Sabado, Oktubre 22, 2011

MGA NILALANGKAPAN NG ESPIRITU (2 of 2)


Ito’y katunayan lamang na ang pagiging isa sa bilang ng Ama nating nasa langit noon pa mang simula ay napakaliwanag na aral ng Dios. Sa gayo’y maituturing na isang napakalaking kasinungalingan, kung ang espiritu na lumalangkap sa sinoma’y magpapakilala ng ibang Dios, maliban sa kaisaisang Ama at Dios na nasa langit. Hindi na nga ito maituturing na aral pa ng kabanalan, kundi maipasisiyang bunga ng mapanlinlang na aral ng diyablo.

Ano pa’t sa lubhang malayong kapanahunan pa lamang ay nagsilitawan na ang mga diosdiosan, mula sa likha ng mapaglarong kaisipan ng mga tampalasan, at ang lahat ng mga yaon kailan ma’y hindi kinilala ng Ama nating nasa langit. Palibhasa’y siya lamang ang kaisaisang Dios na eksistido sa lahat ng kaluwalhatian. Dahil dito, kaya tinawag na mga diosdiosan ay hindi inaari ng katotohanan, na mga likha ng may kamangmangang kaisipan lamang.

Ang masaklap nito, may halos isang libo at limang daang (1,500) taon na ang nakalilipas ay may ipinakilalang bagong dios ang kaparian ng simbahang Katoliko. Alinsunod sa hindi matatawarang kapangyarihan nitong si Emperador Constantino ay naging isang matibay na doktrinang pangrelihiyon ng Iglesia Katolika Romana (Roman Catholic Church) ang pagiging bagong dios nitong si Jesus na anak ni Maria.

Ang pangyayaring ito’y napakaliwanag na kailan ma’y hindi sinang-ayunan ng katotohanan at katuwiran ng Ama nating nasa langit. Katunayan na ito’y likhang doktrinang pangrelihiyon ng kalipunan ng mga taong mapanghimagsik sa natatanging kalooban ng Dios. Sapagka’t kung ito’y katotohanan, noon pa mang una’y ipinakilala na sana niya sa buong sanglibutan ang iba pang Dios na kasiping niya sa kaniyang kaluwalhatian. Nguni’t balibaligtarin mo man ang mga balumbon ng mga kasulatan nitong sangbahayan ni Israel ay walang nabanggit na ano pa man tungkol sa usapin ng ibang tunay na dios. Kaya nga ang doktrina ng trinidad ng simbahang Katoliko, kailan man ay hindi rin inari ng katotohanan at katuwiran ng Ama nating nasa langit.

Sa kamalian ngang ito ng mga tao ay masiglang sinasakyan ng mga espiritu na ang layunin ay magbulid ng kaluluwa sa masaklap na kapariwaraan. Kaya pagsanib, o paglukob nila sa mga medium ay nagpapakilalang banal na espiritu, at dahil dito, ang aral ng diyablo tungkol sa karamihan ng Dios ay  tila ba nagiging matibay na katotohanan sa kabuoan ng kaawaawa nating mga kapatid.

Kaugnay ng usaping ito’y nasusulat ang pangalawang utos ng Ama nating nasa langit na ang sinasabi ay ganito,

(EXO 20:4-6)
2. HUWAG KANG GAGAWA PARA SA IYO NG LARAWANG INANYUAN O NG KAWANGIS MAN NG ANOMANG ANYONG NASA ITAAS NG LANGIT, O NG NASA IBABA NG LUPA, O NG NASA TUBIG SA ILALIM NG LUPA. Huwag mong yuyukuran sila, o paglingkuran sila,  sapagka’t akong Panginoon mong Dios, ay Dios na mapanibughuin, na aking dinadalaw ang katampalasanan ng mga magulang sa mga anak, hanggang sa ikatlo at ikaapat na salin ng lahi ng mga napopoot sa akin.  At pinagpapakitaan ko ng kaawaan ang libolibong umiibig sa akin at tumutupad ng aking mga utos.

Upang makilala ang verdadero, o tunay na Espiritu ng kabanalan, kung siya’y lulukob sa sinomang medium ay magpapakilala sa kaisahan ng Dios, at hihikayatin ang marami na talikuran ang larawan ng mga diosdiosan na kanilang pinaglilingkuran. Kahiman masaktan sa katotohang yaon ang marami ay walang anoman niya itong sasaysayin sa kanila.

Datapuwa’t kung ang sinomang espiritu ay hindi magbubukas ng anomang aral tungkol sa pagtalima sa sampung (10) kautusan ay sukat upang siya’y maipasiyang huwag na espiritu ng kabanalan.

Ano pa’t sa kasalukuyang kalakaran ng mga mapagsamba sa mga diosdiosan ay inuudyukan pa ng espiritu ang marami, na sila’y palagiang sumamba sa simbahang katoliko at mag-alay ng mga handog at paulit-ulit na dasal sa mga rebulto ng mga diosdiosan at santo. Sa gayong pangyayari ay nalilinlang ang marami, at inaakala nilang ang kausap nila ay ang bagong dios (Jesus) na kanilang sinasamba. Kaya ang pagsunod nila sa lumulukob na espiritu ay hindi matatawaran ng sinoman, kahi man ikamatay nila’y susundin ang anomang iutos nito sa kanila. Gayon kapanitiko silang may lubos na paniniwala sa masasamang espiritu na kadalasa’y namamahay na sa kabuoan ng ilang medium.

