Sabado, Oktubre 1, 2011

SAMSON AT DELAILA

Ayon sa kasaysayang mababasa sa aklat ng mga Hebreo ay isang tao si Samson na may pambihirang kalakasan. Siya ay isang Israelita at tubong Nazaret at may mahabang buhok na siyang lihim ng kaniyang lakas. Sa panahong yaon ay hindi lamang siya ang nagtataglay ng mahabang buhok, subali’t si Samson lamang ang bukod tanging may lakas na hindi masusumpungan sa sinomang lalake na may gayong kalagayan.

Ang pangalang ito ay naging simbulo ng lakas na hanggang sa kasalukuyang panahon ay hindi pa nalilimutan ng tao. Nguni’t kung titingnan sa malalim na kahulugan ang buong pangyayari na tumutukoy sa buhay ng naging pinaka malakas na tao sa kasaysayan ng ating mundo;  Mapapagunawa ng walang pagaalinlangan na ang kasulatang tumutukoy sa usaping ito ay isang talinghaga, na kung uunawain sa literal na pananaw ay tiyak na ikatitisod ng sinoman. Sapagka’t ang talinghagang ito ay tumutukoy sa matuwid na pakikipagunawaan ng tao sa Dios na lumikha at umanyo ng lahat.
Nalalaman natin na ang tao ay nilikha at inanyuan ng Dios na ayon sa kaniyang larawan at wangis. Na kung liliwanagin ay yaong larawan niya na tumutukoy sa katotohanan, ilaw, pagibig, kapangyarihan, paglikha, karunungan, at buhay.

Sa mga ito ay may anyo tayong lahat na ayon sa kaniyang larawan. Kaya’t sa bawa’t tao ay may anyo ng kabanalan na siyang larawan at wangis ng sa kaniya ay lumalang. Mga bahagi ito ng Dios na masusumpungan hindi lamang sa tao, kundi sa lahat ng nilalang sa nasasakupan ng dimensiyong ito ng materiya.

Hindi rin lingid sa ating kabatiran na ang Dios ay BUHAY, kaya’t tayong mga nagtataglay ng buhay ay napakaliwanag na may anyo na kung saan ay lumalarawan ang Dios. Gayon din na siya ay ILAW, kung kaya ang tao sa larawang ito ay taglay ang liwanag sa kaisipan.

Sa pagpapatuloy ay magiging sinungaling ang sinoman kung sasabihin niyang siya kailan ma’y hindi nadama ang PAGIBIG sa kaniyang puso. Lalo na ang LAKAS, PAGGAWA, KARUNUGAN, at BUHAY na hindi maaaring itanggi ninoman na kaakibat ng kaniyang pagkatao mula pa ng siya ay isilang.

Sa likas na kalagayang ito ng bawa’t tao ay walang ibang itinalaga sa kaniya na uuwian, kundi sa may ari ng anyo at larawan na ganap na tinataglay ng kaniyang kabuoan. Na kung liliwanagin ay may anyo at larawan ng Ama ang isang Anak, kaya saan man siya pumaroon at anoman ang kaniyang gawin; Sa kapanahunan ay babalikan ang bahay na kung saan ay makakasiping niya ang kaniyang Ama na sa kaniya lumikha.

Ang isang lalake ay may katungkulan na sumunod at magka-loob ng lubos na pagpapaubaya ng kaniyang sarili sa kalooban ng kaniyang Dios. Kaya sa paglalang ay inilakip sa kaniya ang bahagi niya na tumutukoy sa pagibig. Sapagka’t kung ito ay mawawala ay hindi mangyayari na munti man ay kakitaan niya ng pagsunod ng may katotohanan ang alin man o sinoman sa kaniyang mga anak.

Dahil dito ay hindi nagiging mahirap sa isang tao na ganapin ang kalooban ng kaniyang Dios kung siya’y may taglay na pagibig na tangi lamang niyang inilalaan sa kaniya. Subali’t kung ang pagibig na nauukol sa kaniya ay itutuon sa iba ay doon mangangahulugan na ang sinomang gumawa ng gayon ay nagkaroon na ng ibang Dios. Lalo na kung ang nabanggit na pagibig ay itutuon sa isang babae. Sapagka’t kung magkagayon ay magiging tunay siyang tapat sa babaeng iniibig.

