Linggo, Nobyembre 20, 2011

NAKAKAUSAP NGA BA NG MGA BUHAY ANG MGA YUMAO

Batay sa pangsariling pahayag ng ilan ay pinatototohanan at binibigyang diin, na ang kaluluwa ng isang yumao ay maaaring gambalain mula sa daigdig ng mga patay. Ang gumagawa ng gayong bagay ay tinatawag na Espiritista, at ang taong yaon umano’y may katangitangi at likas na kakayanang makausap ang mga yumao. Sinoman sa makatuwid na nagnanais makaugnayan ang kaluluwa ng kaanak na namatay ay ang taong tulad nito ang siyang tumutugon sa pangangailangang nabanggit.

Ang gayong kalakaran sa malayo at malapit na nakaraan, kahi man sa panahon nating ito ay hindi kakaunti ang nagsapalarang makaugnay ang kaluluwa ng mga namaalam nilang mahal sa buhay. Katapat ng kaukulang halaga ay isinasagawa ng isang espiritista ang ritual, na kung saan umano ay lulukob sa isang medium ang kaluluwa na kaniyang tinawag mula sa daigdig ng mga patay. Gaya ng inaasahan ay magkakaroon ng ugnayan at makakausap ng buhay ang kaluluwa ng isang yumao.

Datapuwa’t kung ang katuwiran na ipinatutupad sa mga balumbon ng mga banal na kasulatan ang kukunan ng patotoo at pagpapatibay hinggil sa usaping ito. Katotohanan nga kayang maituturing ang umano’y pakikipag-ugnayan ng tao sa kaluluwa ng mga patay?  Ang gawain bang ito’y sinasang-ayunan at pinagtitibay ng mga salita ng Dios na nangagsilabas mula sa bibig ng mga totoong banal?

Narito, at pagdating sa larangan ng tunay na kabanalan ay mga katiwatiwalang katunayang biblikal ang nagbibigay patotoo sa maraming bagay. Kaya naman ito ang nagsisilbing hukom na humuhusga sa anomang gawain ng mga tao. Dahil dito ay napapag-unawa at nakikilala ng marami ang mga bagay na inaari ng katotohanan, at ng masama. Kaugnay nito ay hayaan natin na bibliya mismo ang humusga, kung ang paksang usapin baga natin sa ngayon ay sinasang-ayunan ng katotohanang biblikal, o ng kasinungalingan lamang.

Tulad ng nasusulat sa Apocalipsis ni Juan ay masiglang ipinahayag ang mga sumusunod,

APOC 3 :
12  Ang magtagumpay ay gagawin kong haligi sa templo ng aking Dios, at HINDI NA SIYA LALABAS PA DOON…

APOC 21:
22 At hindi ako nakakita ng templo doon; sapagka’t ang Panginoong Dios, ang makapangyarihan sa lahat, at ANG CORDERO (pitong Espiritu ng Dios) ANG SIYANG TEMPLO DOON.

Napakaliwanag na ang sinomang magtagumpay na makasunod sa natatanging kalooban (kautusan) ng kaisaisang Dios ay gagawin ngang haligi sa templo ng Dios, at SIYA’Y HINDI NA LALABAS PA DOON. Katunayan, na hindi maaaring tawagin, ni gambalain ninoman mula sa dimensiyon ng materiya ang kaluluwa na suma kaluwalhatian na ng Dios.

Sa pagpapatuloy ay nalalaman namin na higit na marami ang sasang-ayon sa katatapos lamang na patotoo. Nguni’t sasabihin nila, na ito’y tumutukoy lamang sa mga nagsipagtagumpay na makaganap sa kalooban (kautusan) ng Dios. Nguni’t yung mga hindi umabot sa gayong kabanal na kalagayan ang siyang natatawag at nakaka-usap ng mga espiritista. Kaugnay nito, mula sa sumusunod na saliw ng mga katiwatiwalang katunayang biblikal ay mapapag-unawa, kung sinasang-ayunan baga ng katotohanan ang gayong uri ng pagmamatuwid.

