Linggo, Hunyo 12, 2011

ANG KAUKULANG PANANAMPALATAYA KAY JESUS

JUAN 14 :
10  HINDI KA BAGA NANANAMPALATAYA NA AKO’Y NASA AMA, AT ANG AMA AY NASA AKIN? Ang mga salitang aking sinasabi sa inyo’y hindi ko sinasalita sa aking sarili: kundi ang Ama na tumatahan sa akin ay gumagawa ng kaniyang mga gawa.

11  MAGSISAMPALATAYA KAYO SA AKIN NA AKO’Y NASA AMA, AT ANG AMA AY NASA AKIN: o kundi kaya’y MAGSISAMPALATAYA KAYO SA AKIN DAHIL SA MGA GAWA RIN.

12  Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, ANG SA AKIN AY SUMAMPALATAYA, AY GAGAWIN DIN NAMAN NIYA ANG MGA GAWANG AKING GINAGAWA; at LALONG DAKILANG MGA GAWA KAY SA RITO ANG GAGAWIN NIYA, sapagka’t ako’y paroroon sa Ama.


H
indi nga ba tayo nananampalataya na itong si Jesus ay nasa Ama at ang Ama ay nasa kaniya? Utos Niya’y sampalatayanan Siya sa kalagayang sumasa Kaniya ang Ama at Siya ay sumasa Ama. Magsisampalataya din Aniya tayong lahat sa Kaniya bilang kasangkapan ng Dios sa mga dakila Niyang mga gawa. Kaya ang sinomang sumasampalataya kay Jesus ay gagawin din naman niya ang Kaniyang ginawa, at lalong dakilang mga gawa kay sa rito ang gagawin ng taong yaon.

Yamang itong si Jesus ay gumanap sa kautusan ay matuwid din naman sa kaniya na sumasampalataya kay Jesus na gumanap sa kautusan, na sinasabi,

MATEO 5 :
17  Huwag ninyong isiping ako’y naparito upang sirain ang kautusan o ang mga propeta: ako’y naparito hindi upang sirain, kundi upang GANAPIN.

Sa usaping ito’y katotohanang hindi nararapat kaligtaan, na ang mga salita na nangagsilabas mula sa bibig ni Jesus ay hindi Niya sinalita sa Kaniyang sarili, kundi ang nararapat ay tanggapin na ang lahat ng yao’y salita nitong Espiritu ng Dios (Ama) na tumatahan at naghahaari sa kaniyang kabuoan sa panahong yaon. Ang tinig (sound) sa makatuwid ay maliwanag na iniluwal ng bibig ni Jesus, datapuwa’t ang salita na kinakatawan ng tinig ay tunay na mula sa Espiritu ng Dios na nasa kaniya.

Dahil dito ay huwag pagkamaliang si Jesus ay gumawa ng mga bagay na naaayon sa sarili niyang pagmamatuwid, sapagka’t kung magkagayo’y magkakamali kayo gaya ng pagkatisod ng marami noong una at hanggang sa ngayon. Ipinalagay nilang sariling aral ni Jesus ang ipinangaral niyang mga salita sa buong sangbahayan ni Israel. Kaya naman ang sinamba nila ay itong si Jesus at itinuring nilang Siya’y tagapagligtas ng kaluluwa at manunubos ng sala nitong sanglibutan, palibhasa’y sa bibig Niya lumabas ang mga katuruan hinggil sa mga bagay na yaon.

Datapuwa’t kung lalapatan ng kaukulang tiyak na katibayan ang tungkol sa usaping ito’y katotohanang hindi maikakaila ninoman ang mga nilalaman ng ilang sumusunod na talata.

JUAN 8 :
26  Mayroon akong maraming bagay na sasalitain at hahatulan tungkol sa inyo: gayon pa man ang nagsugo sa akin ay totoo; at ang mga bagay na sa kaniya’y aking narinig, ang mga ito ang sinasalita ko sa sanglubutan.

JUAN 12 :
49  Sapagka’t AKO’Y HINDI NAGSASALITA NA MULA SA AKING SARILI; Kundi ang AMA na sa akin ay nagsugo, ay siyang nagbigay sa akin ng UTOS, kung ANO ANG DAPAT KONG SABIHIN, at kung ANO ANG DAPAT KONG SALITAIN.

JUAN 7 :
16  Sinagot nga sila ni Jesus, at sinabi, Ang turo ko ay hindi akin, kundi doon sa nagsugo sa akin.

