Sabado, Setyembre 24, 2011

IPAMAHAGI NA WALANG BAYAD


Sa kasalukuyang kalakaran ng mga bagay na may kinalaman sa pagpapaabot ng mga katuruang pangkabanalan, tila yata ang marami ay hindi na binibigyang halaga pa ang mahihigpit na tagubilin, na nasusulat sa matatandang kasulatan (Biblia) hinggil sa usaping ito. Sapagka’t ang marami ay lumikha ng kanikaniyang paraan, kung paano lalapatan ng kaukulang halaga ang anoman nilang gawang tumutukoy sa kabanalan.

      Nariyang idahilan, na sila’y nabibigkis sa seryosong pagtulong sa mga maralita, at dahil dito ay kailangan nilang mangalap ng halagang panustos sa banal na gawain nilang ito. Kaya naman lumilikha ang marami ng umano’y mga bagay na pangkabanalan, gaya ng mga aklat, mahikling babasahin, medalyon, larawan at rebulto ng mga dios at santo, at marami pang iba. Anila’y gugugulin ang maiipong halaga mula sa pinagbentahan ng mga bagay na nabanggit sa umano’y banal na layunin nilang yaon.
Dahil dito ay madali silang nakaka-ipon ng higit pa sa halaga nilang inaasahan, at sa gayo’y gumagawa alinsunod sa layuning nabanggit. Nguni’t ito’y katotohanang isang napakalaking kadahilanan sa sinoman, na matuksong ariin sa kaniyang sarili ang salaping umano’y nauukol sa mga dukha. Kung magkagayo’y barya na lamang ang makararating sa mga kinauukulan at ang kalakhang bahagi ng halaga ay ginagamit nitong puno ng samahan, at siya’y nagtatamasa ng marangyang buhay. Samantalang ang mga dukha ay patuloy na nagsisigapang sa tila ba walang katapusan nilang kahirapan.

Kung ang pangangalakal ng mga katuruang pangkabanalan ay inaring matuwid ng Dios, noon pa man sanang una ay sinang-ayunan at iniutos na niya ang gayong kalakaran. Nguni’t saliksikin mo man ang bawa’t pahina ng mga matatandang kasulatan ay hindi masusumpungan ang mga bagay na tumutukoy dito. Nangangahulugan lamang na ito’y hindi sa Dios, at maliwanag na gawa-gawa lamang ng tao, at kung sinoman ang may ganap na pagsang-ayon sa karumaldumal na ito’y walang iba, kundi ang entidad ng kasamaan (Satanas).

Dalawa (2) nga lamang ang napakaliwanag na maaaring gawin ng tao sa kalupaan, at ang mga yao’y ang gawang mabuti at gawang masama. Ano man sa makatuwid ang mga bagay na hindi sinasang-ayunan ng Dios ay maipasisiyang gawang masama. O yaong mga bagay na nagpapahayag ng paghihimagsik sa mga kautusan, palatuntunan, at kahatulan ng Ama nating nasa langit ay lumalapat sa gawang masama.

Kaugnay nito’y sulyapan natin ang ilang salita (evangelio ng kaharian) na mismo ay nangagsilabas mula sa bibig ni Jesus hinggil sa pangunahing paksa sa lathalaing ito. Na sinasabi,

MATEO 10 :
7 At samantalang kayo’y nangaglalakad ay MAGSIPANGARAL KAYO, na nangagsasabi, Ang kaharian ng langit ay malapit na.

 Magpagaling kayo ng may sakit, mangagpabangon kayo ng mga patay, mangaglinis kayo ng mga ketong, mangagpalabas kayo ng mga demonio. TINANGGAP NINYONG WALANG BAYAD, AT IBIGAY NINYONG WALANG BAYAD.

9 Huwag kayong mangagbaon ng ginto, kahit pilak, kahit tanso, sa inyong mga supot.

10  Kahit supot ng pagkain sa paglalakad, kahit dalawang tunika: sapagka’t ANG MANGAGAWA AY KARAPAT-DAPAT SA KANIYANG PAGKAIN.