APOC 21 :
6 Nguni’t sa mga duwag, at sa mga hindi mananampalataya, at sa mga kasuklamsuklam, at sa mga mamamatay-tao, at sa mga mapakiapid, at sa mga manggagaway, at sa mga MAPAGSAMBA SA MGA DIOSDIOSAN, at sa lahat ng mga sinungaling, ang kanilang bahagi ay sa dagatdagatang nagniningas sa apoy at asupre, na siyang IKALAWANG KAMATAYAN.

Narito, at maliwanag na ipinahihiwatig ang katotohanan na may kinalaman sa una at ikalawang kamatayan. Ang paghihiwalay nitong kabuoang katawang lupa, kaluluwa, at Espiritu ng buhay, upang masauli sa kanikanilang pinagmulan ay tinatawag na unang kamatayan. Sapagka’t ang tao sa kasukdulan ng kaniyang eksistensiya sa mundong ito ay nalalagutan ng hininga, na dahilan upang ang katawan ay mauwi sa lupa, at ang kaluluwa ay uuwi sa kaluwalhatian ng langit upang kamtin ang kaukulang husga sa lahat niyang mga gawa. Doo’y malalaman niya, kung ang buhay baga niyang taglay ay magpapatuloy pa sa kawalang hanggan nito, o magwawakas na bilang ikalawang kamatayan. Ang Espiritu ng buhay sa paghihiwalay na yaon ay masiglang sasanib sa kaisahan ng Dios na siyang dakilang orihinal na kabuoan niyang kinabibilangan.

Maliwanag ngang ang sinomang nagtagumpay na matupad ang natatanging kalooban (kautusan) ng Dios ay makakamit ang nabanggit na unang kamatayan at ang kaluluwa niya ay kaagad haharap sa hukuman ng Dios, upang kamtin ang buhay na walang hanggan bilang husga sa kadakilaan ng kaniyang mga gawa sa lupa.

Gayon din naman sa mga naging mapanghimagsik sa kautusan ng Ama nating nasa langit ay walang pagsalang mararanasan ang unang kamatayan, at sa pagharap sa nabanggit na hukuman sa kaluwalhatian ng langit ay ipapahayag sa kanilang kaluluwa bilang husga ang ikalawang kamatayan. Na kung lilinawin ay ang pagkawala, o pagkalusaw ng natatanging eksistensiya nito. 

Ito’y gaya ng isang disolusyon, na ang lahat sa kabuoan ay nauwi lamang sa wala. Dahil dito ay hindi na nga maaari pang maka-ugnay, ni maibalik man ang sinoman at alin mang nauwi na sa wala. Kaya isang malaking kahangalan at kahibangan, na makipag-ugnay (makipag-usap) sa isang entidad na ang eksistensiya ay hindi na umiiral pa.

ECL 9 :
5  Sapagka’t nalalaman ng mga buhay, na sila’y mangamamatay: nguni’t HINDI NALALAMAN NG PATAY ANG ANOMANG BAGAY NI MAYROON PA MAN SILANG KAGANTIHAN; sapagka’t  ANG ALAALA SA KANILA AY NAKALIMUTAN.

Alinsunod sa katotohanang binibigyang diin nitong Ecl 9:5 ay burado na ang alaala sa kaluluwa ng isang taong namatay at wala na siyang nalalaman pa sa anomang kasaysayan, maging sa mga karanasan na pinagdaanan ng kaniyang sarili nang siya ay nabubuhay pa sa lupa. Kaya sakaling makaugnay ng tao ang gayong kalagayan ay ano ang sasabihin at ibibilin ng kaluluwa sa mga naiwan niyang kaanak? Kung maging sila at ang lahat ay burado na sa kaniyang alaala. Dahil dito ay wala ng anomang sintido na mangyari ang pakikipag-ugnayan, ni pakikipag-usap man sa mga kaluluwa na iginigiit ng mga hindi nakaka-unawa.

Sa dalawang bagay nga lamang nagkakaroon ng tila kaganapan ang gayong karumaldumal na gawain.

UNA
Pinalalabas lamang ng nagpapakilalang medium na siya’y nilulukuban ng mga kaluluwa ng yumao, nguni’t ang totoo nito’y nagpapanggap lamang siya sa gayong kalagayan at siya lamang sa kaniyang sarili ang nakakausap ng mga kaanak ng namatay.