Sa una at pangalawang kautusan pa nga lamang ay mabubunyag na ang lihim ng masamang espiritu na namamahay at naghahari sa kabuoan ng isang luklukan (medium). Lalo na sa pangatlo na ang sinasabi ay ganito,

(EXO 20:7)
3.  HUWAG MONG BABANGGITIN ANG PANGLAN NG PANGINOON MONG DIOS SA WALANG KABULUHAN. sapagka’t hindi aariin ng Panginoong walang sala ang bumanggit ng kaniyang pangalan sa walang kabuluhan.

Tungkol sa kautusang ito’y mahigpit na ipinagbabawal ng ating Ama sa kapanahunan ng mga anak ni Israel na banggitin ang kaniyang pangalan sa walang kabuluhan. Dahil sa ang kaniyang pangalan ay nababahiran ng kasamaan ng mga tampalasan, sapagka’t ito kadalasan ay binabanggit bago isagawa ninoman ang gagawin niyang katampalasanan.

Sa ika-apat (4) na utos ay makikilala nga rin ang espiritu, kung siya baga’y nagtuturo na mangilin ng Sabado, o sa araw ng Linggo, at hinggil dito ay gaya ng mababasa sa ibaba,

(EXO 20:8-11)
4. ALALAHANIN MO ANG ARAW NG SABBATH UPANG IPANGILIN.  Anim na araw na gagawa ka at iyong gagawin ang lahat ng iyong gawain.  Nguni’t ang ikapitong araw ay SABBATH sa Panginoon mong Dios; sa araw na iyan ay huwag kang gagawa ng anomang gawa, ikaw, ni ang iyong anak na lalake ni babae, ni ang iyong baka, ni ang iyong taga ibang lupa na nasa loob ng iyong mga pintuang daan:  Sapagka’t ang anim na araw ay ginawa ng Panginoon ang langit at lupa, ang dagat, at lahat ng nangaroon, at nagpahinga sa ikapitong araw; na ano pa’t pinagpala ng Panginoon ang araw ng Sabbath, at PINAKABANAL.

Narito, at ayon sa kautusan ay maliwanag na ang araw ng Sabado, na ika-pitong (7) araw ng sanglinggo ay itinuturing ng Ama na pinakabanal sa lahat ng araw. Sa makatuwid, ang totoong banal na espiritu na nasa kaniyang luklukan (medium) ay bibigyan ng diin ang pangingilin sa araw na nabanggit.

Datapuwa’t kapag sinang-ayunan niya ang araw ng Linggo bilang araw ng pangingilin ay asahan nyong ang Espiritung ito’y tunay na hindi sumasa Dios. Siya’y nabibilang sa kalipunan ng mga espiritu na ang layunin ay magturo ng mga kasuklamsuklam na paghihimagsik sa kalooban ng kaisaisang Dios na nasa langit.

Sa pagtatapos ng usaping ito’y walang masama, kung ang espiritu na naluluklok sa kaniyang luklukan (medium) ay paraanin ninyo sa mga inilahad naming pardon ng katotohanan. Inyo nga silang subukin, kung magiging matapat baga silang tagapagturo ng una (1) hanggang sa pang-apat (4) na kautusan. Gayon din naman sa panglima (5) hanggang sampu (10).

Muli, sa ikatitibay ng inyong paninidigan hinggil sa presisyong sukatang ito ng katotohanan. Sa puso, sa isip, at sa gawa ay huwag mag-alinlangang ganapin ang pagsubok sa mga espiritu.

1 JUAN 4 :
1  Mga minamahal, HUWAG KAYONG MAGSIPANIWALA SA BAWA’T ESPIRITU, KUNDI INYONG SUBUKIN ANG MGA ESPIRITU, KUNG SILA’Y SA DIOS: sapagka’t maraming nagsilitaw na mga bulaang propeta.

Ang Espiritu sa makatuwid na sumasa Dios ay masiglang nagtuturo ng mga salita ng Dios. Datapuwa’t ang espiritu na hindi sumasa Dios ay nagtuturo ng kasinungalingan sa layuning dayain at kaladkarin sa tiyak na kapahamakan ang kaluluwa ninoman. Hindi lamang sa espiritu, kundi sa tao rin. 


Wakas

BALIKAN ANG PART 1 OF 2 (Click here)

RELATED ARTICLES:
Ang Pagkabuhay na Muli ng mga Patay (Resurrection)  Click here


Muling Pagsilang Click here

Ang Una at Pangalawang Pagsilang (first and second birth) Click here

Ang Una at pangalawang Kamatayan Click here

Reincarnation (pagkakatawang taong muli) Click here

Mga Nilalangkapan ng espiritu (Part 1 of 2). Click here

2 komento:

  1. Cool, dapat talaga binibigyan ng test ang mga spirit. Kasi may masamang spirit, at kung wala ay hindi na dapat silang i-test. Sabi ng bible ay meron, kaya dapat lang na i-test sila.

    TumugonBurahin
  2. that words are awesome and cool

    nice one

    TumugonBurahin