S
|
i Jesus gaya ng iba pang banal na nabuhay sa kanikanilang kapanahunan, palibhasa’y pinamahayan at pinagharian ng Espiritu ng Dios sa kaniyang kalooban at kabuoan ay lumarawan sa kaniyang mga salita at gawa ang wangis at anyo ng ating Ama. Ang katotohanan, ilaw, pagibig, kapangyarihan, paglikha, karunugang may unawa, at buhay na walang hanggan, na siyang kaanyuan ng Dios sa bawa’t banal na nabuhay sa kalupaan.
Nang pasimula nga ay ang verbo (salita), at ang verbo ay sumasa Dios at ang verbo ay Dios. Gayon nga na nang pasimula ay salita na siyang katotohanan, ilaw, pagibig, kapangyarihan (lakas), paglikha (paggawa), karunungan, at buhay.
Ang salita ngang lumalapat sa mga ito’y sumasa Dios, at Dios sa kaniyang anyo at likas na kalagayan. Sa gayo’y nagkatawang tao ang verbo (salita) at tumahan sa gitna ng mga tao. Sa makatuwid baga ay ang taong si Jesus?
Hindi nga ang gayon, kundi ito’y nagkatawang tao o namahay at naghari sa kalooban at kabuoan ng sinomang kinilala ng ating Ama sa larangan ng tunay na kabanalan.
Isa nga lamang si Jesus sa hindi kakaunting pinamahayan at pinagharian ng verbo.
Hindi nga ang gayon, kundi ito’y nagkatawang tao o namahay at naghari sa kalooban at kabuoan ng sinomang kinilala ng ating Ama sa larangan ng tunay na kabanalan.
Isa nga lamang si Jesus sa hindi kakaunting pinamahayan at pinagharian ng verbo.
Kung inyong sisiyasating mabuti ay may ganap na kahustuhan ang anyo ng Dios sa kabuoang pagkatao nitong si Jesus, kaya nga sa kaniya’y lumarawan ang katotohan, ilaw, pagibig, lakas, paggawa, karunungan, at yaong buhay na walang hanggan. Na siyang kahustuhan ng verbo (salita ng Dios) sa sinomang totoong banal na nabuhay sa kalupaang ito.
Noong una’y hindi nga nagkamaling tukuyin ng marami, kung nasaang katawan ang verbo (salita), subali’t ang naging pagkakamali nila’y itinuring na ang katawang nagmamay-ari ng pangalang Jesus ang siyang verbo. Bunga nito’y sinamba ng mga hindi nakaka-unawa ang taong ito bilang bagong dios na tagapagligtas ng kaluluwa at manunubos ng sala.
Gayon nga ring siya ay sinamba ng marami bilang isang tao na pinagkalooban umano ng kapamahalaan sa langit at sa ibabaw ng lupa, at ang isa rito’y ang kakayanang magligtas ng kaluluwa at tumubos ng mga sala nitong sanglibutan.
Sa pagkakamali nga nilang ito’y nagbunga ng pagkilala sa ibang dios at nagtulak sa marami upang magpahayag ng kanikanilang opinyon, na naglunsad sa kanila upang tulad sa bomba ay sumambulat. Ano pa’t nagbunga ng halos hindi mabilang na sekta ng Cristianismo, na gaya ng mga mababangis na hayop ay nagbabangay at nagsasakmalan sa isa’t isa araw at gabi.
Ito nga’y hindi katakataka, sapagka’t ang isang sangbahayan o kaharian na nagkakabahabi ng paninidigan ay nagigiba at sumasambulat. Tulad nga nitong Cristianismo nitong si Pablo na giba, sapagka’t wala ang pagibig sa Dios na isa sa mahahalagang sangkap ng tunay na kabanalan. Ang tanging layunin nito (pag-ibig) ay pagbuklurin ang lahat sa iisa. Bagkus ay kanikaniya at laban sa isa’t isa ang iglesia ng taong ito, na nagpapahayag ng lubhang mababang kamalayan pagdating sa larangan ng tunay na kabanalan.
Sa ibang dako ay nalalaman natin ayon sa kasaysayang lubos na pinagtitiwalaan ng higit na nakararami na si Adan ang unang nilalang, at siya’y maituturing na panganay sa lahat ng mga tao.
Datapuwa’t sa minamatuwid nitong si Pablo ay sinabi niyang ang taong si Jesus ang siyang panganay sa lahat ng mga nilalang at lumabas na bago pa si Adan ay siya na muna.