Ang palihim na pandaraya na ginagawa ng mga huwad na talaytayan ay isa sa dalawang sangay ng SALAGIMSIM. Ang ikalawa (2nd) ay ang pag-aakala ng medium na siya ay may panauhing espiritu sa kaniyang kalooban at kabuoan, nguni't sa totoo ay laro lamang pala iyon ng kaniyang isip. Salagimsim din na matatawag ang pag-aakalang nakaka-ugnay ng sinoman ang banal na Espiritu, kahi man ang tila daloy sa kaniya ay naghihimagsik na sa mga padron ng katotohanan nitong mga banal na kasulatan (Tanakh).

PANGALAWA
Nalalaman natin na tanging Espiritu ng Dios at masamang espiritu lamang ang may sapat na kakayanang gumamit sa katawan ng mga tao. Yamang ang gawaing nabanggit ay kasuklamsuklam sa paningin ng Dios; kung totoo mang may lumulukob na espiritu sa nabanggit na medium ay napakaliwanag na yao’y masamang espiritu (espiritu ng diyablo) at ito’y nagkukunwari na kaluluwa ng patay, upang ang mga tao ay linlangin at papaniwalain sa gayong karumaldumal na uri ng kalakaran. Ito’y sa layuning turuang sumangguni (makipag-usap) sa mga di kilalang espiritu ang mga tao imbis na sa Dios.

Hinggil dito ay madiing sinalita ng kaisaisang Dios mula sa bibig ni Moses ang mga sumusunod,

DEUT 18 :
10  Huwag makakasumpong sa iyo ng sinomang nagpaparaan sa apoy ng kaniyang anak na lalake o babae, o nanghuhula o nagmamasid ng mga pamahiin o enkantador, manggagaway,

11 O enkantador ng mga ahas, o nakikipagsanggunian sa mga masasamang espiritu, o mahiko, o SUMASANGGUNI SA MGA PATAY,

12 Sapagka’t sinomang gumagawa  ng mga bagay na ito ay KARUMALDUMAL SA PANGINOON: at dahil sa mga karumaldumal na ito ay pinalalayas sila ng Panginoon mong Dios sa harap mo.

13 IKAW AY MAGPAPAKASAKDAL SA PANGINOON MONG DIOS.

ISA 9 :
19  At pagka kanilang sasabihin sa iyo, Hanapin ninyo silang nakikipagsanggunian sa masamang espiritu at mga manghuhula, na nagsisihuni at nagsisibulong; hindi ba marapat na SANGGUNIAN NG BAYAN ANG KANILANG DIOS: dahil baga sa mga buhay ay sasangguni sila sa mga patay?

Ito’y mahalagang babala na sa inyo ay aming ipinaabot, at nakakakilabot ang kalagayang kahahantungan ng sinomang titiwala sa kanila na nagsasabing sila ay gaya ng mga tao na inihalimbawa namin sa itaas.

Sa huling bahagi ng artikulong ito, bilang alingawngaw ng katotohanan ay madiin naming sinasabi sa inyo, na ang pakikipag-ugnay sa mga kaluluwa, ni sa espiritu man ng mga yumao ay hindi kailan man naging totoo. Ang sinomang namatay at nabigong matupad ang natatanging kalooban (kautusan) ng kaisaisang Dios ay tinatamo ang pangalawang kamatayan. Ang ibig sabihin ay nabubura, o nalulusaw ang eksistensiya ng kaluluwa. Sa gayo’y nauwi sa wala ang lahat, pati ng kaniyang alaala. Gaya nila ay bula, na sa paningin ng ating Ama ay biglang naglaho at nawala.

Ano pa’t kung wala na sa eksistensiya ang partikular na kaluluwa ay papaano pa nga magkakaroon ng realidad at aktuwalidad ang pakikipag-ugnayan ng sinoman sa kaniya. Hangal nga lamang at hibang sa kaniyang sarili kung gayon ang nagsasabing kaya niyang isagawa ang makipag-ugnayan sa kaluluwa ng sinomang namatay. Gayon nga rin at masahol pa sila na nagsisipaniwala sa mga di umano ay nilulukaban ng mga kaluluwa ng mga patay.  

