Linggo, Mayo 15, 2011

TATLONG KATAWAN SA KABUOAN NG TAO

Ang kabuoan ng tao ay nahahati sa dalawang (2) hanay, at ang mga ito’y dimension ng materiya at ng Espiritu. Gayon ma’y binubuo ng tatlong (3) kalikasan (tripartite nature), na tumutukoy sa katawang laman, katawang kaluluwa, at katawang Espiritu

Ang hustong paliwanag tungkol sa usaping may kinalaman dito ay tila isang palaisipan, na minsan ma'y hindi naging lubos ang linaw sa pangunawa ng higit na nakakarami. Gaya halimbawa ng katawang kaluluwa at ng katawang espiritu na sa lihis na intindi ng mga tao ay magkatulad lamang ang kahulugan. Datapuwa't ito'y lubhang malayo sa katotohanan. Sapagka't sa hindi maikakaila na katiwatiwalang katunayang biblikal na may kinalaman sa usaping ito ay napakalaki ng kaibahan sa isa't isa nitong kaluluwa at espiritu ng tao.

Ano pa't kung bibigyan ng kaukulang katuwiran ang tinataglay na kahulugan ng dalawa'y gaya lamang ng malinaw na mababasa sa mga sumusunod na istansa.


Katawang Laman

GEN 3 :
19  Sa pawis ng iyong mukha ay kakain ka ng tinapay, hanggang sa ikaw ay mauwi sa lupa; sapagka’t diyan ka kinuha: sapagka’t ikaw ay alabok at sa alabok ka uuwi.

ECL 3 :
20  Lahat ay nagsisiyaon sa isang dako; lahat ay buhat sa alabok, at lahat ay nanguuwi sa alabok uli.

ECL 12 :
7  At ang alabok (katawang laman) ay mauuwi sa lupa gaya ng una, at ang diwa (katawang Espiritu) ay babalik sa Dios na nagbigay sa kaniya (tao).

JOB 34 :
15  Tanang laman ay mamamatay na magkakasama, At ang tao ay babalik uli sa alabok.

Maliwanag kung gayon na ang katawang laman sa kabuoan ng tao ay walang ibang uuwian kundi ang lupa na ganap ang pagmamayari sa kaniya. Sapagka’t siya’y ginawa sa pamamagitan ng lupa, at sa paghihiwalay ng lahat ng mga bagay (bahagi) sa kabuoan ng tao ay hindi nga uuwi ang katawang laman sa langit, kundi sa lupa na kung saan siya ay nagmula.

Ito’y hindi kailan man maaaring ariin ng langit, kaya’t kailan man din ay hindi maaaring tanggapin ng langit, palibhasa’y hindi nga taga langit, kundi siya’y katawang ukol sa lupa. Na katotohanang mananatili sa likas na kalagayang lupa, na lubos ang pagmamayari sa kaniya nito bilang materiya.

Katawang Kaluluwa

GEN 2 :
7  At nilalang ng Dios ang tao (lalake) sa alabok ng lupa, at hiningahan ang kaniyang mga butas ng ilong ng hinga ng buhay; at ang tao (lalake) ay naging kaluluwang may buhay.

EZE 18 :
4  Narito, LAHAT NG KALULUWA AY AKIN; kung paano ang kaluluwa ng ama, gayon din ang kaluluwa ng anak ay akin: ANG KALULUWA NA NAGKAKASALA AY MAMAMATAY.

JOB 12 :
10  NASA KAMAY NGA NIYA (Dios) ANG KALULUWA NG BAWA'T BAGAY NA MAY BUHAY, AT ANG HININGA NG LAHAT NG MGA TAO.

AWIT  116 :
4 Nang magkagayo’y tumawag ako sa pangalan ng Panginoon; Oh Panginoon, isinasamo ko sa iyo, iligtas mo ang aking kaluluwa.

DEUT 6 :
5  At iyong iibigin ang Panginoon mong Dios ng iyong boong PUSO (katawang laman), at ng iyong boong KALULUWA (katawang kaluluwa), at ng iyong boong LAKAS (katawang Espiritu).

Isa 57 :
16  Sapagka't hindi ako makikipagtalo magpakailan man, o mapopoot man akong lagi; sapagka't ang diwa(espiritu) ay manglulupaypay sa harap ko, at ang mga kaluluwa na aking ginawa. 

Narito, at sa kabuoan ng tao ay ang katawang kaluluwa ang napapahamak at naliligtas, na kung lilinawin ay siya sa kaniyang sarili ang napapasa langit sa kadakilaan ng mga gawa sa lupa. Gayon din siya ang napapasa impierno sa katampalasanan ng mga gawa sa lupa. Siya ay tigib ng emosyon, at nasa kaniya din ang limang (5) pangdama. Sapagka't siya ay nakakakita (sight), nakakarinig Hear), nakaka-amoy (smell), kakakalasa (taste), at nakararamdam (touch).

Sa makatuwid ay siya ang katawan na tumutukoy sa tupa na nasa dakong kanan ng Dios, at ang kambing na nasa dakong kaliwa ng Dios. Sa gayo’y siya rin ang nagtatamo ng buhay na walang hanggan at buhay na may hanggan.


Katawang Espiritu

EZE 37 :
14  At aking ilalagay ang aking ESPIRITU sa inyo, at kayo’y MANGABUBUHAY at aking ilalagay kayo sa inyong sariling lupain, at inyong mangalalaman na akong Panginoon ang nagsalita, at nagsagawa, sabi ng Panginoon.

APOC 11 :
11  At pagkatapos ng tatlong araw at kalahati, ang HININGA NG BUHAY na mula sa Dios ay pumasok sa kanila, at sila’y nangagsitindig; at dinatnan ng malaking takot ang mga nakakita sa kanila.

KAW 20 :

27  Ang diwa(espiritu) ng tao ay ilawan ng Panginoon, na sumisiyasat ng mga pinakaloob na bahagi ng tiyan. 

ECC 3 :

21  Sinong nakakaalam ng diwa(espiritu) ng tao kung napaiilanglang, at ng diwa ng hayop kung napaiibaba sa lupa? 

ZAC 12 :

1  Ang hula na salita ng Panginoon tungkol sa Israel. Ganito ang sabi ng Panginoon, na naguunat ng langit, at naglalagay ng mga patibayan ng lupa, at naglalang ng diwa(espritu) sa loob ng tao: 

Ang katawang Espiritu kung gayo’y ang buhay na taglay ng katawang laman, na may kagagawan sa inboluntaryong paggalaw ng mga sistema sa loob at labas nito. Ito rin naman ang ganap na may kinalaman kung bakit ang katawang kaluluwa ay nabubuhay, upang patuloy na umiral sa kabuoan ng isang tao.

Kaya’t kapag dumating na ang pagsasauli sa kanikaniyang pinagmulan (kamatayan) ay uuwi ang katawang laman sa lupa na kaniyang pinanggalingan. Samantalang ang katawang kaluluwa ay uuwi sa kaluwalhatian ng langit, nang sa gayo’y mapag-alaman niya kung siya baga’y malalagay sa dakong kanan o kaliwa ng kaisaisang Dios na nasa langit

Ang katawang Espiritu palibhasa’y lalang na bahagi ng kabuoan nito na nasa langit ay gayon ngang uuwi sa Kaniya na kaniyang kabuoan.

Dahil dito ay katotohanan na nararapat tanggapin ng lahat na ang katawang laman ng sinoman sa kalupaan ay walang iba kundi ang katawang ukol sa lupa, palibhasa’y mula sa lupa. Datapuwa’t ang katawang kaluluwa at katawang Espiritu sa kabuoan ng tao ay mga katawan na ukol sa langit, palibhasa’y katotohanang nagsipanggaling sa langit.

Datapuwa’t kung ang sinoman ay pamamahayan at paghaharian nitong Espiritu ng Dios ay hindi na nga tatlong (3) bahagi ang kabuoan ng kaniyang pagiging tao, kundi apat (4) na. Sapagka’t sa katawang laman, katawang kaluluwa, at katawang Espiritu ay napadagdag ang isa pang katawan na may anyong lumalarawan sa katotohanan, ilaw, pagibig, kapangyarihan, paglikha, karunungang may unawa, at buhay na walang hanggan.

Ano pa’t ang pangapat (4) na katawang yaon (Espiritu ng Dios), nang matapos na gawaran ni Juan ng bautismo itong si Jesus ay nangyaring mamahay at maghari sa kaniyang kabuoan, na sinasabi,

MATEO 3 :
16  At nang mabautismuhan si Jesus, pagdaka’y umahon sa tubig: at narito, nangabuksan sa kaniya ang mga langit, at nakita niya ang Espiritu ng Dios na bumababang tulad sa isang kalapati, at lumapag sa kaniya;

MATEO 4 :
23  At nilibot ni Jesus ang boong Galilea, na nagtuturo sa mga sinagoga (Juan 18:20) nila, at ipinangangaral ang evangelio ng kaharian, at nagpapagaling ng lahat ng sarisaring sakit at ng lahat ng karamdaman na nasa mga tao.

Sa gayo’y inyo na ngayong nalalaman ang malaking kaibahan ng karaniwan (ordinary) sa banal (holy). Siya na nabibilang sa kalipunan ng mga karaniwan ay taglay lamang sa kaniyang kabuoan ang tatlong (3) katawan. Samantalang siya na nabibilang sa kawan ng mga banal ay pinaghaharian ng isa pang katawan (Espiritu ng Dios) ang nabanggit na tatlong (3) katawan. Sa makatuwid nga’y apat (4) ang magkakabigkis na katawan na bumubuo sa isang tunay na banal ng Dios.

Hinggil sa katotohanan na ngayo’y nahayag sa maliwanag ay hindi maaaring baguhin ng Dios ang anomang Siya mismo ang may gawa.

Ang katawang laman na ukol sa lupa kung gayon ay hindi nga maaaring gawing katawang Espiritu na ukol sa langit. Sapagka’t may katawang sadyang ukol sa langit, kaya’t walang anomang pangangailangan sa paggawa ng mga bagay na hindi aayon sa perpektong kaayusan at dakilang balanse ng Dios, na nagkaroon ng maluwalhating pagkakasunodsunod na kaganapan sa nakaraan, na masiglang umiiral sa kasalukuyan, at sa magsisidating pang mga kapanahunan.

Kamtin ng bawa't isa ang masaganang daloy ng biyaya ng langit. Sa gayo'y tanggapin nating maluwalhati ang katotohanan, ilaw, pag-ibig, kapangyarihan, paglikha, karunungan, at buhay na walang hanggan.

Hanggang sa muli, paalam.



SUPPORT:

4 (na) komento:

  1. dapat habang nabubuhay pa ingatan ang katawang lupa gayon dina ng katawang espiritwal ng sa iyong paakyat sa langit ikaw ay malinis na haharap sa diyos.

    TumugonBurahin
  2. Tatlo (3) nga lang ang katawan sa kabuoan ng tao. Pag naging apat (4) ay bingo ka na.

    TumugonBurahin
  3. Ah okay, clear sa akin ang message. Para sa akin, three lang talaga at totoo ang mababasa sa sulat.

    TumugonBurahin
  4. walang pagaalinlangang matatawag ang pangapat na katawan na "kapantasan", "wisdom", "evolutionary stage" o "pagkaunlad".

    TumugonBurahin