Alinsunod sa ilang sitas na aming inilahad sa inyo ay katotohanang hindi maitatanggi ninoman, na itong si Jesus ay naging gaya ng isang matapat at masiglang alipin na sunodsunuran sa tinitingala niyang Panginoon. Kaya anomang gawa ng alipin na nasaksihan ng marami ay hindi matuwid na ipa-angkin sa kaniya, kundi sa Panginoon na siyang nag-utos nito. Ang lahat ay nararapat sampalatayanan na Siya (alipin) ay hindi gumawa ng mga bagay na ayon sa kaniyang sarili, kundi ang lahat ng yao’y alinsunod sa kalooban ng kaniyang Panginoon.

Ang Maharlikang Gusali na ginawa ng mga alipin ayon sa kautusan ng Hari ay tatawaging Gusali ng Hari, datapuwa’t magiging malaking pagkakamali kung yao’y tutukuying Gusali ng mga alipin. Gayon nga rin ang isinugo ng Hari sa layuning maghatid ng magandang balita sa sambayanan ay kinikilala ng mga taong matutuwid bilang tagapaghatid ng balita. Ang tinig upang iparinig sa marami ay sa nabanggit na Sugo, datapuwa’t ang salita na kumakatawan sa mabuting balita ay hindi sa kaniya, kundi sa Hari. Sa gayo’y Siya (Hari) ang nararapat na maging pangunahing karakter sa usaping ito at ang sugo ay pangalawa lamang. Dahil kung mababaligtad ito’y mababale-wala ang layunin at kalagayan ng Hari at ang Sugo ang siyang bibigyang halaga ng mga taong hindi matutuwid.

Gaya nga ng nangyari sa Sugong si Jesus, na siya ang sinamba ng mga hindi nakakaunawa at ang Espiritu ng Dios na nasa kalooban niya’y niwalang kabuluhan ng mga hangal. Sinampalatayanan siya bilang isang Dios, at nang magkagayo’y sinamba at pinaglingkuran nila bilang Dios na totoo. Dahil doo’y lubhang malaking bilang ng mga tao sa mundo ang natisod at hanggang sa ngayo’y patuloy na nalulugmok sa gayong karumaldumal na kalagayan.

Nguni’t maikakaila baga ang katotohanang nilalaman ng mga sumusunod na talatang nangagsilabas mula mismo sa bibig nitong si Jesus?

JUAN 12 :
44  At si Jesus ay sumigaw at nagsabi ANG SUMASAMPALATAYA SA AKIN, AY HINDI SA AKIN SUMASAMPALATAYA, KUNDI DOON SA NAGSUGO SA AKIN. (Juan 14:11)

JUAN 5 :
24  Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo,  Ang dumirinig ng aking salita, at SUMASAMPALATAYA SA KANIYA NA NAGSUGO SA AKIN, ay may buhay na walang hanggan, at HINDI PAPASOK SA PAGHATOL, KUNDI LUMIPAT NA SA KABUHAYAN MULA SA KAMATAYAN.

Gayon ngang may diing sinalita ng bibig ni Jesus na ang sinomang sumasampalataya sa mga gawa ng kaniyang mga kamay ay sa nagsugo sa kaniya sumasampalataya.  Ano pa’t mula sa kamatayan ay lilipat ang taong yaon sa kabuhayan, na kung lilinawin ay maluwalhati at masigla niyang papasukin ang buhay na walang hanggan.

Narito, at sa pagtatapos ng usaping ito’y sasampalatayanan itong si Jesus bilang isang totoong sisidlang hirang ng Dios (buhay na templo ng Dios), at tungkol dito ay mariing winika.

DEUT 18 :
18  Aking palilitawin sa kanila ang isang PROPETA sa gitna ng kanilang mga kapatid, na gaya mo; at AKING ILALAGAY ANG AKING MGA SALITA SA BIBIG NIYA, at KANIYANG SASALITAIN SA KANILA ANG LAHAT NG AKING IUUTOS SA KANIYA. (Amos 3:7)

EXO 4 :
12  Ngayon nga’y yumaon ka, at AKO’Y SASAIYONG BIBIG, AT ITUTURO KO SA IYO KUNG ANO ANG IYONG SASALITAIN.

JER 1 :
Nang magkagayo’y iniunat ng Panginoon ang kaniyang kamay, at hinipo ang aking bibig; at sinabi sa akin ng Panginoon, Narito, INILALAGAY KO ANG AKING MGA SALITA SA IYONG BIBIG.

Kaya naman sa natatanging kapanahunan ni Jesus ay may diin din naman ang kaniyang pananalita tungkol sa usaping ito. Gaya ng nasusulat,

JUAN 8 :
28  Sinabi nga ni Jesus, Kung maitaas na ninyo ang Anak ng tao, saka ninyo makikilala na ako  ang Cristo, at WALA AKONG GINAGAWA SA AKING SARILI; KUNDI SINASALITA KO ANG MGA BAGAY NA ITO, AYON SA ITINURO SA AKIN NG AMA.

JUAN 12 :
49  Sapagka’t AKO’Y HINDI NAGSASALITA NA MULA SA AKING SARILI; Kundi ang AMA na sa akin ay nagsugo, ay siyang nagbigay sa akin ng UTOS, kung ANO ANG DAPAT KONG SABIHIN, at kung ANO ANG DAPAT KONG SALITAIN.

JUAN 14 :
24 Ang hindi umiibig sa akin ay hindi tumutupad ng aking mga salita: at ang salitang inyong narinig ay hindi akin, kundi sa Amang nagsugo sa akin.

JUAN 20 :
17  Sinabi sa kaniya ni Jesus, Huwag mo akong hipuin; sapagka’t HINDI PA AKO NAKAKA AKYAT SA AMA, nguni’t pumaroon ka sa aking mga KAPATID, at sabihin mo sa kanila, Aakyat ako sa AKING AMA, at INYONG AMA, at AKING DIOS at INYONG DIOS.

Sana nga’y huwag ng lumabis pa dito ang pananampalataya sa kaniya, kundi ay magagaya kayo sa marami na nagsabuhay ng mga bagay na kailan ma’y hindi sinang-ayunan ng katotohanan at katuwiran na binibigyang diin sa banal na kasulatan (Biblia). Gaya ng matuwid na nasasaad sa Juan 20:17,  siya nga’y hindi Dios na katulad ng kaisaisang nasa langit, kundi tao, gaya ng nasusulat, 



JUAN 8 :
40  Datapuwa’t ngayo’y pinagsisikapan ninyo akong patayin, na TAONG sa inyo’y nagsasaysay ng KATOTOHANAN, na AKING NARINIG SA DIOS: ito’y hindi ginawa ni Abraham.

JUAN 20 :
17  Sinabi sa kaniya ni Jesus, Huwag mo akong hipuin; sapagka’t HINDI PA AKO NAKAKA AKYAT SA AMA, nguni’t pumaroon ka sa aking mga KAPATID, at sabihin mo sa kanila, Aakyat ako sa AKING AMA, at INYONG AMA, at AKING DIOS at INYONG DIOS.



Siya nga'y isang tao na lumalapat sa kalagayan ng isang totoong banal (sisidlang hirang ng Dios, buhay na templo ng Dios, propeta ng Dios). Narito, at mismong sa bibig ni Jesus ay lumabas ang katotohanan na siya ay tao rin na katulad natin at kailan ma'y hindi naging Dios sa kalagayan. Huwag na nga tayong padaya pa sa mga tampalasan na ang hangad ay kaladkarin ang mga kaluluwa sa tiyak na pagkapahamak. Yung may katawan na mismo ang nagsabing siya'y tao at hindi Dios, kaya sa usaping ito ay matuwid lamang na tanggapin ang mga salita na mismo ay nangagsilabas mula sa bibig ni Jesus. 

2 komento:

  1. Bakit ba basta na lang ako naniwala sa aral ng mga pari at pastor? Samantalang biblically pala ay matuwid na sampalatayanan si Jesus hindi bilang Dios, kundi bilang isang matuwid na lingkod ng Dios.
    Maganda ang iyong sinulat at ito sa pananaw ko ang isa sa makapaghahatid sa akin ng hinahangad kong kaligtasan ng aking kaluluwa.
    Magpatuloy ka sa kasagraduhan ng iyong layunin.

    TumugonBurahin
  2. Padron ng katotohanan Ang Juan 14:10-12 ay kasapatan na upang magtumibay sa mga salitang lumabas mula sa bibig ni Jesus.Nirepaso ang mga paliwanag upang tumingkad ang pagdidiin na ang pisikal na katawan ay sisidlang hirang o saro ng kabanalan. Ang kaisahan ng ating AMA na nasa langit ang ating luwalhatiin .amen.

    TumugonBurahin