Lunes, Agosto 29, 2011

ILANG TAON ANG ISANG HENERASYONG BIBLIKAL


Portrait in the late 1800
Sa makabagong panahon na nilalakaran natin sa ngayon ay itinatayang mula 20 hanggang 25 ang kabuoang bilang ng mga taong pumapaloob sa isang henerasyon. Ito’y pangkasalukuyang kalakaran at ganap na ginagawang panuntunan pagdating sa pagsukat ng mga panahong may kinalaman sa saling lahi. Halimbawa’y ang magulang at mga anak ay ikinakatawan sa unang henerasyon, at kapag nagsipag-anak na ang mga anak na nabibilang doo’y itinuturing na silang pangalawang henerasyon. Ang pagpasok ng ikalawa ay bumabatay sa pagsilang ng anak ng mga anak na inaari ng unang henerasyon.

            Ang gayong mga dokumentadong pahayag hinggil sa usaping ito’y malugod na tinatanggap ng marami. Ito’y bilang katiwatiwalang batayan, kung paano nagsisimula ang isang henerasyon at kung ilang taon ang itinatagal nito upang matiyak ang katapusan, at dahil doo’y maipahayag ang simula ng kahaliling bagong henerasyon.
            Katulad noong una ay may mga katiwatiwala din namang kasulatan hinggil sa gayong usapin, at yao’y natatala sa tinatawag na Lumang Tipan ng Biblia. Yao’y bilang ng mga taon na tumutukoy sa isang henerasyon, na sinusunod bilang pamantayan ng mga mamamayan ng Israel na matatagapuan sa gitnang silangan. Ang tawag doo’y Henerasyong Biblikal (Biblical Generation) at batay sa mga katunayan naming inilahad sa ibaba ay binubuo ng apat na pung (40) taon ang henerasyon na nagsi-iral sa nakalipas na malayong kapanahunang natatala sa limang aklat ni Moises (Tanak).

BILANG 32 :
13 At ang galit ng Panginoon ay nagningas laban sa Israel, at kaniyang pinagala sila sa ilang, na APAT NA PUNG TAON hanggang sa ang boong LAHING (henerasyon) yaon na gumawa ng masama sa paningin ng Panginoon, ay nalipol.

AWIT 95 :
10 APAT NA PUNG TAON na namanglaw ako sa LAHING (henerasyon) yaon.

1 CRO 29 :
26  Si David nga na anak ni Isai ay naghari sa boong Israel.

27  At ang panahon na kaniyang ipinaghari sa Israel ay APAT NA PUNG (40) TAON; pitong taon na naghari siya sa Hebron, at tatlong pu’t tatlong (33) taon na naghari siya sa Jerusalem. (1 Hari 2:11)

JOB 42 :
16  At pagkatapos nito ay nabuhay si Job na ISANG DAAN AT APAT NA PUNG TAON, at nakita niya ang kaniyang mga anak, at ang mga anak ng kaniyang mga anak, hanggang sa APAT NA SALING LAHI (henerasyon).

Portrait in the 1930's
            Ito ngang si Job ayon sa kasulatan (Job 42:16) ay nabuhay ng isang daan at apat na pung (140) taon, na kung hahatihatiin sa apat na pung (40) taon ay maliwanag na inabot niya ang ikadalawang pung (20) taon ng pang-apat na henerasyon. Na kung lilinawin ay tatlong (3) henerasyon ang isangdaan at dalawang pung (120) taon, na tig aapat na pung (40) taon ang bawa’t isa, at sa pang-apat ay dalawang pung (20) taon lamang ang naabot niya rito. Kaya nga sa kasulatan ay sinabing apat (4) na henerasyon, palibhasa’y nakarating siya sa kalahatian ng pang-apat (4th) nito.

            Hanggang dumating ang natatanging kapanahunan nitong si Jesus ay gayon nga ring mayroon siyang ipinahayag hinggil sa umano’y magaganap sa henerasyon (40 taon) na kinabibilangan niya at ng mga tunay na apostol.

Gaya nga ng nasusulat ay winika

MATEO 16 :
28  Katotohanang sinasabi ko sa inyo, May ilan sa nangakatayo rito, na hindi matitikaman sa anomang paraan ang kamatayan, HANGGANG SA KANILANG MAKITA ANG ANAK NG TAO NA PUMAPARITO sa kaniyang kaharian.

