Miyerkules, Setyembre 7, 2011

MAHALAGANG LIHAM KAY BETTY



Minamahal kong Betty,


Tungkol doon sa ilang aralin na ipinadala ko sa iyo ay napakaliwanag ang mga salitang nangagsilabas mula sa bibig ni Jesus, na siya ay hindi kailan man naging Dios at sa halip ay isang taong puspos ng kabanalan sa kaniyang kabuoan. Palibhasa'y nananahan at naghahari sa kaniya ang Espiritu ng Dios na lumukob sa kaniya matapos na siya'y bautismuhan ni Juan sa ilog Jordan.


Muli ay sasariwain ko sa iyong ala-ala ang ilang sitas, na kung saa'y mariing sinalita ng bibig ni Jesus ang likas niyang kalagayan sa kapanahunang yaon. Na sinasabi,

JUAN 8 :

40  Datapuwa’t ngayo’y pinagsisikapan ninyo akong patayin, na TAONG sa inyo’y nagsasaysay ng KATOTOHANAN, na AKING NARINIG SA DIOS: ito’y hindi ginawa ni Abraham.



JUAN 20 :
17  Sinabi sa kaniya ni Jesus, Huwag mo akong hipuin; sapagka’t HINDI PA AKO NAKAKA AKYAT SA AMA, nguni’t pumaroon ka sa aking mga KAPATID, at sabihin mo sa kanila, Aakyat ako sa AKING AMA, at INYONG AMA, at AKING DIOS at INYONG DIOS.

Napakaliwanag minamahal kong Betty, na mariing sinabi ng bibig ni Jesus na siya ay tao na nagsasalita ng katotohanang narinig niya sa Dios. Gayon ding tinukoy niya ang kaniyang mga kapatid, at siya aniya'y aakyat sa kaniyang Ama na Ama rin natin, at kaniyang Dios na Dios din natin.

Sa madaling salita ay anak nga ng kaisaisang Dios ang lahat ng tao, dangan nga lamang ay mayroon mga anak ng pagsunod (tupa) at mayroon din naman na mga anak ng pagsuway (kambing). Ito'y hindi ko nilikhang pagmamatuwid, kundi katuwirang lubos na sinasang-ayunan ng mga salitang inilahad ko sa itaas na nangagsilabas mula sa bibig ni Jesus.

Yaman din lamang na sa bibig na rin ni Jesus nagmula na siya'y hindi Dios. Nang sabihin niya na, "Bautismuhan ang mga bansa sa pangalan ng Ama, at ng Anak, at ng Espiritu Santo," Maliwanag pa sa sikat ng araw na ang anak ay hindi kailan man lumapat sa kalagayan ng isang Dios. Kaya't walang trinidad sa pagka-Dios, sapagka't si Jesus na mismo ang nag-wika na siya ay hindi isang Dios..

Ang Mateo 28:19 ay iniuugnay ng mga Pauliniano sa trinidad, palibhasa'y binanggit doon ang Ama, Anak, at Espiritu Santo. Nguni't hindi matibay ang talatang yaon upang bigyan ng diin ang doktrina ng trinidad. Yao'y haka-haka lamang ng ilan na naging tila katotohanan sa may kakitiran nilang isipan.

Ang tiyak na tiyak at lubos na sinasang-ayunan ng katotohanan ay nang lumabas mula sa mismong bibig ni Jesus, na siya ay tao na nagsasaysay ng katotohanan na kaniyang narinig sa Dios. Lalo na nga nang salitain ng kaniyang bibig na siya'y aakyat sa kaniyang Ama na Ama rin natin, at kaniyang Dios na Dios din natin.
Walang labis at walang kulang ang nagtutumibay na katotohanan sa mga kongretong katibayan na aking ipinalad sa iyo. Si Jesus ay isang tao na puspos nitong Espiritu ng Dios, na sa kabuoan niya'y namamahay at naghahari ang Espiritung nabanggit sa kapanahunang yaon.

Kaya sa pagiging tao ni Jesus sa likas niyang kalagayan ay tanggapin mo na sana minamahal kong Betty, na ang doktrinang trinidad ng mga Pauliniano ay hindi kailan man kinasihan, ni sinang-ayunan man ng mga katotohanang mismo ay nangagsilabas mula sa bibig ni Jesus. Cristiano ka at hindi isang Pauliniano, kaya sa mga salita lamang ng bibig ni Jesus ka makikinig, sapagka't tungkol doo'y kaniyang sinabi.

JUAN 5 :
30  HINDI AKO MAKAGAGAWA NG ANOMAN SA AKING SARILI: humahatol ako ayon sa aking narinig: at ang paghatol ko’y matuwid; sapagka’t hindi ko pinaghahanap ang aking sariling kalooban, kundi ang kalooban niyaong nagsugo sa akin.