Ang lahat niyang maibigan ay kaniyang ibibigay na walang alinlangan. Sukdulang agawin niya ng may dahas ang mga tinatangkilik ng iba’y kaniyang gagawin, masunod lamang ang kalooban ng babae niyang lubos na iniibig. O hindi baga ito ang kahustuhan ng pagibig sa Dios na sa atin ay lumalang? Sa gayo’y nakatagpo na nga ang lalake ng panibagong dios na aalipin sa kaniya hanggang sa kamatayan. 

Nakalimot sa makatuwid ang lalake sa kaniyang Dios at ang lahat niyang lihim na tumutukoy sa maraming bagay, pati na ang kaniyang kahinaan ay may galak niyang isiniwalat sa babae na siya na ngayon niyang bagong dios. Kaya’t siya ay naging mahina sa pinakamahina, nang dahil sa doon siya pinasok ng babae na sa kaniya’y naging bitag ng pagkapahamak

Gayon ang nangyari sa maraming naging Samson, na nang umibig sa babae ay doon nagsimula ang kapighatian na kailan ma’y hindi niya inisip na sa kaniya ay mangyayari

Ang pangalang Samson, kung liliwanagin ay kumakatawan sa buong bilang ng mga lalake sa kalupaan. Na siyang sumisimbulo sa kalakasan, kaya siya’y lalong higit ang lakas kay sa isang babae. Sapagka’t hindi maaaring itanggi ninoman na ang Dios ay kapangyarihan, o yaong tinatawag na lakas. Na ito’y bahagi niyang siya ring inilakip sa kaganapan ng likas na kalagayan ng isang lalake.

Sa kasaysayang natatala sa banal na kasulatan ay inilarawan lamang ang isang lalake na umibig ng lubos sa isang babae at dahil doo’y nalimutan niya ang taglay niyang pag-ibig sa Ama. Ito’y isang maliwanag na pagkakamali, sapagka’t ang isa sa pinakamahalaga niyang layunin sa mundong ito ay ang ibigin ng buong puso at ng buong kaluluwa ang Ama niyang nasa langit. At gaya ng nasusulat ay ganito ang sinasabi,

DEUT 6 :
At IYONG IIBIGIN ANG PANGINOON MONG DIOS NG IYONG BOONG PUSO, AT NG IYONG BOONG KALULUWA, AT NG IYONG BOONG LAKAS.

MATEO 22 :
37  At sinabi sa kaniya, IIBIGIN MO ANG PANGINOON MONG DIOS NG BOONG PUSO MO, AT NG BOONG KALULUWA MO, AT NG BOONG PAGIISIP MO.

Dahil dito ay hindi maaaring ikaila nitong si Samson na siya’y nauukol lamang sa pagibig sa Dios at hindi kung kanino pa man. Sukat upang maunawaan ng lahat na kapag ang isang lalake ay umibig sa babae ng buong puso niya, at ng buong kaluluwa niya, at ng buong lakas niya ay mangangahulugan ito na walang alinlangang pagkakasala sa Dios. Sapagka’t katotohanan na nararapat tanggapin ng lahat, na ang ang gayong uri ng pag-ibig ay sa kaisaisang Dios lamang niya ipagkakaloob.

 Sa ibang dako, kung ang katawang lupa ay nilikha mula sa alabok ng lupa ay nasusulat na doon din siya magbabalik. Gayon din naman ang kaluluwa na anak ng Dios ay magbabalik sa Dios na sa kaniya ay nagluwal. Nang ito nga’y ihinga ng Dios sa katawang lupa ay tinawag siyang buhay na kaluluwa sa katauhan ng isang matikas na lalake.

Datapuwa’t nang siya’y hulugan ng kaniyang Ama ng di kawasang himbing sa pagtulog ay nilikha mula sa kaniyang bahagi ang isang nilalang, at ito’y tinawag ng Dios na babae. Sa gayo’y napakaliwanag na siya (babae) ay nindi nilikha mula sa alabok ng lupa, kundi mula sa buto at laman ng isang buhay na kaluluwa na tinatawag ng kaniyang Ama na lalake.