            Binibigyang diin sa talata (Mat 16:28) na sa lubhang malapit na hinaharap ay may ilan (mga apostol) na nakatayo sa paligid ni Jesus na masasaksihan ang pagparoon sa Israel nitong anak ng tao. Ang ibig sabihi’y ilang taon lamang marahil ang lilipas at magaganap na ang gayon, kaya naman sa panahong yao’y mga buhay pa sila at magiging mga buhay na saksi sa nabanggit na pipintong kaganapan.

MATEO 10 :
23  ... Hindi ninyo matatapos libutin ang mga bayan ng Israel, HANGGANG SA PUMARITO ANG ANAK NG TAO.

            Karagdagan pa ring katunayan ang nilalaman nitong Mat 10:23, na sa liit ng bansang Israel ay hindi nga yaon matatapos libutin ng mga tunay na apostol, at bago pa yaon mangyari ay masasaksihan ng nga nila ang pagparoon ng anak ng tao. Ito’y pagbibigay diin lamang at pagpapatotoo sa nauna na naming inilahad na talata (Mat 16:28), na sa sandaling pumaroon sa Israel ang anak ng tao ay pawang mga buhay niyang madaratnan ang mga tunay na apostol.

MATEO 23 :
36  Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Ang lahat ng mga bagay na ito ay darating sa LAHING (generation) ITO.

38  Narito, ang inyong bahay ay iiwan sa inyong wasak.

MATEO 24 :
34  Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Hindi lilipas ang LAHING (generation) ITO, hanggang sa mangaganap ang lahat ng mga bagay na ito.

35  Ang langit at ang lupa ay lilipas, datapuwa’t ANG AKING MGA SALITA AY HINDI LILIPAS.

Portrait of a new generation
            Ang masidhing tanong ay ito. “Nangyari ba ang sinalita ni Jesus hinggil dito?” Siyang tunay, oo, sapagka’t hindi hihigit sa apat na pung (40) taon makalipas ang kamatayan ni Jesus sa krus, taong 70 AD ay sinaktan ng Emperiong Roma  ang Jerusalem, at kung paano niya sinalita ang kagibaan nitong gusali ng templo ay gayon nga ang nanghari.

            Sa partikular na bahaging ito ng artikulo ay hindi maaaring itanggi ng sinoman, na  apat na pung (40) taon ang hustong bilang ng mga taon na pumapaloob sa Henerasyong Biblikal (Biblical Generation). Isa na marahil ito sa pinakamatibay na katunayang maaaring mailahad ng sinoman, upang matukoy kung ilang taon ang laman ang isang Henerasyong Biblikal.

            Napakaliwanag nga ang sinasabi ng kasulatan hinggil sa hustong bilang ng isang Henerasyong Biblikal. Dagdag pa sa mga salitang nangagsilabas mula sa bibig ni Jesus ay, “lilipas ang langit at lupa, datapuwa’t ang mga salita na winika ng sarili niyang bibig ay hindi lilipas.” Ang ibig sabihin ay walang pagsalang mangyayari ang lahat ng yaon sa nasasakupan ng kasalukuyang henerasyon na kaniyang kinabibilangan. Kung lilinawin pa’y nakatalaga sa loob ng apat na pung (40) ang kaganapan ng mga salita sa itaas, na mismo ay nangagsilabas mula sa kaniyang bibig.

            Ang Henerasyong Biblikal (Biblical Generation) ay maliwanag naming naipakita na lumalapat lamang sa kabuoan na apat na pung (40) taon. Ang kaliwanagan hinggil sa bagay na ito ay sukat upang mapag-unawa ng lubos, na sa panahong yao’y naganap ang maraming bagay. Ano pa’t hanggang ngayon, ang mga yao’y patuloy pang hinihintay ng lubhang maraming bilang ng mga Cristiano ni Pablo.

            Marahil ay panahon na upang matigil ang gayong paghihintay sa mga pangyayaring kailan ma’y hindi papayagan ng langit na magkaroon ng kaganapan, palibhasa’y umiral na ang eksistensiya ng mga yaon halos dalawang libong taon (2,000) na ang nakalilipas.

2 komento:

  1. mahalagang kaalaman para sa akin ang laman ng sulat mo. detalyado ang mga paliwanag.

    TumugonBurahin
  2. Same to me, amen.

    TumugonBurahin