JUAN 8 :
28  Sinabi nga ni Jesus, Kung maitaas na ninyo ang Anak ng tao, saka ninyo makikilala na ako  ang Cristo, at WALA AKONG GINAGAWA SA AKING SARILI; KUNDI SINASALITA KO ANG MGA BAGAY NA ITO, AYON SA ITINURO SA AKIN NG AMA.

JUAN 14 :
10  Hindi ka baga nananampalataya na ako’y nasa Ama, at ang Ama ay nasa akin? ANG MGA SALITANG AKING SINASABI SA INYO’Y HINDI KO SINASALITA SA AKING SARILI: kundi ang AMA na tumatahan sa akin ay gumagawa ng kaniyang mga gawa. (Juan 10:30).

JUAN 8 :
26  Mayroon akong maraming bagay na sasalitain at hahatulan tungkol sa inyo: gayon pa man ang nagsugo sa akin ay totoo; at ANG MGA BAGAY NA SA KANIYA’Y AKING NARINIG, ANG MGA ITO ANG SINASALITA KO SA SANGLUBUTAN.

JUAN 12 :
49  Sapagka’t AKO’Y HINDI NAGSASALITA NA MULA SA AKING SARILI; Kundi ang AMA na sa akin ay nagsugo, ay siyang nagbigay sa akin ng UTOS, kung ANO ANG DAPAT KONG SABIHIN, at kung ANO ANG DAPAT KONG SALITAIN.

JUAN 7 :
16  Sinagot nga sila ni Jesus, at sinabi, ANG TURO KO AY HINDI AKIN, KUNDI DOON SA NAGSUGO SA AKIN.

JUAN 14 :
24 ANG HINDI UMIIBIG SA AKIN AY HINDI TUMUTUPAD NG AKING MGA SALITA: at ANG SALITANG INYONG NARINIG AY HINDI AKIN, KUNDI SA AMANG NAGSUGO SA AKIN.

Kung gayong si Jesus ay hindi makagagawa, ni makapagsasalita ng anoman sa kaniyang sarili. Napakaliwanag minamahal kong Betty, na ang tinig ay kay Jesus, nguni't ang salita na lumabas mula sa kaniyang bibig ay salita ng Dios. Gayon din, ang mga gawa ay hindi kaniya, kundi gawa ng Dios. Palibhasa nga'y may Espiritu ng Dios na namamahay at naghahari sa kaniyang kabuoan sa kapanahunang yaon. Ang Dios ay ang nabanggit na Espiritu at hindi si Jesus na kinasangkapan lamang ng nabanggit na Espiritu.

Muli, minamahal kong Betty, ang kopa (grail) ay sisidlan ng anomang inumin. Ano nga ang saysay nito, kung walang lamang inumin. Alin kung gayon ang nakapapatid ng uhaw, ang kopa baga, o ang tubig? Ang layunin ng kopa ay maging sisidlan ng inumin, datapuwa't ang layunin ng tubig ay upang pawiin ang uhaw ninoman. Ano't sa gayo'y kopa pa rin ang kinilala ng mga Pauliniano bilang pamatid uhaw at ang tubig ay nawalan ng anomang kabuluhan?

Gayon nga rin, minamahal kong Betty, si Jesus ay isang kopa ng kabanalan (holy grail), at sa layuning yaon matuwid na siya ay kilalanin at sampalatayanan. Samantalang ang Espiritu ng Dios na nasisilid sa kaniya ang siyang nararapat kilalanin bilang Dios na tagapaglitas ng kaluluwa ninoman.

Kaya nga kaniyang sinabi, na, "Ang mga salitang aking sinasabi sa inyo'y hindi ko sinasalita sa aking sarili, kundi ang Ama na tumatahan sa akin ay gumagawa ng kaniyang mga gawa."
Ang mga salitang nasasaad sa Mateo 28:19, at Juan 15:26 kahi man tinig ni Jesus ay mga salitang binigyang diin nitong Espiritu ng Dios na namamahay at naghahari sa kaniyang kabuoan. Ang lahat nga ng yao'y hindi kaniyang salita, kundi sa Espiritu ng Ama na tumatahan sa kaniya, na gumagawa ng kaniyang mga gawa. Kaya nga kaniyang sinabi, na siya'y taong nagsasalita ng katotohanan, na kaniyang narinig sa Dios.
Hindi lamang iisang katunayan minamahal kong Betty ang inilahad ko sa iyo. Maging si Jesus ay inihayag sa iyo ang kaniyang kalagayang tinindigan noong kaniyang kapanahunan. Dahil dito ay huwag mo na sanang pagmatigasin pa ang iyong puso, at tanggapin mo ang higit na matibay na katibayang inilahad ko sa iyo, noong nakaraan at hanggang sa ngayon. Sapagka't ang lahat ng yao'y hindi kinatha ng sarili kong isipan, kundi mga katotohanang salita na mismo ay nangagsilabas mula sa bibig ni Jesus.

