangelio ay walang alinlangan na napatunayang naging mapanghimagsik (kontra) ang evangelio ng di pagtutuli (Pablo) laban sa evangelio ng kaharian (Jesus).

Sa pagtatapos ng usaping ito’y napakaliwanag na Pauliniano ang karapatdapat itawag sa mga tao na nananampalataya at nagsasabuhay ng mga katuruang nilalaman nitong likhang evangelio ng di pagtutuli nitong si Pablo. Hindi sila kailan man maaaring tawaging Cristiano, nang dahil sa sila'y gumaganap sa katuruang pangrelihiyon na laban sa mga salita (evangelio ng kaharian) na nangagsilabas mula sa bibig ni Jesus. Samantala, hindi kakaunti ang sa ngayo'y matibay na pinaniniwalaan at sinasampalatayanan ang  evangelio ng di pagtutuli (Gospel of the uncircumcise) bilang katotohanan. Sukat upang madako sa kalagayan ng mga karumaldumal na contra-cristo ang marami sa kaawaawa nating mga kapatid. Sila ang napakaliwanag ng mga huwad na Cristiano sa panahon nating ito.






2 komento:

  1. Napakaliwag na tanglaw sa aming kaisipan Ang paghahambing sa Roma 3:23atMateo 5:17 ay magkasalungat Isang bagay ang dapat maitanim sa ating kaisipan.Ang pagdiin sa kautusan ito ang ebangelio ng kaharian at ang aral nitong si Pablo ay doktrina ng kalipunan o kaisipan ng tao

    TumugonBurahin
  2. Sa kasalukuyan ay masasabi ko na hindi ako tunay na cristiano. Pero ngayong alam ko na kung paano magpaka cristiano ay bakit naman hindi ko ito gagawin. Salamat ka Yohvshva, nagliwanag ang isip ko tungkol dito. Buti na lang at matapang kang ibulgar ang gawain ng mga peke na cristiano. Nalulungkot ako at naaawa sa maraming ang akala ay gusto ng dios ang ginagawa nila. Yun pala galit ang dios sa kanila. Ay naku, ang dami talagang manloloko sa mundo. Susubaybayan ko na ang mga sulat mo ka Yohvshva, at least dito ay may mapapalang mabuti ang kaluluwa ko. Salamat uli.

    TumugonBurahin