Sa makatuwid, kung ang sumpa ng Dios ay babalik ka kung saan ka nanggaling, ay maliwanag pa sa sikat ng araw na ang babae ay sa lalake magbabalik. Kung magkagayo’y nabuong muli ang kaluluwang may buhay at siya’y nakabalik ng muli sa orihinal niyang kalagayan. Kaya nga ang dalawa (lalake at babae) ay pinag-iisang dibdib, nang sa gayo’y maging isa na lamang ang dati ay dalawa.

Kaya’t kung ang matuwid sa lalake ay umibig sa Dios at sumunod ng may kahustuhan sa kaniya, at ipaubaya ang kabuoan niya sa kaniyang kalooban, ay magiging isa ang dalawa. Gayon din, na ang babae ay iniukol na umibig ng lubos sa isang lalake lamang, at siya ay susunod din ng may kahustuhan at magpapaubaya ng kaniyang kabuaon sa lalake niyang iniibig. Magiging isa rin ang dalawa, sapagka’t sila ay itinali ng pagibig na siyang Dios na taglay ng bawa’t puso nila.

Kaya sa anomang tagumpay ng isang lalake ay laging may nakaagapay na isang babaeng lubos na sa kaniya ay umiibig. Gayon din sa kabiguan ng isang lalake ay laging may nangunguna na isang babaeng nakatuon ang pagibig sa kaniyang sarili. Sa makatuwid, sa anomang tagumpay ng isang babae ay laging may nakasunod na isang hangal lalake.

Ang Samson na ginawang halimbawa sa banal na kasulatan ay yaong lalake na nabigo sa natatangi niyang layunin, nang dahil sa siya ay umibig kay Delaila, na kumakatawan sa babae na ang pagibig ay nakatuon lamang sa kaniyang sarili. Kaya’t sa kabiguan ng ating Samson ay nangahulugan naman ng tagumpay sa panig ng isang Delaila.

Dahil dito ay maituturing na katuwirang lubos na sinasang-ayunan ng katotohanan ang mga sumusunod na payahag.

            Ikaw Samson ay pagingatang sa iyo ay huwag makalapit itong si Delaila, sapagka’t siya ay bitag sa kapahamakan ng iyong kaluluwa. Datapuwa’t kung siya’y malapitan ka ay huwag mong ikikiling ang iyong paningin sa kaniya.

            Panatiliin na nakatuon ang iyong tingin sa iyong Ama, nang sa gayo’y hindi ka maakit ng kariktan niya, na hindi mo matatanggihan sa sandaling siya’y iyong masdan.

            Kung magkagayo’y lilimot ka sa iyong Ama at ang lakas mo'y puputulin nya (Delaila), upang ang kadiliman ay saklawan ka. Sa katotohanan ay mabubulag ka at ang kamangmangan ay mamumunga na maglulunsad sa iyo sa katamaran upang itulak ka sa kamatayan.

            Oh Samson, ikaw ay lalake na ang kaukulan ay sa Dios lamang. Oh Delaila, ikaw ay babae na itinalagang umibig sa isang lalake lamang. Huwag mong ibigin ang iyong sarili sapagka’t magiging sanhi ka sa tiyak na kamatayan ng mga lalake. Matuto kang umibig ng tunay sa ikabubuhay ng iyong kaluluwa. Makipagisa ka sa lalake na lubos mong iniibig, upang muli ay maging bahagi ka ng isang buhay na kaluluwa.

            Ang tagumpay ng lalake mong iniibig ay tagumpay mo ring maituturing. Subali’t nang siya’y iyong alipinin ay tinamo niya ang mapait na kabiguan sa iyong piling.  Oh Delaila, saan ka dadalhin ng iyong kahangalan, at saan ka idadako ng iyong kabanalan kung mayroon man? 

WAKAS

4 (na) komento:

  1. Wala akong masabi, sundin na lang para hindi magalit ang Dios.

    TumugonBurahin
  2. Ano pa nga ba, wala tayong laban sa tama ng sulat naito. Bilang babae dapat isang lalake lang talaga ang mamahalin namin. Malaking tulong sa amin ang mensahe ng blog na ito.

    TumugonBurahin
  3. Ooops ito ang tumpak ang sekreto ng mga lalake para di mapahamak he he he Ang mateo 22 verse 37 he he he numero ng plaka ng motorsiklo ko yan ah

    TumugonBurahin
  4. As a female, agree na agree ako. More power to you ka yohvshva.

    TumugonBurahin