Kung itong si Jesus nga ay pinatototohanang sisidlan (kopa) ng Espiritu ng Dios ay tanggapin ngang siya ay gayon. Pipilipitin mo na ang katuwiran, kung sa kabila ng banal na kalagayan niyang yao'y kikilalanin siya na gaya ng Dios. Sundan mo nga lamang minamahal kong Betty ang mga salitang iniluwal ng bibig ni Jesus sa dakong itaas ng sulat kong ito sa iyo. At tinitiyak ko, na pawang katuwiran ng Dios lamang  ang iyong masusumpungan.

Ano pa't kung mismong Dios ang ating tatanungin sa likas niyang kalagayan ay gayon ngang sasabihin niyang bukod sa kaniya ay wala ng iba, gaya ng nasusulat,

ISA 43 :
11  Ako, sa makatuwid baga’y ako, ang Panginoon; at LIBAN SA AKIN AY WALANG TAGAPAGLIGTAS.

ISA 44 :
6  Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Hari ng Israel, at ng kaniyang MANUNUBOS, na Panginoon ng mga Hukbo,AKO ANG UNA, AT AKO ANG HULI; at LIBAN SA AKIN AY WALANG DIOS.

ISA 45 :
21 .... WALANG DIOS LIBAN SA AKIN, isang GANAP NA DIOS at TAGAPAGLIGTAS; WALANG IBA LIBAN SA AKIN.

22  Kayo’y magsitingin sa akin at kayo’y mangaligtas, lahat na taga wakas ng lupa: sapagka’t AKO’Y DIOS, at WALANG IBA LIBAN SA AKIN.

Ano ba naman ito minamahal kong Betty, Dios na mismo ang naglalahad sa tunay niyang kalagayan, at ang mga Pauliniano ay patuloy pa ring hindi binigyang halaga ang mga pagpapatotoo ng kaisaisang Dios. Katotohanan, katotohanang pinatutunayan sa iyo ng Dios na siya ay walang ibang kasamang Dios, at bukod sa kaniya ay wala ng iba pa. Siya ay iisa lamang at mananatiling gayon ngayon, bukas, at magpakailan man.
Kung ang Dios nga'y kaisaisa lamang, at itong si Jesus ay kopa ng kabanalan (holy grail), at ang Espiritu Santo ay bahagi ng kaniyang kabuoan. Saan nga masusumpungan sa alin mang banal na kasulatan ng mga anak ni Israel, na sinasabing Dios Ama, Dios Anak, at Dios Espiritu Santo?

Ang usapang kabanalan ay tiyak na pangungusap, at hindi mga haka-haka lamang. Sa gayo'y pansinin mo ang mga inilahad ko sa iyong patotoo, at mapapag-unawa mong ang lahat ng yao'y tiyak na tinutukoy ang kaisa-isang bilang ng Dios, at gayon ding ipinagdidiinan ng salita nitong Espiritu ng Dios, na si Jesus ay hindi Dios, kundi isang taong puspos ng kabanalan sa kaniyang kabuoan.

Dito nga'y tiniyak na siya ay tao, at binigyang diin na ang Dios ay iisa lamang. Sa doktrina ng trinidad ay walang katiyakan, at yao’y pawang personal na opinyon lamang ng ilan noong una.

Gaya mo rin ako noon minamahal kong Betty, sapagka't ang doktrina ng trinidad ang nakalakhan kong katuruan, palibhasa'y ipinanganak akong katoliko ang relihiyon, at yao'y naka-ukit na sa malaking bahagi ng aking kaisipan. Subali't nasaan sa banal na kasulatan ang katunayan sa katuruang yaon? Kundi, pawang mga haka-haka lamang, at walang anomang matibay at kongkreto na patotoong biblikal.

Datapuwa't nang mapag-unawa ko ang tungkol sa likas na kalagayan ng Dios, at nang makita ko ng maliwanag ang mga salitang mismo ay nangagsilabas mula sa bibig ni Jesus ay nagiba sa pananaw ko na tila gusaling buhangin ang doktrinang trinidad. Lalo ng lumakas ang loob ko, nang masusi kong analisahin ang mga nilalamang aral nitong evangelio ng di pagtutuli ni Pablo, na kailan ma'y hindi pala sinang-ayunan nitong mga katuruang sinalita ng bibig ni Jesus.