Ang napakaliwanag sa mga salita na iniluwal ng sariling bibig ni Jesus ay MAGSIPANGARAL (evangelio ng kaharian) ang mga tunay na apostol. Dagdag dito ay pagalingin ang mga may sakit, bumuhay ng mga patay, maglinis ng ketong, at magpalayas ng mga demonio. Sa mga ito nga’y katuwiran na ipamahagi, o ibigay sa mga tao na walang bayad.

Kapansin-pansin sa katuwirang nabanggit na ang PANGANGARAL SA MGA SALITA NG DIOS ang siyang pangunahing layunin, nang suguin nitong Espiritu ng Dios na na kay Jesus ang labingdalawang (12) apostol sa sangbahayan ni Israel. Pangalawa na lang sa layunin ang pagpapagaling, paglilinis, at pagpapalayas na nabanggit sa Mateo 10:8.

Katunayan na ang mga katuruang pangkabanalan ay hindi kailan man maaaring ipangalakal, o pagkakitaan ng salapi, sapagka’t katotohanan na ito’y ibibigay na walang anomang kabayaran. Maging ito may sa pangangaral ng mga salita, sa pamamagitan ng aklat, mahihikling babasahin, video, at iba pang maaaring paglagyan ng salita.

Sa ibang dako ay hindi lamang ang isang tao ay maituturing na maralita (mahirap) mula sa kakapusan niya ng mga materiyal na bagay. Bagkus, ang sagana sa gayong mga bagay, o ang isang mayaman ay itinuturing ding maralita, kung may kakapusan ang kaniyang kamalayan sa mga bagay na may kinalaman sa larangan ng tunay na kabanalan.

Dahil dito ay maliwanag pa sa sikat ng araw na, ang mga taong pagpapangaralan ng mga salita ng Dios nilang mga apostol ay gayon ngang lumalapat sa katawagang maralita. Ito sa makatuwid ang katotohanang binibigyang diin ng pagtulong sa mahihirap. Sapagka’t kung maging husto ang kanilang kaalaman sa larangan ng tunay na kabanalan, ay hindi na nga sila tatawagin pang mahirap, o maralita. Maging sa materiyal ay hindi na rin, sapagka’t may diin ang salita ng Dios tungkol sa libo-libong tumutupad ng kaniyang mga salita. Na sinasabi,

ECL 12 :
13  Ito ang wakas ng bagay; lahat ay NARINIG: IKAW AY MATAKOT SA DIOS, at SUNDIN MO ANG KANIYANG MGA UTOS; sapagka’t ITO ANG BOONG KATUNGKULAN NG TAO.

EXO 20 :
 At pinagpapakitaan ko ng KAAWAAN ang libolibong UMIIBIG SA AKIN at TUMUTUPAD NG AKING MGA UTOS.

MAL 3 :
10  Dalhin ninyo ang boong IKASAMPUNG BAHAGI sa kamalig, upang magkaroon ng pagkain sa aking bahay, at subukin ninyo ako ngayon sa bagay na ito, sabi ng Panginoon ng mga hukbo, kung hindi ko bubuksan sa inyo ang mga dungawan sa langit, at ihuhulog ko sa inyo ang ISANG PAGPAPALA, na walang sapat na silid na kalalagyan.

GEN 28 :
22  At ang batong ito na aking itinayo na pinakaalaala ay magiging bahay ng Dios; at sa LAHAT NG IBIGAY MO SA AKIN ay walang pagsalang ang IKASAMPUNG BAHAGI AY IBIBIGAY KO SA IYO.

May kahustuhan ang salita ng Dios  hinggil sa mga nagsisitalima sa kaniyang mga kautusan, palatuntunan, at kahatulan. Na lahat sila’y kaniyang kaaawaan, dahil dito ay mabubuksan ang dungawan ng langit, at ihuhulog niya sa kanila ang isang pagpapala, na walang sapat na silid na kalalagyan.