Sa larangan ng espiritismo sa buong kapuluan ay binibigyang diin ng mga kasapi, na sila ay hindi nakikipag-ugnayan sa mga patay, kundi ang ginagawa lamang nila ay makipag-usapan sa kanila. Sa gayo'y hindi kaya pakikipag-ugnayan  ang ginagawa nilang sa mga protektor nila na di umano ay yumaong apostol ng Cristo. Gayon din sa mga kapatid nilang mga espiritista na nangamatay na. Kahit minsan kaya ay hindi nila ginawang isangguni sa kanila ang ilang bagay?


Gayon man ay napakaliwanag na kaluluwa ng isang banal ay hindi na maaari pang lumabas sa kaluwalhatian ng Dios, sa sandaling siya ay makapasok doon. Kaya lubhang napakalapit sa katotohanan, na ang kanilang nakakaugnay, kundi man SALAGIMSIM, ay mga MASASAMANG ESPIRITU (espiritu ng diyablo), na pumipilipit sa katuwiran ng mga padron ng katotohanan sa banal na kasulatan (Tanakh)

Sa pagdidiin ng katotohanan, ang kaluluwa na nakamit ang buhay na walang hanggan ay totoong hindi na maaari pang gambalain ng sinomang tao sa kaluwalhatian ng kaisaisang Dios na kaniyang kinabibilangan. Katotohanan, batay sa mga katiwatiwalang katunayang biblikal, na Espiritu lamang ng Dios ang akyat-manaog sa langit at sa lupa, at kailan ma’y hindi ang kaluluwa, na siyang tunay na sumasa Dios, at iyan ang matuwid ng Ama nating nasa langit na nararapat na maluwalhating tanggapin ng lahat.

Hinggil sa katotohan ng Dios na may kinalaman sa usaping iyan ay madiing sinabi,


APOC 5 :

6  At nakita ko sa gitna ng luklukan at ng apat na nilalang na buhay, at sa gitna ng matatanda, ang isang Cordero na nakatayo, na wari ay pinatay, na may pitong sungay, at pitong mata, na siyang PITONG ESPIRITU NG DIOS, NA SINUGO SA BUONG LUPA. 

Ang PITONG ESPIRITU ay isinugo ng Ama sa buong kalupaan. At dahil diyan ay pagpapahayag ng isang maliwanag na kamangmangan, na sabihing isinusugo ng Dios sa lupa ang mga namatay ng apostol. Isinugo din naman Niya sa lupa ang mga anghel sa layuning naiiba sa gawaing ginagampanan ng nabanggit ng mga Espiritu.


At ano nga ba ang gawain ng pitong (7) Espiritu ng Dios, na isinugo ng kaisaisang Dios dito sa buong lupa?


APOC 1 :

4  Si Juan sa pitong iglesia na nasa Asia: Biyaya ang sumainyo nawa, at kapayapaang mula doon sa kaniya na ngayon, at nang nakaraan at darating; at mula sa PITONG ESPIRITU na nasa harapan ng kaniyang luklukan; 

Ang PITONG ESPIRITU na nasa harapan nitong luklukan ng Dios ay nagbibigay sa mga higit na kinauukulan ng kapayapaan at biyaya sa nakaraan, kasalukuyan, at sa hinaharap ng mga kapanahunan.


APOC 3 :

1  At sa anghel ng iglesia sa Sardis ay isulat mo: ANG BAGAY NA ITO AY SINASABI NG MAY PITONG ESPIRITU NG DIOS, at may pitong bituin: Nalalaman ko ang iyong mga gawa, na ikaw ay may pangalang ikaw ay nabubuhay, at ikaw ay patay. 

Ang PITONG ESPIRITU NG DIOS ay nasa kaniyang kasangkapan (talatayan) na siyang nagsasalita at gumagawa ng kaniyang mga gawa sa pamamagitan niya. Kaya nga sinabi, 


"Ang bagay na ito ay sinasabi ng MAY pitong Espiritu ng Dios." 