Ano pa't kung natuto kang magsaliksik ng kasulatan ay nabigyan mo sana ng kaukulang awtentisidad ang mga salitang ipinangaral sa iyo ng iyong pastor. Kung sinabi nga niyang trinidad, ay bakit ang sinasabi ng Dios ay, “nagiisang Dios.” Kung sinasabi ng iyong pastor na si Jesus ay Dios, bakit mismong si Jesus ay nagsasabing siya’y isang tao. Sa salungatang yao'y sukat na sana upang ikaw ay mag-isip kung katotohanan nga ba o hindi ang sinasabi ng iyong pastor.

Tungkol sa hinihintay mong Espiritu Santo, na magpapatotoo sa iyo sa tunay na kalagayan ni Pablo. Sana naman ay maging malinaw sa iyo ang mga salitang ito.

JUAN 10 :
27 Dinidinig NG AKING MGA TUPA ANG AKING TINIG, at sila’y aking nakikilala, at sila’y nagsisisunod sa akin.

JUAN 17 :
6  Ipinahayag ko ang iyong pangalan sa mga TAO (tupa) na ibinigay mo sa akin mula sa sanglibutan: (Mat 18:20 ) sila’y iyo, at sila’y ibinigay mo sa akin; at TINUPAD NILA ANG IYONG SALITA. (Mat 15:24 )

JUAN 15 :
26 Datapuwa't pagparito ng mangaaliw, na aking susuguin sa inyo mula sa Ama, sa makatuwid baga'y ang Espiritu ng Katotohanan, nagbuhat sa Ama, ay siyang magpapatotoo sa akin.

Sinabi nga nitong Espiritu ng Dios na nasa kalooban ni Jesus, na ang kaniyang mga tupa (anak ng pagsunod) ay nagsisisunod sa kaniya, at gayon din nilang sinunod ang kaniyang mga salita. Sa gayon ngang kalagayan ng mga alagad ay ganting pala sa kanila ang pagparoon ng mang-aaliw (Espiritu Santo), upang patotohanan ang Espiritu na namahay at naghari sa kabuoan nitong si Jesus.

Kung gayon pala'y sa mga sumusunod lamang sa salita ng Dios pumaparoon ang Espiritu Santo. Datapuwa't huwag mong asahan na sa iyo ay darating ang nabanggit na Espiritu, habang ikaw ay naniniwala sa mga aral pangkabanalan na kathang isip lamang ng tao (evangelio ng di pagtutuli).
Kaya nga sinabi ng kaisaisang Dios,

ISA 24 :
5  Ang lupa naman ay nadumhan sa ilalim ng mga nananahan doon; sapagka’t kanilang SINALANGSANG ANG KAUTUSAN, BINAGO ANG ALITUNTUNIN, SINIRA ANG WALANG HANGGANG TIPAN.

Gayon ngang napakaliwanag na salita ng Dios ang noon pa ma'y iniaaaral ko na sa iyo, subali't ang iyong kaisipan ay nabibigkis ng mahigpit sa salita ng tao. Sukat na nga sana ang gayon minamahal kong Betty, upang makalas mo ang tanikalang nabibigkis sa iyong kaisipan at damdamin.

Gayon pa man, ang mahalaga'y hindi naging sagabal ang layo ng iyong kinaroroonan, upang sa iyo'y maipabot ang mga salita ng Dios na nangagsilabas mula sa bibig ni Jesus. Pati na ang pagpapatotoo ng Dios sa likas niyang kalagayan na siya ay kaisaisa lamang. Sapat na nga sana ang gayon, upang makita mo ng may linaw na ang doktrinang trinidad ay hindi kailan man naging aral ng Dios, kundi kathang isip lamang ng tao (Constantino).

Suma iyo ang pagpapala ng kaisaisang Dios na nasa langit, ngayon, ngayon, at magpakailan man, Amin.


Hanggang dito na lamang pangsamantala minamahal kong Betty, at nagagalak akong sa iyo ay ihayag ang mga salita ng Dios na nangagsilabas mula sa bibig ng kaniyang mga naging banal sa kalupaan.

Nagmamahal,
Ricardo

2 komento:

  1. Napakaliwanag na tanglaw sa aming kaisipan ang blog na ito.Ang doktrinang trinidad ay walang kongkretong malinaw na basehan.Sa tagal ng panahon sa edad kong ito ngayon lang namulat ayon sa aking sariling pananaw isa po kayo na ginamit ng dakilang lumikha na naghahatid ng mensahe .Salamat po.

    TumugonBurahin
  2. Betty, paniwalaan mo naman ang salita ni Jesus.

    TumugonBurahin