Tungkol sa ikapu (10%) ay hindi lamang sa mga bagay na tinatangkilik ng sinoman ang kahustuhan nito. Kundi sa mga oras na nilalaman ng isang buong araw at gabi, sapagka’t ang mga yao’y kaloob din ng Ama sa ating lahat. Dahil dito ay matuwid lamang na ibalik natin sa kaniya ang ikapu (10%) ng dalawangpu at apat (24) na oras. Sa gayo’y dalawang (2) oras at dalawangpu’t apat (24) na minuto ang gugugulin natin na pagsamba, pagpupuri at pakikipag-ugnayan sa kaniya bawa’t araw na lilipas sa buo nating buhay sa kalupaan.

Kaya kapag masigalang umiiral ang aspetong materiya at espiritu sa larangan ng tunay na kabanalan ay higit na tinatamasa ng mga anak ng pagsunod ang mga nabanggit na biyaya at pagpapala ng Ama nating nasa langit.

Ang pagtulong sa mga dukha ayon sa kahustuhan ng paliwanag ay ganap na tumutukoy sa aspetong Espiritu, at pangalawa na lamang ang tungkol sa materiyal na mga bagay. Ang una nga ay magkakaloob ng mga aral na mula sa kaisaisang Dios na nasa langit. Sa gayo’y hindi kailangan ang anomang bagay upang maipaabot ang katuruang pangkabanalan sa mga kinauukulan. Kaya’t walang anomang maaaring hingin sa iyong kapuwa, matupad lamang ang gayong banal na gawain.

Ano pa’t sa kakulangan ng malay ng marami sa katotohanang ipinahayag namin ay malaki ang naging pagkakamali nilang sa ngayo’y patuloy na kinakalakal ang mga banal na bagay ng Dios, upang magkamal ng salapi, at hayaang manatili sa kaawa-awang kalagayan ang mga dukha.  

Sa gawa nilang ito’y para lang nilang binigyan ng isda ang mga tao, at sa susunod na pagkain ay aasahan nilang muli ang bigay na isda. Hindi nalalaman ng nagbigay na hindi siya nakatulong sa sinoman, bagkus ay tinuruan niya silang umasa sa bigay at bunga nito’y naging tamad silang lahat. Datapuwa’t kung ang katuruang pangkabanalan (evangelio ng kaharian) ang ibibigay sa kanila’y gaya ito na sila’y tinuruan mong manghuli ng isda.


Kung magkagayo’y hindi na nga sila daranas pa ng gutom, sapagka’t marunong na silang humanap ng kanilang makakain, at sila’y naturuan ng maging masipag at maagap sa gayong mga bagay. Bunga nito’y hindi na sila tatawagin pang mga dukha.


Yaon ang matuwid na pagtulong sa kanila, at hindi ang ginagawa ng maraming mapagsamantala sa kasalukuyang panahon. Na ipinangangalakal ang mga katuruang pangkabanalan, upang umano’y gugulin sa pagtulong sa mga maralita. Ang gawang gayon sa makautwid ay lihis na lihis sa katotohanan ng Dios. Sila’y hindi nakatulong sa kanilang kapuwa, bagkus ay tinuruan nila silang umasa na lamang sa mga bigay, at nagbunga ang kamaliang ito ng katamaran sa mga tao. Hindi nga sila makaka-ahon sa gayong kaawa-awang kalagayan, hanggang may mga hangal na magtuturo sa kanila ng katamaran.


Ang isa pang napakaliwanag ay tunay na kinasusuklaman ng Dios ang mga tao na nangangalap ng abuloy sa layuning ipamahagi sa mga mahihirap. Walang kautusan na gayon, kundi ang utos ay magbigay sa mga dukha. Kaya naman kung mayroon kang maitutulong sa mga nagdarahop sa buhay ay huwag mo na ngang paraanin pa sa mga nangangalap nito. Sapagka't kung magkagayon ay maliwanag na malalabag mo ang utos ng Dios. Tunay na masasama at kasuklamsuklam sa paningin ng Ama nating nasa langit ang gayong uri ng mga tao.