APOC 4 :

5  At mula sa luklukan ay may lumalabas na kidlat, at mga tinig at mga kulog. At may pitong ilawang apoy na mga nagliliyab sa harapan ng luklukan, na siyang PITONG ESPIRITU NG DIOS; 

Ang PITONG ESPIRITU ay siyang pitong ilawang apoy na mga nagliliyab sa harapan ng lukulukan ng Dios. At ang mga Espiritung iyan ang napakaliwanag na mga apoy na isinugo sa buong kalupaan (Deut 4:24). 


DEUT 4 :

24  Sapagka't ang Panginoon mong Dios ay isang APOY NA MAMUMUGNAW, mapanibughuing Dios nga. 

Ang aral (KATURUANG CRISTO) na iyan ay katotohanan, na noon pa mang una ay dapat ng naging bahagi na ng larangang espiritismo sa buong kapuluan at sa ibayong dagat, Sa gayo'y hindi na sana nalulong pa ang kapatiran sa mga hidwang aral ng mga huwad na talaytayan at ng mga masasamang espiritu. 


Katotohanan din naman sa larangan ng totoong Espiritismo na ayon sa KATURUANG CRISTO na nararapat nating pakatandaan. Ang daigdig ng mga patay (purgatoryo), ni ng impiyerno man ay hindi kailan man niloob ng Dios na umiral ang sarili nitong eksistensiya. 

Ang sheol, o ang dako ng mga patay sa makatuwid ay hindi sisidlan, ni lagakan man ng mga patay, ni kulungan man ng mga makasalanang kaluluwa, kundi ito’y maliwanag na isang higanteng hurno, na lusawan ng kaluluwa sa ikawawala ng eksistensiya nito. Iyan na nga ang ikalawang kamatayan. Katunayan na ang kaluluwa na nabulid sa dako ng sheol ay hindi na kailan man aahon pa doon. Iyan ay sa kadahilanan, na gaya ng isang bula ay naglaho na ang eksistensiya nito sa dimensiyon ng materiya at dimension ng Espiritu. 


Samantala, ang kaluluwa na napagtagumpayan ang masigla at may galak sa puso na pagtalima sa kalooban (kautusan) ng Dios ay walang pagsala na makakapasok sa kaluwalhatian ng langit, upang doon ay kamtin ang buhay na walang hanggan. Sa gayo'y isang katotohanan na nagtutumibay sa harap ng kaisaisang Dios ng langit, na hindi na sila kailan man lalabas pa doon. 


Ito'y isang napakaliwanag na katunayang sumasa Dios ng langit, na ang paniniwala ng marami na tumutukoy sa REINCARNATION (muli at muling pagsilang mula sa sinapupunan ng isang ina) ay hindi kailan man umiral, ni ito man ay binigyan ng kahit munti mang kaukulang eksistensiya ng Ama nating nasa langit. Sapagka't dalawa lamang ang katotohanan na nararapat pagdaanang kapanganakan ng lahat, at ang mga iyan ang napakaliwanag na kapanganakan sa tubig at ng kapanganakan sa Espiritu.



ITO ANG KATURUANG CRISTO.

Patuloy nawang kamtin ng mga higit na kinauukulan ang walang patid na buhos ng biyaya ng Dios, na tumutukoy sa katotohanan, ilaw, pag-ibig, lakas, paggawa, karunungang may unawa, at sagad na buhay sa kalupaan. Ang mga biyayang iyan ng langit sa makatuwid ay tagapaghatid ng kaninomang kaluluwa sa buhay na walang hanggan.

Hanggang sa muli, paalam.


SUPPORT:

Para sa inyong pakikibahagi at suporta sa sagradong gawaing ito. Click here

Related article: 
Ang Pagkabuhay na Muli ng mga Patay (Resurrection)  Click here


Muling Pagsilang Click here

Ang Una at Pangalawang Pagsilang (first and second birth) Click here

Ang Una at pangalawang Kamatayan Click here

Reincarnation (pagkakatawang taong muli) Click here

Mga Nilalangkapan ng espiritu (Part 1 of 2). Click here

Mga Nilalangkapan ng Espiritu (Part 1 of 2) Click here

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento