Lunes, Oktubre 10, 2011

KAHALAGAHAN NG KAUTUSAN KAY JESUS

Sa kasagsagan ng mga kapanahunang nagsipagdaan sa kasaysayan ng mga anak ni Israel ay tiniyak ng kaisaisang Dios ang kaligtasan nila na naging masunurin sa natatangi niyang kalooban. Kaya sa kahustuhan ng kapanahunan ay ibinaba niya sa pamamagitan ni Moises ang mga kautusan ng pagibig sa Dios, at ang mga kautusan ng pagibig sa kapawa, na walang iba kundi ang sampung (10) utos na nasusulat sa tapyas ng mga bato.

Ang buong sangbahayan ni Israel na noo’y lubos na sumasa-ilalim sa pagkaalipin nitong Paraon ng Egipto ay idinaing sa kaisaisang Dios ang kaawa-awa nilang kalagayan sa panahon nilang yaon. Kaya naman sila ay pinaparoonan kay Moises at Aaron, upang sila’y palayain mula sa malaon na nilang pagkaalipin. Sa madaling salita ay nangyari ang pagpapalaya sa kanila sa kabila ng hindi kakaunting ulit na pagmamatigas ng puso ng Paraon.

Ayon nga sa kalooban ng kaisaisang Dios ay naganap ang pangkalahatang paglayang yaon ng mga anak ni Israel mula sa malaong pagkaalipin. Ano pa’t hindi nagtapos doon ang nabanggit na pagsagip, sapagka’t muli ay nakamit nila ang isa pang pagpapalaya sa pangalawang pagkakataon. Ito’y nang pagkalooban sila ng sampung (10) kautusan na tinanggap ni Moises sa taluktok ng bundok Sinai.
Kaugnay nito ay nalalaman natin, na ang nabanggit na sangbahayan ay nangahawa sa mga karumaldumal ng mga Egipcio. Sapagka’t sila’y nangagsisisamba sa maraming mga diosdiosan, at nangaglilingkod sa mga larawan at rebulto ng mga ito. Walang anomang sinasambit ang pangalan ng Dios sa walang kapararakang mga bagay. Walang nalalamang araw ng pangingilin, at nagsisilapastangan sa ama’t ina. Nagsisipagnakaw, nagsisipatay, nangangalunya, sumasaksi na walang katotohanan laban sa kanilang kapuwa, at iniimbot ang anomang tinatangkilik ng iba.

Nang lisanin nga ng mga anak ni Israel ang Egipto ay nadala nila sa kanilang pagalis ang mga karumaldumal na nabanggit. Kaya minabuti ng Dios na sila’y pagkalooban ng mga kautusan na magpapalaya sa kanila sa gayong mga kaarumaldumal na kaugalian. Ang sinomang tumupad sa nabanggit na mga kautusan ay ganap ngang natutong ibigin ang Dios ng buong puso, kaluluwa, at lakas. Gayon din namang natutunan nila ang umibig sa kanilang kapuwa.

Sa masiglang pagtalima ng marami ay nakamit nila ang pangalawang paglaya, at sila’y kinalugdan ng Dios. Samantala, sa mga hindi nagsikap na palayain ang kanilang sarili sa pangalawang pagkakataon ay nilipol bago pa nila marating ang lupang pirmihang pananahanan. Sa makatuwid ay mga anak ng pagsunod lamang ang malayang nakapamuhay sa nabanggit na lupain, at ang mga anak ng pasuway ay nangamatay na lahat bago pa nila marating ang bayan ng Dios.

Mula nga sa bibig ng mga totoong banal ay nagsaad ang Dios na sinasabi,

DEUT 30 :
16  Na iniuutos ko sa iyo sa araw na ito na IBIGIN MO ANG PANGINOON MONG DIOS, na lumakad ka sa kaniyang mga DAAN, at tuparin mo ang kaniyang mga UTOS, at kaniyang mga PALATUNTUNAN, at ang kaniyang mga KAHATULAN, upang IKAW AY MABUHAY AT DUMAMI, at upang PAGPALAIN ka ng PANGINOON MONG DIOS sa lupain na iyong pinapasok upang ariin.

LEV 19 :
18  Huwag kayong maghihiganti o magtatanim laban sa mga anak ng inyong bayan, kundi IIBIGIN NINYO ANG INYON KAPUWA NA GAYA NG SA INYONG SARILI: ako ang Panginoon

KAW 7 :
Anak ko ingatan mo ang aking mga salita, At impukin mo sa iyo ang aking mga utos,

Ingatan mo ang aking mga utos at mabuhay ka; At ang aking kautusan na parang itim ng iyong mata.

Itali mo sa iyong mga daliri; Ikintal mo sa iyong puso.

ECL 12 :
13  Ito ang wakas ng bagay; lahat ay NARINIG: IKAW AY MATAKOT SA DIOS, at SUNDIN MO ANG KANIYANG MGA UTOS; sapagka’t ITO ANG BOONG KATUNGKULAN NG TAO.