Tungkol sa usaping ito’y siyasatin nga natin kung papaano nasabi ng taong ito ang gayong kahangalan. Ang Espiritu ng karunungan na isa sa bahagi at anyo ng ating Ama, ayon sa aklat ng kawikaan ay ganito ang mababasa,
kaw 8 :
8 Lahat ng mga salita ng aking bibig ay sa katuwiran;
9 Pawang malilinaw sa kaniya na nakaka-unawa, At matuwid sa kanila na nangakaka- sumpong ng kaalaman.
kaw 8 :
15 Sa pamamagitan ko ay naghahari ang mga hari, At nagpapasiya ng kaganapan ang mga pangulo.
16 Sa pamamagitan ko ay nagpupuno ang mga pangulo, At ang mga mahal na tao, sa makatuwid baga’y lahat ng mga hukom sa lupa.
kaw 8 :
22 Inari ako ng Panginoon sa pasimula ng kaniyang lakad, Bago pinasimulan ang kaniyang mga gawa ng una.
23 Ako’y nalagay mula noong araw mula ng walang pasimula, Bago nalikha ang lupa.
24 Ako’y nailabas ng wala pang mga kalaliman; Nang wala pang mga bukal na sagana ng tubig,
25 Bago ang bundok ay nalagay, Bago ang mga burol ay ako’y nailabas:
26 Samantalang hindi pa niya nililikha ang lupa, ni ang mga parang man, Ni ang pasimula man ng alabok ng sanglibutan.
27 Nang kaniyang itatag ang mga langit nandoon ako: Nang siya’y maglagay ng balantok sa balat ng kalaliman:
28 Nang kaniyang pagtibayin ang langit sa itaas: Nang maging matibay ang mga bukal ng kalaliman:
29 Nang bigyan niya ang dagat ng kaniyang hangganan, Upang huwag salangsangin ng tubig ang kaniyang utos: Nang kaniyang iayos ang mga patibayan ng lupa.
30 Nasa siping nga niya ako na gaya ng matalinong manggagawa: at ako ang kaniyang ligaya sa araw-araw, Na nagagalak na lagi sa harap niya.
Ano pa’t kung hihimayin at uunawaing mabuti ang nilalaman ng Col 1:16 at 17 ay makikita ng maliwanag na ito’y mga hidwang opinyon na binuo mula sa mga impormasyong pumapaloob sa Kawikaan kabanata 8.
Samantala, kung paguukulan naman ng pansin ang nilalaman ng nabanggit na aklat ay napakaliwanag na walang sinomang tao na tinutukoy dito, bagkus ay lubos na nakatuon ang boong kabanata sa Espiritu ng karunungan.
Na siyang sa mga anak ng pagsunod ay pumupuspos na kasama ang Espiritu ng katotohanan, Espiritu ng Ilaw, Espiritu ng pagibig, Espiritu ng kapangyarihan, Espiritu ng paglikha, at Espiritu ng buhay.Ang mga yao’y pitong (7) Esiritu, na kung saan ay anyo at larawan ng ating Ama dito sa kalupaan. Ang kabuoang ito ay katotohanan na inilalakip ng ating Ama sa kalooban ng tao, gaya ng kaniyang sinabi.
EZE 36 :
27 At AKING ILALAGAY ANG AKING ESPIRITU SA LOOB NINYO, at palalakarin kayo ng ayon sa aking mga PALATUNTUNAN, at inyong iingatan ang aking mga KAHATULAN, at ISASAGAWA.
Gayon ngang inilalagay ng ating Ama ang kaniyang pitong (7) Espiritu (verbo) sa sinomang kinakikitaan niya ng ganap na kahandaan sa pakikipagisa sa kaniya ng layunin. Dahil dito, itong si Jesus sa kaniyang kapanahunan ay kinasumpungan ng gayong kabanal na kalagayan, at siya matapos na gawaran ng bautismo nitong si Juan sa ilog Jordan ay natamo sa kaniyang kalooban at kabuoan ang mga nabanggit na Espiritu (verbo), na sa kalupaan ay nakasanayan ng tawaging Espiritu Santo ng mga tao.
Mula nga noo’y namahay at naghari na sa kaniya ang Espiritu ng Dios at doon pa lamang siya kinasumpungan ng hindi matatawarang karunungan at mga kagilagilalas na himalang tanging Espiritu ng kapangyarihan lamang ang maaaring magsagawa.
Nang dahil sa gayong kalagayan ay hindi nga magiging imposible sa sinoman na kasumpungan ng gayong mga gawa, palibhasa’y yaong kabuoan ng pitong (7) Espiritu ng Dios (Espiritu Santo) ang sa kalooban niya ay naghahari. Datapuwa’t sa kawalan ng pangunawa nitong boong kalahian ng mga Gentil (anak ng pagsuway) sa kapanahunang yao’y wala silang anomang natalastas na katotohanan hinggil sa hiwaga, o misteryong bumabalot sa boong pagkatao ni Jesus.
Ano pa’t mula sa mga orihinal na teksto ng mga anak ni Israel na kinabibilangan ng labingdalawang (12) apostol ay inunawa nila (Gentil) alinsunod sa umiiral nilang tradisyon ang buong nilalaman ng mga nabanggit na kasulatan (teksto). Kaya’t ang kanilang nakita ay ang katawan na nagngangalang Jesus sa titulong Cristo, at siya ang kanilang sinamba bilang isang bagong dios ng mga Gentil. Datapuwa’t hindi nila nakilala ang anyo ng tunay na Dios na lumarawan ng lubhang malinaw sa kaniyang kalooban at kabuoan.