Hindi nga lamang sa tinapay (material) nabubuhay ang tao, kundi sa mga salita ng Dios (evangelio ng kaharian). Ano’t ang payak na bagay na ito’y hindi kailan man inunawa ng marami. Sa gayo’y hindi na nga nakapagtataka, kung tawagin man silang ng kaisaiang Dios na mga HANGAL at HIBANG sa kanilang mga sarili. 

ANTI-CRISTO na totoo sa makatuwid silang niwalang kabuluhan ang mahigpit na tagubilin na lumabas mula sa bibig ni Jesus (Mat 10:7-10) hinggil sa pamamahagi ng mga araling pangkabanalan (evangelio ng kaharian) na walang bayad.

Sa pagwawakas ng usaping ito’y narito ang suma-total ng lahat hinggil dito. Ang mga banal na bagay ng Dios na nararapat makarating sa mga dukha na walang bayad ay ikinalakal (ibinenta) ng mga hangal. Nang magkagayo’y nagsibili sila ng ilang mga bagay na umaayon sa pang araw-araw na pangangailangan ng mga dukha, at yao’y ipinamahagi nila kalakip ang kaunting halaga. Datapuwa’t nang ang mga yaon ay maubos na ay narito ang mga dukha na nagsisipaghintay ng kasunod na tulong. Imbis na sila’y magsipag trabaho ay naging gaya ni Juan Tamad na minabuti pang hintaying malaglag sa kaniyang bibig ang bunga ng bayabas, kaysa ito’y pitasin kapagdaka.

Katotohanan na ang nararapat gawin ng isang lingkod ng kabanalan ay ipangaral sa mga kinauukulan ang salita ng Dios (evangelio ng kaharian) na WALANG BAYAD, at sila’y turuang masiglang tumalima sa KAUTUSAN, PALATUNTUNAN, at KAHATULAN na may galak sa kani-kanilang puso? Kung magkagayo’y sino nga ba ang Dios, upang ang gayong katalino at kalugodlugod na anak ay pagkaitan niya ng siksik at liglig na pagpapala.


Kaawa-awa ang una, sapagka’t ang natutunan nila sa mga tampalasan (nagbabanal-banalan) ay ang maging tamad at manatili sa kalagayan ng isang pulubi. Ang gayong ugali ng isang anak sa makatuwid ay hindi kailan man kinagiliwan ng Ama niyang nasa langit. Wakas


GO BACK TO ORASYON (Click here)

10 komento:

  1. Bakit kasi ang titigas ng ulo nila, sabi ng walang bayad nagpapabayad pa.

    TumugonBurahin
  2. Tumpak ang paglalahad ng pahayag pinalilitaw ng may akda na mas una ang espiritwal na pagganap at ayon sa aking pansariling pananaw ay yaong sampung porsiento ng kita ng kaanib kung saan ka man kabilang hindi para ipang hingi sa bangketa sa bus sa palengke na kung saan marami ang mga taong nagdaraan

    TumugonBurahin
  3. Sadyang kadalasan ay lubhang napakasakit tanggapin ang katotohanan. Hindi ko masisisi ang marami kung sa kabila ng tapik sa balikat mula sa Dios ay ituring na panghuhusga ng ilang hindi marunong umunawa sa mga payak na bagay sa kaniyang paligid. Dapat pa bang manisi ng iba, mapagtakpan lang ang gawang pagbebenta ng mga bagay pangkabanalan?

    May mga gawang masama na iniuugnay ng mga hangal sa mabuting layunin, at isa ang pangangalakal ng mga salita ng Dios. Malinis man ang layunin sa gayong karumaldumal na gawa'y lumalapat pa rin iyon sa paghihimagsik sa kalooban ng Ama nating nasa langit.

    Sadyang ang mga tampalasan kailan ma'y hindi itinuring na katuwiran ang mga salita ng Dios na nangagsilabas mula sa bibig ni Jesus.

    Hindi iisang ulit lamang naming niliwanag na ang humuhusga ay ang kasulatan, hindi kami na nagpapaabot lamang ng mga katuwirang pangkabanalan. Katuwiran ng Dios ang siyang humuhusga kung ang isang bagay ay may kibal o wala.

    Sa ibang dako, sa blog page na ito kailan ma'y hindi naging isyu ang anomang bagay na may kinalaman sa pananalapi. Palibhasa'y layunin nitong mamahagi ng mga payak na bagay ng Dios na walang bayad. Kaya naman totoong nakakaabot sa mga kinauukulan ang mga salita ng Dios, alinsunod sa katuwirang pangkabanalan na umiiral sa blogpage na ito. Dahil dito ay walang sinoman na maaaring magsabing kami'y nangalakal gaya ng mga tampalasan.

    Ang ilaw ay tanglaw sa sinoman, at lahat ng nagnanais na maliwanagan ay nagsisilapit sa ilaw. Gayon ma'y kinamumuhian ng mga hangal at hibang, sapagka't inilalantad nito ang kanilang katampalasanan. O, hindi ba katampalasanan sa Ama nating nasa langit na ipagbili ang mga bagay pangkabanalan?

    Ang utos ay ipamigay ang mga yaon na walang bayad, at kung tunay na malinis ang iyong hangarin sa iyong kapuwa ay magpapamigay ka ng mga gayong bagay na walang bayad.

    Uulitin namin, hindi kami pumarito upang husgahan na ayon sa aming sarili ang aming kapuwa. Kundi paalalahanan ang marami alinsunod sa katuwiran ng Ama nating nasa langit. Gayon ma'y ayaw unawain ng ilan, na ang layunin ay pagpakitaan ng masiglang paghihimagsik ang Ama nilang nasa langit.

    Kayong mga tinamaan ay huwag magalit, sapagka't isiniwalat lamang namin sa liwanag ang inyong katampalasanan. At kapag kayo'y nasukol ng mga salita ng Dios ay huwag na huwag kayong humanap ng damay. Na sasabihin ninyong bago pumuna ay punahin muna ang sarili. Para nyo na ring sinabi, oo masasama kami, pero masama ka rin. Sa gayo'y inamin mo sa publiko ang iyong kasamaan, at hinusgayan mo kami ng kasamaan na walang anomang tiyak na katunayan. Ikaw sa makatuwid ang humuhusga sa iyong kapuwa at hindi kami. Paalam

    TumugonBurahin
  4. Nagkakamali ang taong nagsasabing ang pangalang YOHVSHVA ay pangalan ng Dios. Mabuting lawakan pa niya ang kaniyang pananaliksik nang sa gayo'y hindi sya maging katawa-tawa sa mga binibitawan niyang pananalita. Mabuti rin na matuto ang marami na tanggapin ng maluwalhati sa kanilang kalooban ang mga salita na mismo ay nangagsilabas mula sa bibig ni Jesus. Dahil kapag hindi ay matuturingan silang mga anti-Cristo na totoo. Banal na Kasulatan ang humuhusga sa mga karumaldumal na gawa ng mga tampalasan at hindi kami.

    Tagapagpaalala lang kami sa gayong mga bagay. Kung baga'y trabaho lang at walang personalan at huwag magalit ang tatamaan.

    Ano ba naman ang masama sa nilalaman ng MATEO 10:7-10 at kayo'y nangagalit sa amin. Tanda lamang ang kagalitang ito na nalahad sa liwanag ang karumaldulam na gawa ng mga tampalasan. Ang artikulong "IPAMAHAGI NA WALANG BAYAD" sa makatuwid ay sadya palang hindi maaaring matanggap ng mga tao na ang layunin ay ipagbili ang mga bagay pangkabanalan.

    Papaano ba namin ipa-publish ang mga comment na naglalaman ng mga matatalim na paninirang puri. Sa palagay namin ay gawa lamang ito ng taong, walang anomang nalalaman tungkol sa katuwiran ng Ama nating nasa langit. Lubha nilang pinapababa ang kalagayan ng kanilang pagkatao. Kaya paumanhin sa lahat ng sumusubaybay sa RAYOS NG LIWANAG kung ang ilang comment na dumating ay ituring naming spam.

    TumugonBurahin
  5. Sa pagtatapos ng usaping ito'y sadyang may mga tao na kahi man pahayagan mo ng mga salita ng Dios ay hindi tatanggap, at nanaisin pa nilang ipagpatuloy ang mga karumaldumal nilang mga gawa. Ito'y hindi na bago at patuloy na isinasabuhay ng mga anak ng pagsuway.

    Maging si Jesus na mismo sa kaniyang kapanahunan ay hindi pinakinggan ng mga tampalasan, at sa halip ay minura, sinaktan, at binayaang mamatay sa pagkakabayubay sa krus. Kaya sa pamamahagi ng mga salita na nangagsilabas mula sa bibig ni Jesus sa panahong ito ay hindi na namin ipinagtataka, kung kami'y dumanas ng malabis na panunuligsa sa ilan na kailan ma'y hindi nagpahalaga sa mga salita ng Dios na iniluwal ng mismong bibig ni Jesus.

    Ano nga? kung malaman mong labag sa batas ang iyong ginagawa ay sukat na upang ito'y itigil mo. Kahi man marami ang lumalabag ay sana nama'y hindi ka na makadagdag pa sa kanila na mapanghimagsik sa katuwiran ng Ama nating nasa langit.

    Kailan baga naging mabuti itong si Robin Hood? Nagnanakaw siya para may maitulong sa mga dukha. Sa batas ng tao at sa batas ng Dios ay kasalanan ang gawang pagnanakaw, at sa pagbibigay baga niya ng tulong sa mga dukha ay mahuhugasan ang kasalanan niya sa pandarambong at pagnanakaw? Hindi nga, kahi man pagtulong ang kaniyang nasa isip. Mabuti ka baga kung ang itinutulong mo sa iyong kapuwa ay bunga ng iyong pagnanakaw?

    Gayon din ang pagbebenta ng mga bagay pangkabanalan, Yaon ay isang napakaliwanag na paglabag sa Mateo 10:7-10, na matutuwid na mga salita na nangsilabas mula sa bibig ni Jesus. Gayon nga ring mabuti ka bang maituturing, kung ang itinutulong mo sa kapuwa mo ay bunga ng pagbebenta mo ng mga bagay pangkabanalan?

    Gayon may nagpapasalamat kami sa palagian ninyong pagdalaw sa RAYOS NG LIWANAG at dahil sa inyo'y dumadami ang aming panauhin sa blogsite na ito. Muli ay maraming salamat sa inyong lahat, at ikinalulungkot naming sabihin na may dalawa na namang komento na lumalapat sa kategoriang SPAM.

    TumugonBurahin
  6. tanong lang sir kung gusto ko bang magkaroon ng banal na aklat.. makukuha ko ba ito ng libre..tulad ng mga bibliya etc. kasi dba sa cnasabi mo ang mga salita ng DIOS ang dapat ipamahagi ng walang bayad..

    TumugonBurahin
  7. Hindi kami ang nagsabi na ipamahagi ang mga banal na bagay ng Dios na walang bayad kundi ang Mateo 10:7-10. I-search mo ang GIDEONS sa internet at makakakuha ka dun ng libreng biblia na may nakalagay na "this bible is placed by The Gideons and is NOT FOR SALE.

    TumugonBurahin
  8. Ano ba ang masama dito at galit na galit kayo. Masama bang ipaalala sa inyo ang gawa na ayaw ng Dios?

    TumugonBurahin
  9. Ano ba yan, pati ba naman mahikling dasal ay ipinagbibili pa. Ang dami talagang manloloko sa mundo.

    TumugonBurahin
  10. Masama yan, huwag nyong gawin yan. Yan ay libre na ibinibigay ng dios sa lahat, huwag nyong ipagbili. Mahiya naman kayo sa dios. Ka Yohvshva peace tayo.

    TumugonBurahin