14  Sapagka’t dadalhin ng Dios ang bawa’t GAWA SA KAHATULAN, pati ng bawa’t kubling bagay, maging ito’y MABUTI o maging ito’y MASAMA.

Narito, at napakaliwanag kung paano mahigpit na isinusulong ng Dios ang masiglang pagtalima sa kaniyang mga kautusan. Na ito’y hindi lamang tumatayo bilang kautusan, kundi isang umiiral na tungkulin ng bawa’t tao sa kalupaan. Sapagka’t ito lamang ang magpapalaya sa kaniya ng lubos sa mga nabanggit na karumaldumal ng mga Egipcio. Kaya nga, ang lahat ay kailangang gumanap sa tungkulin, upang ang sinoman ay mapabilang sa libolibong ganap na lumalapat sa kalagayan ng mga anak ng pagsunod.

Sa paglipas ng mga kapanahunan hanggang sa mga kaarawan ni Jesus ay makikitang gayon pa rin ang kalakarang pangkabanalan at kailan man ay walang anomang ipinagbago, at sa katunayan ay mayroong mga pahayag na mismo ay nangagsilabas mula sa bibig nitong si Jesus. Na sinasabi,

MATEO 22 :
36  Guro, alin baga ang DAKILANG UTOS sa KAUTUSAN?
37  At sinabi sa kaniya, IIBIGIN MO ANG PANGINOON MONG DIOS NG BOONG PUSO MO, AT NG BOONG KALULUWA MO, AT NG BOONG PAGIISIP MO.
38  Ito ang DAKILA AT PANGUNANG UTOS.

39  At ang PANGALAWANG KATULAD ay ito, IIBIGIN MO ANG IYONG KAPUWA NA GAYA NG IYONG SARILI.
40  SA DALAWANG UTOS NA ITO’Y NAUUWI ANG BOONG KAUTUSAN, AT ANG MGA PROPETA.

MATEO 19 :
17  At sinabi niya sa kaniya, Bakit mo itinatanong sa akin ang tungkol sa mabuti? May isa, na siyang mabuti: datapuwa’t kung ibig mong pumasok sa buhay, INGATAN MO ANG MGA UTOS.

MATEO 5 :
17  Huwag ninyong isiping ako’y naparito upang sirain ang kautusan o ang mga propeta: ako’y naparito hindi upang sirain, kundi upang GANAPIN.

JUAN 14 :
31  Datapuwa’t upang maalaman ng sanglibutan na ako’y umiibig sa Ama, at ayon sa KAUTUSANG IBINIGAY SA AKIN NG AMA, AY GAYON DIN ANG AKING GINAGAWA. Magsitindig kayo, magsialis tayo rito.

JUAN 12 :
50  At nalalaman ko na ANG KANIYANG UTOS AY BUHAY NA WALANG HANGGAN; ang mga bagay nga na sinasalita ko, ay ayon sa sinabi sa akin ng AMA, GAYON KO SINASALITA.

1 JUAN 5 :
2  Dito’y ating nakikilala na tayo’y nagsisiibig sa mga ANAK NG DIOS, pagka tayo’y nagsisiibig sa DIOS at TINUTUPAD NATIN  ANG KANIYANG MGA UTOS.
3  Sapagka’t ito ang PAGIBIG SA DIOS, na ating TUPARIN ANG KANIYANG MGA UTOS: at ang kaniyang mga utos ay hindi mabibigat.

Mula sa mga tiyak na katunayan naming inilahad sa itaas ay napakaliwanag at walang alinlangan, na ang kautusan ay hindi kailan man naluma, ni nabago man sa lahat ng mga kapanahunang nagsipagdaan. Maging sa kasalukuyang panahon ay gayon nga ring ito’y imiiral, at nananatiling katungkulang nararapat ganapin ng bawa’t taong nabubuhay sa kalupaan.

Dahil dito ay matuturingang sinungaling at magdaraya ang sinomang magsasabing ang kautusan ay lumipas na at ito’y hinalinhan na nitong pananampalataya kay Jesucristo. Paano baga naman kami sasang-ayon sa gayong pagmamatuwid, samantalang napakaliwanag na sa itaas ay mariing winika ng bibig ni Jesus na ganapin, at pinatotohanan pang ito’y makapaghahatid ng sinoman sa buhay na walang hanggan. Sa gayo’y paano nga namin paniniwalaan yung iba, kung si Jesus na mismo ang nagpapatotoo hinggil sa patuloy na pag-iral ng kautusan.

Kung sinoman sa kasulatan ang nagpapahayag ng mga aral na tila ba naghihimagsik sa mga salitang nangagsilabas mula sa bibig ni Jesus ay katotohanang isang nuno ng sinungaling. Sapagka’t kung sinasabi ng marami na sila’y kay Jesus, matuwid na ang mga salita (evangelio ng kaharian) ng sariling bibig ni Jesus lamang ang nararapat nilang paniwalaan at masiglang isabuhay. 

Iwasan ang pilipit na aral (evangelio ng di pagtutuli) ng isang tao na ni anino ni Jesus ay hindi niya nasilayan. Ito’y ganap na ikaliligaw ng kaluluwa ninoman, at walang awang kakaladkad sa kaniya sa tiyak na kapahamakan. Huwag nga kayong maging hangal sa paningin ng ating Ama na nasa langit na nagsasabing kayo'y kay Jesus, samantalang pilipit na aral (evangelio ng di pagtutuli) naman ng iba ang inyong isinasabuhay.

Gaya ng katuwirang tinitindigan ni Jesus hinggil sa kautusan, nararapat na yaon din ang tindigan nating katuwiran. Sapagka’t kailan ma’y hindi tayo magkakamali hanggang ang mga salita na nangasilabas mula sa bibig ni Jesus ay may tibay nating isinasabuhay.

Kung gayo’y huwag na huwag kayong magsisipaniwala sa matatamis na pananalita nitong si Pablo, sapagka’t ang likhang katuruan (evangelio ng di pagtutuli) ng taong ito’y hindi kailan man umayon sa mga salita nitong Espiritu ng Dios (evangelio ng kaharian) na mismo ay nangagsilabas mula sa bibig ni Jesus. Sapagka’t tungkol sa kautusan ay malinaw na inilahad ng taong nabanggit ang kaniyang paghihimagsik sa mga ito. 

Na sinasabi,

ROMA 3 :
20  Sapagka’t sa pamamagitan ng mga gawa ng kautusan ay WALANG LAMAN na aariing-ganap sa paningin niya; sapagka’t sa pamamagitan ng KAUTUSAN AY ANG PAGKILALA NG KASALANAN.

1 COR 15 :
56  Ang tibo ng kamatayan ay ang kasalanan; at ang kapangyarihan ng kasalanan ay ang kautusan.

ROMA 4 :
15  Sapagka’t ang kautusan ay gumagawa ng galit; datapuwa’t KUNG SAAN WALANG KAUTUSAN AY WALA RING PAGSALANGSANG.

ROMA 5 :
13  Sapagka’t ang kasalanan ay nasa sanglibutan hanggang sa dumating ang KAUTUSAN, nguni’t HINDI IBIBILANG ANG KASALANAN KUNG WALANG KAUTUSAN.

ROMA 3 :
28  Kaya nga MAIPASISIYA NATIN na ang tao ay inaaring-ganap sa PANANAMPALATAYA na HIWALAY SA MGA GAWA NG KAUTUSAN.

ROMA 6 :
14  Sapagka’t ang KASALANAN ay hindi makapaghahari sa inyo: sapagka’t WALA KAYO SA ILALIM NG KAUTUSAN, kundi sa ilalim ng biyaya. (pananampalataya)

Dito ay makikita ng napakaliwanag, na sa kabila ng lubos na pagpapahalaga ni Jesus sa kautusan ay gayon namang yao’y pinagpipilitang ibasura nitong si Pablo, nang sa gayo'y halinhan niya ng pananampalataya sa huwad na Jesus na ipinakilala niya sa kaniyang mga sulat.  Hinggil dito ay nalalaman namin na maging kayo ay hindi sasang-ayon sa pagpapawalang kabuluhan ng taong ito sa kautusan ng Ama nating nasa langit. 

Anti-Cristo sa makatuwid ang sinomang magpapawalang kabuluhan sa mga salita nitong Espiritu ng Dios (evangelio ng kaharian) na nangagsilabas mula sa bibig ni Jesus. Huwag ngang wikain ng iba na sila ay nananalig kay Jesus (believer of Christ), gayong pawang pagsalungat sa mga salita (evangelio ng kaharian) na nangagsilabas sa kaniyang bibig ang kinahuhumalingan nilang gawin. Sila'y mga sinungaling, palibhasa'y nangabibilang sa malaking kalipunan ng mga anak ng pagsuway.

Kamtin ng bawa't isa ang walang patid na pagpapala ng Ama nating nasa langit. 

Hanggang sa muli, paalam.






1 komento:

  1. Hindi paba sapat ang mateo 5:17 na mismong lumabas sa bibig nitong si Jesus na taliwas sa sulat nitong si Pablo sa Roma 3:20 Bakit hindi nakita ng lahat ng founder ng nga cristianong relihiyonang ang pag sasaliksik na ito. Salamat po sa blog na ito sa aking pagkakaalam nitong mayo 2011 ang unang paglalathala ng kamalayangyohvshva.blogspot at hanggang ngayon isa po ako sa sumusubaybay sa bawat article na inilalathala nito salamat po sa diyos at sa bloger nito.liwanag po ito sa aming kaisipan.

    TumugonBurahin