Datapuwa’t sa kakulangan ng kaunawaan ng lahing ito pagdating sa larangan ng tunay na kabanalan, palibhasa’y mula sa bibig ni Jesus nila narinig ang tinig ng karunungan at sa kaniya rin nila nasaksihan ang kahangahangang mga gawa. Dahil dito ay inakala nilang nagkatawang tao na ang Dios sa ngalang Jesus. Sa gayo’y sinamba bilang bagong dios ang taong nagngangalang Jesus at ibinilang sa koleksiyon nila ng hindi kakaunting mga diosdiosan.
Dahil dito ay ipinalagay ng kalipunang Gentil ayon sa mapanghikayat na idolohiya (evangelio ng di pagtutuli) nitong si Pablo, na ang ganap na tinutukoy sa Kawikaan kabanata 8 ay walang iba kundi ang taong si Jesus. Sa gayo’y nangatisod nga silang lahat, sapagka’t hindi nila napagunawa kung sino ang likas na kalagayang nararapat sambahin sa kabuoan ni Jesus.
Sa katunayan ay isa ngang malaking kahangalan na pagkalooban ng plake o medalya ang isang sasakyan na inilaban ng karera, at pawalang kabuluhan ang tsuper na ginawa ang lahat niyang makakaya upang maipanalo ang minaneho niyang sasakyan.
Hinggil dito ay maliwanag ninyong nasaksihan ang mga talata na natatala sa ibaba,
15 Na siya ang LARAWAN NG DIOS NA DI NAKIKITA, ANG PANGANAY NG LAHAT NG MGA NILALANG;
16 Sapagka’t sa kaniya nilalang ang lahat na mga bagay, sa sangkalangitan at sa sangkalupaan, na mga bagay na nakikita at ang mga bagay na di nakikita, maging mga luklukan o mga pagsakop o mga pamunuan o mga kapangharihan; lahat ng mga bagay ay nilalang sa pamamagitan niya at ukol sa kaniya;
17 At siya’y una sa lahat ng mga bagay, at ang lahat ng mga bagay ay nangabubuhay dahil sa kaniya,
Talastasin nga ninyo na ang Col 1:15-17 ay bunga lamang ng pagpilipit sa mga tapat at tunay na mga salitang mababasa sa aklat ng Kawikaan kabanata 8. Isa nga lamang ang usaping iyan na malabis ang paghihimagsik sa mga aral (Katuruang Cristo) na mismo ay ipinangaral ng sariling bibig ng Cristo.
Mangyari sanang sa pamamagitan ng tanglaw na ito’y maging malinaw sa inyo, na kailan ma’y hindi naging Dios ang taong si Jesus. Datapuwa’t ang Espiritu ng Dios na naghari sa kaniyang kalooban ang marapat ninyong tingnan at pagkalooban ng kaukulang pagsamba at pagtalima sa lahat niyang mga kautusan ng pagibig.
Bilang karagdagan ay kailangang maunawaan ng lahat na ang Espiritu ng Dios ay katotohanang lumalakad sa kalupaan sa anyong laman (totoong banal), subali’t hindi nangangahulugan na yaong Dios na nasa laman sa kapanahunang yaon ay nagngangalang Jesus, upang ang pangalang ito’y sambahin ninyo bilang Dios.
Sa gayo’y mangatitisod kayo, sapagka’t ang kabuoan ng Espiritu ng Dios na namamahay sa kalooban ng mga tunay na banal ay may sariling pangalan na nasusumpungan ng sinomang may kasipagan sa larangan ng tunay na kabanalan.
Napakaganda ng artikulong ito. Sana ay patuloy ka pang maglahad sa amin ng mga katotohanang tulad nito. Salamat sa iyo.
TumugonBurahinNgayon ko lang naunawaan ang 7 spirito na siyang anyo at larawan ng ating Ama ang tinutukoy na verbo hindi ang pisikal na katawan Salamat sa blog na ito hindi lang po ako ang maliliwanagan naway humaba pa po ang inyong buhay
TumugonBurahinPino ang pagkaka areglo ng topic na ito. Nasa detalye lahat ang pagkakalatag ng paliwanag. Hindi nagkulang sa references. Mahikling article pero tumbok ang esensiya ng usapin. Kagigiliwan ang ganitong uri ng mahikling babasahin.
TumugonBurahinSa kabila ng napakaliwanag na paglalahad ng katotohanan na may lakip na patibayan mula sa OT(Tanakh) at NT, ay napakarami parin ang hindi matanggap ang bagay na ito hinggil sa kahulugan at pinatutukuyan ng VERBO, Sa kadahilanang matibay ang nakagisnang aral na nagmula pa sa kapanahunan ng Empoerador Constantino na nagpasalin-salin hanggang sa kasalukuyang panahon nating ito.
TumugonBurahin